Puspusang isulong ang armadong pakikibaka at kamtin ang kapayapaang nakabatay sa katarungan!
Kontra kapayapaan at di mapagkasundo ang pinuno ng National Security Council na si General Eduardo Año sa iresponsableng pahayag nito hinggil sa pagpapatigil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas(GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines(NDFP). Ang hakbanging ito ng National Security Council at ng rehimeng US-Marcos II ay pagpapakita sa kawalan ng kaseryosohang lutasin ang ugat ng mahigit limang dekadang armadong tunggalian sa Pilipinas.
Pang iintriga din ang malisyosong pahayag ni General Año na ang CPP-NPA-NDFP diumano ay hindi unipikado at disorganisado sa tindig at desisyon kaugnay sa usapang pangkapayapaan laluna sa usapin ng pagsusulong ng armadong pakikibaka. Mula noon hanggang ngayon, matatag ang hawak ng CPP-NPA-NDFP sa baril at pagsusulong ng armadong pakikibaka habang solido ito sa paninindigang palagiang bukas sa usapang pangkapayapaan sa GRP alinsunod sa itinadhana ng mga nauna ng kasunduang napagtibay sa pundasyon ng The Hague Joint Declaration.
Kagaya ng kanilang amo na si Ferdinand Marcos Jr., ang nais lamang nilang pakinggan at pagsilbihan ay ang amo nilang imperyalistang US kaya naman nagkukumahog silang tapusin na ang CPP-NPA-NDFP na tinagurian nilang numero unong kaaway ng papet na estado. Bingi at bulag sila sa panaghoy at grabeng paghihirap ng taumbayan laluna ng mga maralita, pinagsasamantalahan at inaaping uri sa lipunang Pilipino.
Kung ano anong pakana at pangdodoktor ng mga datos ang ginagawa ng reaksyunaryong gubyernong Marcos II para lamang palitawing komokonti ang naghihirap na pamilyang Pilipino. Kahiya hiya at katawa tawa ang NEDA kakoro ng PSA at ibang ahensya at sangay ng gubyerno sa pagsasabing sapat na ang 64 pesos para sa pagkain sa buong araw para lamang palitawin na sapat at walang batayan upang itaas ang kasalukuyang minimum na sahod ng mga manggagawa. Pagtakpan man subalit nagdudumilat ang labis labis na karukhaan sa Pilipinas dulot ng kawalan ng trabaho, mababang sahod, kawalang benipisyo at mahirap na kondisyon sa paggawa ng mga manggagawa. Habang wala at patuloy pang inaagawan ng lupa at lupaing ninuno ang mga magsasaka at katutubo ng mga panginoong maylupa at mga korporasyong nandarambong sa likas na yaman ng bansa.
Saanman may kahirapan, kaapihan, at pagsasamantala, may armadong paglaban. Pinatunayan na ito ng kasaysayan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Ito ang katotohanang pilit na pinagtatakpan ni General Año, ni Marcos Jr. at ng mga kagaya nilang utusan ng pahirap, mapang api at mapagsamantalang imperyalistang US, malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa- na mga kaaway ng sambayanang Pilipino. Sino nga naman ang magpapakahirap sa armadong paglaban at makipagdigmaan kung natatamasa ang karapatan at kagalingan sa isang lipunang maayos, walang kagutuman, at mapayapa?
