Puro basura ang lumalabas sa bibig ni Sara Duterte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English


Sinisimot ni Sara Duterte, kalihim ng DepEd, ang kapiranggot na ngang respeto sa kanya ng mga guro at sambayanang Pilipino. Nagtatae ng basura at walang kwentang mga salita ang bibig niya. Ni hindi siya makasagot sa mga simpleng tanong tungkol sa proyekto ng kanyang kagawaran tulad ng public wifi pero may lakas ng loob na magbitiw ng malisyosong disimpormasyong umaatake sa karapatang sibil ng publiko. Sinisisi niya ang mga kilos protesta kung bakit nabawasan ng dalawang milyon ang bilang ng mga nag-enrol sa taong ito. Lutang sa katotohanan at napaghahalataang puro lamang patutsada at walang alam sa reyalidad ng taumbayan ang inutil na si Duterte.

Para sa kaalaman ni Duterte, kahirapan at kagutuman ang nangungunang dahilan kung bakit wala sa eskwelahan ang mga batang Pilipino. Mula pa 2017, hindi na bababa sa 59 milyong Pilipino ang nakararanas ng kagutuman. Dulot nito, pababa nang pababa ang edad na kinakailangan nang sumabak sa trabaho ang mga kabataan. Noong 2021 pa lamang, nasa 1.37 milyong kabataang edad 5 hanggang 17 ang nagtatrabaho na dahil sa hirap ng buhay. Sa buong daigdig, ito ang unang beses na nagkaroon ng pagtaas ng child labor sa alinmang bansa. Mas mataas pa ang bilang nito sa kanayunan at mga liblib na lugar kung saan mas mataas ang tantos ng kahirapan at mas matindi ang kagutuman.

Nariyan din ang agresibong komersyalisasyon ng edukasyon. Buwis-buhay ang makapagpatapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo laluna’t paunti nang paunti ang mga pampublikong kolehiyo at unibersidad habang naglilipana ang mga pribadong eskwelahang napakamahal ng matrikula. Wala pang kalahati ang nakatapos sa kolehiyo noong 2022 – 41.16% o apat sa kada sampung estudyante lamang ang kinayang tustusan ang pag-aaral. Ngunit sa halip na pagpapalakas ng mga programa para sa libreng edukasyon, ang ipinapanukala ngayon ng ni DOF Sec. Benjamin Diokno ay ang pagrebisa at sistematikong pagtatanggal ng pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Tatlumpu sa 117 state university at colleges din ang tatamaan ng bilyun-bilyong budget cut. Sa ganitong direksyon, lalong aalagwa ang kawalan ng akses ng kabataan sa libreng edukasyon.

Sa harap ng mga problemang ito sa sistema ng edukasyon, hindi ba’t marapat lamang na magprotesta at magsalita ang kabataan, ang kanilang mga magulang at maging ang mga guro at ang buong sambayanan? Hindi rin naman ito dapat gawing isyu ni Duterte dahil karapatan ng mamamayan ang pagpoprotesta at pagpapahayag ng kanilang mga kahingian. Halatang ang intensyon lamang ni Duterte ay atakehin ang mga karapatang sibil ng mamamayan at isisi sa kanila ang mga pundamental na suliraning hindi niya kayang resolbahin. Nais lamang niyang busalan ang bibig ng taumbayan upang hindi siya mapanagot sa kanyang kainutilan at pasismo.

Hinihingi ng kalagayan ang ibayong pagpapalakas at pagpapalawak sa pakikibaka ng mamamayan para sa de-kalidad at abot-kayang edukasyong syentipiko, pambansa at maka-masa. Marapat lamang na batikusin, ilantad at itakwil ang walang alam na kalihim ng DepEd na si Sara Duterte at ang buong reaksyunaryong gubyernong hiwalay sa tunay na danas at sa mga kahingian ng sambayanang Pilipino.

Puro basura ang lumalabas sa bibig ni Sara Duterte