Sa harap ng mga maniobra ng mga burukrata-kapitalista, umasa sa lakas ng pagkilos ng masa upang kamtin ang pagpapatalsik kay Sara at pagpapanagot kay Marcos
Makatarungan ang pagprotesta ng mga progresibong pwersa at mamamayang Pilipino para isulong ang impeachment ni Vice President Sara Duterte sa garapalang pandarambong ng pondo ng bayan. Sa gitna ng kinakaharap na kaso ni Sara, dumadaluyong ang mga pakikibakang bayan para usigin at papanagutin ang mga tiwali, kabilang ang hari ng korapsyon na si Ferdinand Marcos Jr.
Nasaksihan ng bayan noong Lunes ang kutsabahan para palitan ang pamunuan ng Senado mula kay Tito Sotto tungo kay Allan Peter Cayetano na masugid na tagasunod ng pamilya Duterte. Ang pinakahuling maniobra ay nagbigay ng panibagong hamon sa mamamayan sa laban para sa pagpapanagot kay Sara matapos syang muling patalsikin sa Kamara sa botong 257, higit sangkatlo ng kapulungan.
Desperado ang paksyong Duterte na gawin ang lahat ng makakaya upang pigilan ang pagpapatalsik kay Sara at muling tumakbo sa pagka-presidente ng bansa para takasan ang malalaking kaso ng pangungurakot at mga krimen sa sangkatauhan. Bago ang pag-abante ng kasong impeachment ni Sara, binuo ng International Criminal Court (ICC) ang Trial Chamber III na nakatakdang lilitis kay Rodrigo Duterte sa tatlong kaso ng crimes against humanity kaugnay sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa kurso ng gera kontra-droga noong siya’y alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas. Tinindigan ng ICC na litisin ang mga kaso ni Duterte. Lumabas na rin ang arrest warrant ng ICC laban kay si Senador Bato dela Rosa bilang co-perpetrator ni Duterte sa mga krimen noong naging hepe ng PNP at nagpatupad ng madugong gera kontra-droga. Pero hanggang ngayon ay hindi pa sya naaaresto at pinuprotektahan pa mismo ng senado ng Pilipinas.
Sa harap ng pagkopo ng paksyong Duterte sa tuktok ng Senado at ang mayorya nito, muling nagkaroon ng balakid sa pagpapatalsik kay Sara. Kaakibat ng bagong galawan na ito ang tigas-mukhang ambisyon ni Sara na matiyak ang posisyon sa Malakanyang sa susunod na halalan. Kung tutuusin, malaon na dapat napatalsik si Sara na hinadlangan mismo ng Korte Suprema at ngayon ng senado gamit ang kung anu-anong teknikalidad sa reaksyunaryong batas. Ang mga antala sa pagpapatalsik ay bahagi sa pag-iingat ng duwag na si Marcos Jr., na nag-aalangang makasuhan ng kasong korapsyon at patalsikin matapos ni Sara.
Samantala, ang pagpapanagot kay Bato ay ginagamit ng kampong Marcos pabor sa sariling interes para pahinain ang impluwensya at kapangyarihan ng mga Duterte. Habang nararapat na hulihin at usigin si Bato, kinamumuhian din ng mamamayan si Marcos Jr sa pagsakay sa tapat na kahilingan ng mga biktima ng gera kontra-droga na papanagutin si Bato at sa halip ay ginagamit sa pamumulitika.
Hindi naaaliw ang mamamayan sa anumang palabas na ipinakita ng mga payaso sa Senado at Malakanyang. Magbatuhan ng putik at magturuan man ang mga Marcos at Duterte, walang pinag-iba ang dalawa sa pagpapahirap sa bayan. Lalo lamang nilang inilalantad sa mamamayan na sadyang walang hustisyang aasahan sa estadong siyang pasimuno ng korapsyon, karahasan at lahat ng kasamaan. Sa harap ng grabeng kahirapan at paghahangad ng mamamayan sa hustisya, inutil at walang silbi si Marcos Jr at kanyang buong rehimen.
Nagpupugay ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na nagsagawa ng iba’t ibang mga pagkilos para sa kanilang karapatan. Kapuri-puri ang walang kapagurang pagkilos ng mamamayan sa Timog Katagalugan at buong bansa upang ilantad ang kainutilan ng estado sa gitna ng krisis sa langis, ang patuloy na paggigiit na managot ang mga kurakot at ang pagtakwil sa pagsusunud-sunuran ng gubyernong Marcos II sa imperyalismong US. Ipinakita ng mga pagkilos sa buong bansa ang patuloy na pagkamuhi ng bayan sa imbing pakana ng dalawang paksyon na manatili sa poder. Ipinamalas nitong hindi nakalilimot ang mamamayan na papanagutin at palayasin ang mga burukratikong kurap at pasista sa poder.
Sa patuloy na pag-igting ng tunggalian sa pagitan ng mga naghaharing uri, marapat na buuin ang malapad na alyansa ng mamamayang Pilipino upang isulong ang pakikibaka laban sa burukrata-kapitalismo at para sa pambansa-demokratikong interes ng bayan. Dapat pangunahing sumalig ang sambayanan sa nagkakaisang lakas ng pagkakaisa at pagkilos ng uring manggagawa at magsasaka at pagkabig sa peti-burgesya ang mayorya ng populasyon at bumubuo sa pinakamalaking pwersang inaapi at pinagsasamantalahan, sa pakikibaka upang panagutin ang mga Duterte hanggang kay Marcos. Patuloy na nahihinog ang kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal tungo sa rebolusyonaryong pagpapabagsak nito. Ang kumukulong sitwasyong pampulitika ay puwang upang patuloy na makapagpalakas at magpunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa tungo sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.