Ang kagustuhan nilang pagsuko at pagsalong ng armas ng CPP-NPA-NDFP at lahat ng mamamayang lumalaban ay isang hibang na pangarap ni General Año at ng mga kabaro niya. Dapat silang mag aral ng kasaysayan nang sa gayo’y maintindihan nilang hindi kailanman matatapos ang armadong paglaban ng hindi nilulutas ang ugat nito – ang imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo na syang dahilan ng labis labis na pambubusabos, kaapihan at pagsasamantalang dinaranas ng mamamayang Pilipino. Matama nilang pag-aralan ang kasaysayan ng maintindihan nilang napalayas ang mananakop na Espanyol at Hapon dahil sa magiting na armadong paglaban ng Himagsikang 1896 na pinamunuan ng dakilang Gat Andres Bonifacio at ng anti-pasistang armadong paglaban ng HUKBALAHAP at iba pang magigiting na Pilipino. Dapat na muling ipaalala sa rehimeng US-Marcos II na nagawang maibagsak ang diktadurang US-Marcos I noong 1986 pangunahin dahil sa tuloy-tuloy na pagpapahina dito ng walang puknat na armadong paglaban ng NPA at ng tuloy-tuloy na rebolusyonaryong pagkilos ng sambayanan. Dapat din nilang maunawaan na hindi kailanman tumigil ang armadong paglaban ng sambayanang Pilipino laban sa mananakop na imperyalismong US kasabwat ang mga lokal na naghaharing uring malalaking kumprador-panginoong maylupa. Katunayan, ipinagpapatuloy lamang hanggang sa kasalukuyan ng mga bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong Pilipinong pinangungunahan ng CPP-NPA-NDFP ang armadong paglaban laban sa imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Kinikilala na bahagi ng demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP ang pagpasok sa usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas upang seryosong pagkasunduan paanong lulutasin ang ugat ng armadong labanan sa pamamagitan ng repormang panlipunan, pang ekonomiya, at pampulitika. Gayunman, mulat ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pangangailangang isulong ang matagalang digmang bayan bilang pangunahing garantiya na makamit ang matagalang kapayapaan, kalayaan, demokrasya at kasaganaan. Dahil sa pamamagitan lamang nito, mawawakasan ang mga pangunahing salot at ugat ng kahirapan sa lipunan na walang iba kundi ang Imperyalismong US, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Katunayan, dahil sa mga tagumpay na nakamit ng armadong pakikibaka, nagkakaroon ng kapangyarihan ang sambayanan na magkamit ng mga tagumpay sa mesa ng usapang pangkapayapaan.
Sa isla ng Mindoro, kinikilala ng mga magsasaka at katutubong Mangyan na dahil sa armadong pakikibakang isinulong ng NPA napalaya ang ilampung libong ektarya sa kontrol ng mga despotikong panginoong maylupa’t mga burukrata-kapitalista at ngayon ay pinakikinabangan ng puo-puong libong magsasaka at mga katutubo. Sa mga lugar na malakas ang pulang kapangyarihan, ang mga mamamayang naghihirap at inaapi ay nakapagkamit ng kapangyarihang pampulitika’t pang-ekonomya na hindi pa nangyari sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino.
Lalu lamang muling pinatutunayan ng mga kontra-kapayapaang pahayag ni Año at mga akto ng terorismo ng rehimeng US-Marcos II, ang kawastuhan at kahalagahan ng armadong pakikibakang isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Ang landas tungo sa matagalang kapayapaan, kalayaan at katarungang panlipunan ay makakamit lamang sa paglakas hanggang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Ito ay dahil sa ito ang magbabagsak sa tatlong salot at ugat ng kahirapan ng sambayanan at lipunang Pilipino, ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.
Sa harap ng pangangamkam ng lupain ng mga dayuhan at uring kumprador-panginooong maylupa, lalung palalakasin ng masang magsasaka ang NPA at isusulong nito ang armadong pakikibaka upang magtagumpay sa kanyang pakikibakang ariin ang lupang binubungkal at pakinabangan ang produkto sa kanilang mga sakahan. Sa dinadanas na lubhang pagbaba ng halaga ng sahod at pagmasaker ng regular na paggawa pamumunuan ng uring manggagawa hindi lamang ang mga unyon at welgang manggagawa kundi ang demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak ang marahas na papet na estado ng imperyalistang US at malalaking kumprador-panginoong maylupa sa Pilipinas. Higit na magpupunyagi sa armadong paglaban ang sambayanang Pilipino upang pigilan ang imperyalismong US na gawing entablado ng inter-imperyalistang gyera ang Pilipinas laban sa karibal nitong China.
Isulong ang digmang bayan para sa kapayapaang nakabatay sa katarungan sa Pilipinas!
Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!