Pahayag

Rebolusyong Agraryo, hindi CARP, ang magbibigay ng lupa sa mga magsasaka!

,

Mariing kinukondena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Laguna, ang ika-38 na anibersaryo ng walang kwentang programang reporma sa lupa ng reaksyonaryong gubyerno na Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.

Para sa mga magbubukid, ang CARP o Republic Act No.6657 ay inutil. Nabigo nitong tuparin ang pangako na redistribusyon ng mga pribado at pampublikong lupang agrikultural para mapabuti ang buhay ng mga benepisaryo nitong magsasaka. Hindi pa umaabot ng 10% sa buong bansa ang naipamahaging lupa sa pamamagitan ng CARP, sa halip ay libo-libong ektaryang kalupaan ng mga magbubukid at mga pambansang minorya ang walang sagkang dinadambong ng mga malalaking panginoong maylupa, kasabwat ang mga dayuhang monopolyo kapitalista at lokal na burges kumprador sa ngalan ng tuluy-tuloy na pagtabo ng tubo.

Sa Laguna ay hindi kailanman naramdaman ang CARP at walang maralitang magbubukid na nakabenipisyo rito. Dito ay walang sagkang kinukumbert ang gamit ng lupa para sa mga enklabong industriyal. Ang dating mga bayan ng Laguna na mayayaman sa produksyong agrikultural ay naging tahanan na ng mga engklabong inudstriyal na kasabay ay ang paglitaw ng malawak na kolonya ng mga maralitang hikahos sa buhay.

Sa mga syudad hanaggang sa ilang bayan sa Distrito 3 at Distrito 4 ng probinsya ay ibinubuhos ang mga mapanirang proyektong imprastruktura tulad ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN), mga dam, windmills at landfills para pagsilbihin sa pangangailangan ng mga engklabong tahanan ng may mahigit sa 1,000 mga planta at pabrika sa Laguna na pag-aari ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at lokal na burges kumprador.

Dagdag pa rito ang pagpapalit gamit-ng-lupa para mga subdibisyon, malls, hotels, restaurant, at mga modernong palaruan ng mayayaman. Samantala, libo-libong mangingisda ang nanganganib na mawawalan ng kabuhayan kapag itinayo ang proyektong floating solar panel farm sa laot ng lawa ng Laguna.

Sa totoo, hindi nalutas ng CARP ang problema sa lupa dito sa Laguna, wala itong nagawa upang sawatain ang malawakang pangangamkam at kumbersyon ng gamit ng lupa ng maliliit na magbubukid. Imbis na magkalupa sa pamamagitan ng CARP, ang mga magbubukid ay lalo lamang nawalan ng lupa. Sa ganitong kalagayan, walang ibang karapatdapat na alternatibo kung hindi ang isulong ang rebolusyonaryong reporma sa lupa, ito ang tunay na reporma sa lupa na lulutas sa lahat ng problemang agraryo ng mga magbubukid, katuwang ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ang PKM-Laguna ay nananawagan na balik-aralan ng mga masang magbubukid ang mga prinsipyo at nilalaman ng Gabay para sa pagpapatupad ng Repormang Agraryo. Aralin din ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic and Reform o CASER, na panukala ng NDFP sa “Peace Talks” na naglalaman ng programa sa repormang agraryo at pagpapaunlad ng produksyon sa kanayunan, tulad ng pagbuwag ng monopolyo sa lupa, libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal na walang lupa at kulang sa lupa, akses sa binhi at teknolohiya, pagpapaunlad ng mga industriya sa kanayunan, proteksyon sa karapatang pantao, at pagkilala sa mga lupaing ninuno kaakibat ang kalayaan sa pagpapasya sa sarili.

Kailangan na walang humpay sa pagpupunyagi ang Partido, mga aktibistang masa at hukbong bayan na imulat, organisahin at pakilusin ang mga maralitang magsasaka, manggagawang-bukid, at mababang saray ng panggitnang magsasaka. Ikonsolida ang kanilang solido at organisadong lakas, kabigin ang mga panggitnang magsasaka, mga mayamang magsasaka at iba pang makabayan at patriotiko upang ibagsak ang kapangyarihan ng uring mga mangangamkam na panginoong maylupa, monopolyo-kapitalsitang dayuhan at mga lokal na burgesya kumprador.

Isulong ang agraryong rebolusyon!
Sumapi sa NPA!

Rebolusyong Agraryo, hindi CARP, ang magbibigay ng lupa sa mga magsasaka!