Pahayag

Dakilang Anak ng Bayan, Internasyunalistang Rebolusyonaryo, Tagapagdala ng Liwanag sa Panahon ng Kadiliman Rebolusyonaryong pagpupugay kay Ka Louie Jalandoni!

Sa pagpanaw ni Ka Louie Jalandoni ngayong Hunyo 7, 2025 sa edad na 90, isang rebolusyonaryong haligi ang bumalik sa piling ng masa na kanyang buong-buhay na pinaglingkuran. Sa kanyang mga huling sandali, siya’y pinalilibutan ng mga kasama, pamilya, at ng diwang taglay ng isang mapanlikha, matatag, at tunay na bayani ng sambayanan.

Ngunit hindi tayo nagluluksa nang may kawalang-pag-asa sa halip, itinatanghal natin ang kanyang ginintuang buhay bilang gabay at panata. Si Ka Louie ay huwaran ng tunay na pagbabago. Isang anak ng panginoong maylupa na tumalikod sa pribilehiyo at pumiling lumubog sa masang pinagsasamantalahan. Isa siyang dating pari na ang pananalig ay isinalin sa aktwal na pakikibaka, mula simbahan tungong kabundukan, mula pulpito tungong rebolusyon.

Mula sa pagtatag ng Christians for National Liberation (CNL), hanggang sa pamumuno ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan, hanggang sa pagharap sa mga dayuhan at imperyalistang kapangyarihan sa pandaigdigang entablado—hindi natin makakalimutan ang kanyang tibay ng paninindigan, lalim ng paniniwala, at alab ng panata sa sambayanan.

Si Ka Louie ang malinaw na larawan ng tunay na internasyunalista at rebolusyonaryo. Sa harap ng brutalidad ng batas militar, tumindig siya. Sa gitna ng pagkatapon at exile, patuloy siyang nag-organisa, nagpaliwanag, at tumindig para sa karapatan ng sambayanang Pilipino. Hindi kailanman pinatay ng pagkakapiit, pang-uusig, o pagkakalayo sa bayan ang apoy ng rebolusyon sa kanyang dibdib.

Ngayon, habang sinasariwa natin ang kanyang pamana, isang malinaw na hamon ang lumalapag sa balikat ng kabataan.

Sa panahon ng mas lumalalang krisis panlipunan, papalalim na pasismo, lumalawak na karukhaan, at panggagahasa sa ating pambansang soberanya, walang ibang landas na dapat tahakin ang kabataan kundi ang landas na pinili ni Ka Louie—ang ialay ang sarili sa entablado ng digmang bayan.

Panghalawan natin ng mga aral at inspirasyon ang ginintunang buhay ni Ka Louie, at ipagpatuloy ang laban na nasimulan niya. Na sa kabila ng mga balikong daan, ang pagtangan at pagpili sa landas ng rebolusyon ang magiging kasagutan upang makamit ang daan tungo sa lipunang para sa lahat.

Tulad ni Ka Louie, gamitin natin ang talino, puso, at lakas sa pagtatayo ng lipunang walang pagsasamantala, walang pang-aalipin, at walang dayuhang panginoon.

Mula rito, mas hamon sa atin na gamitin ang mga sarili bilang tagapagtaguyod ng kapayapaang nakabatay sa katarungan. At malinaw na makakamit lamang ito kung tayo mismo ang puputol sa pagsasamantala ng mga uri—itatanghal ang sarili sa digmang bayan.

Sapagkat aminin man o hindi ng rehimen ni Marcos Jr., siya ang numero-unong dahilan kung bakit nagpapatuloy ang ligalig at walang kapayapaan sa kanayunan at kung bakit ang kabataan ay pumipili na iwanan ang buhay at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan.

Magsinungaling man ang estado at pabanguhin ang pangalan nito sa mata ng taumbayan, mas humihinog lamang din ang isipan ng kabataan na pulutin ang mga armas na nabitawan ng mga bayaning martir.

Na kasabay ng patuloy na pagluwal ng reaksyonaryong estado ng pagsasamantala’t pasismo, mas hitik pa rin ang rebolusyon na magsilang ng mga anak nitong tatangan at tutungo sa landas ng pakikibaka hanggang sa makamit ang pambansang paglaya.

Kaya nararapat lamang din na magising na ang pasistang rehimen ni Marcos Jr. sa mga hunghang nitong panaginip na magagapi nito ang mas lumalakas na pwersa ng CPP-NPA! Kasabay nito ay ang panawagan natin sa pagtulak ng usaping pangkapayapaan na siyang sasagot para makamit ang mga tunay na pangangailangan ng sambayanan.

Kung kaya’t, kabataan, mas kamtin natin ang pambansang demokrasya! At kasabay nito ay bilang parangal sa martyr ng sambayanan at rebolusyon, mas hamon ito sa Kabataang Makabayan-Laguna na makapagluwal din ng mga bagong rekrut at kasapi ng Bagong Hukbong Bayan na siyang magpapatagumpay ng Digmang Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas!
Mabuhay ang mga mamamayang nakikibaka!

Rebolusyonaryong pagpupugay kay Ka Louie Jalandoni!