Pahayag

Sa diwa ng makasaysayang paglaban ng mga Bicolano sa Balikatan 2009, tutulan ang mga pakana ng presensyang militar ng US sa Bicol!

Nakikiisa ang mga Masbatenyo sa kapwa nito mamamayang Bicolano sa pagtutol sa planong pagpasok ng mga tropang Amerikano at iba pang dayuhang pwersa sa rehiyon sa tabing ng umano’y mga aktibidad na humanitaryan at relief.

Walang ibang pakay ang naturang mga aktibidad kundi ang linlangin ang taumbayan na kaibigan ng mga Pilipino ang imperyalismong US. Sa tabing ng mga pakitang-taong aktibidad na makatao tulad ng relief at ayuda, kinukundisyon ang isip ng mga Bicolano na kailangan at karaniwan ang presensyang militar ng US sa bansa. Lahat ng ito’y kabahagi ng nilulutong gera ng US sa bansang China, kung saan idinawit ng rehimeng Marcos ang Pilipinas at tiyak na magdudulot ng panganib sa buhay at kalayaan ng mga Pilipino.

Sa katunayan, sa likod ng mga mapagpanggap na humanitaryang aktibidad, isa ang Bicol sa pinagpaplanuhang pagtayuan ng baseng militar sa US. Matunog na halimbawa ang pinaplanong naval base sa bayan ng Bagamanoc sa Catanduanes. Dapat ding bigyang-pansin ang pataksil na pag-alok ni Camarines Sur 2nd District Rep. Lray Villafuerte sa kanyang prubinsya bilang isa sa mga potensyal na dagdag lokasyon sa ilalim ng Enhanced Defence Cooperation Agreement.

Dapat ipagpatuloy ng mga Bicolano ang tradisyon ng pagtutol sa panghihimasok militar ng US, tulad ng makasaysayang paglaban ng mamamayan sa Balikatan Exercises na ilinunsad sa Bicol noong 2009. Bilang mga Pilipino, dapat makiisa ang mga Bicolano sa panawagan ng mapayapang resolusyon ng sigalot sa West Philippine Sea at hadlangan ang patakarang gera ni Marcos at ng imperyalistang US laban sa karibal nitong China.

Ang paglahok at pagsusulong ng digmang bayan ang pinakamasasaligang armas ng mga Bicolano upang hadlangan ang pagsiklab ng inter-imperyalistang gera sa Pilipinas.

Sa diwa ng makasaysayang paglaban ng mga Bicolano sa Balikatan 2009, tutulan ang mga pakana ng presensyang militar ng US sa Bicol!