Pahayag

Sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao: Ipaglaban ang karapatan at hustisya sa harap ng pasismo ng estado!

,

Nakikiisa ang rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao ngayong Disyembre 10, isang mahalagang araw upang alalahanin ang pagtitibay ng iba’t ibang bansa sa Universal Declaration of Human Rights sa parehong araw noong 1948. Sa araw na ito, taas-kamaong nagpupugay ang NDFP-ST sa lahat ng mamamayang nagtataguyod sa karapatang tao at hustisya, silang hindi yumuyukod sa mga pasistang pang-aatake at masikhay na nakikibaka upang ipagtanggol ang buhay at dignidad ng tao. Ang kanilang magiting na paglaban ay tila isang di-nauupos na kandilang nagpupunyaging magbigay liwanag sa gitna ng inilukob na kadiliman ng berdugong estado at imperyalismo.

Sa rehiyong TK, hindi naglubay ang mga tagapagtanggol ng karapatang tao at ang mamamayan sa pagdepensa sa karapatan at paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng karahasan ng malapyudal at malakolonyal na estado. Lagi’t lagi silang nakabantay at nagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa malawakang pandarahas at pang-aaping dinaranas ng mga magsasaka, manggagawa, pambansang minorya, kababaihan, kabataan at maralitang lungsod.

Isinakdal ng mamamayan ang mga armadong pwersa ng estado at pati mismong si Ferdinand Marcos II bilang pasimuno at tagapagpatupad ng madudugong krimen at atrosidad sa bayan. Patuloy rin ang pananawagan ng pagpapanagot kay Rodrigo Roa Duterte para sa brutal na gera kontra-droga at JCP Kapanatagan na nagdulot ng pagkamatay ng libu-libong mamamayan at dislokasyon ng ilang milyon. Hinamon ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao ang mga institusyon, korte at iba pang ahensya sa loob at labas ng gubyerno na manindigan para sa katarungan at papanagutin ang mga maysala. Kinundena nila ang mga lantarang nagkakanlong at nagpapagamit sa mga berdugong bayaran ng estado tulad ng Department of Justice at mga piling lokal na burukrata.

Dahil sa walang pagod at walang takot na pakikibaka ng aping mamamayan, buong talas na nailalantad nito ang pagpapanggap ng rehimeng US-Marcos II na gumagalang ito sa karapatang tao at naiiba sa sinundang rehimeng Duterte. Sa nakaraang International People’s Tribunal, isa si Marcos II sa hinatulang guilty sa pagsasagawa ng mga krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas. Kasama niyang hinatulang maysala si Rodrigo Roa Duterte, ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, US President Joseph R. Biden, at ang Gubyerno ng United States. Kahit ang muling pagbwelo ng imbestigasyon sa mga Duterte at pag-usad ng kasong krimen laban sa sangkatauhan na isinampa laban sa matandang Duterte at kanyang mga alipures sa International Criminal Court ay naging posible dahil sa tuluy-tuloy na paglaban at paniningil ng mamamayan.

Sa pagtutuwangan ng mga demokratikong pwersa, ibayong sumusulong ang pakikibaka para sa karapatang tao. Umaani ng suporta ang pananawagan para sa hustisya mula sa malawak na publiko hanggang sa internasyunal na komunidad. Napakalaking sampal sa mukha ng AFP-PNP ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa Bloody Sunday Massacre (BSM) na naganap noong Marso 7, 2021. Sa kabila ng paulit-ulit na pagmamaniobra ng DoJ upang iabswelto ang mga kriminal na pulis, hindi napupundi ang apoy ng paglaban ng mga kaanak ng biktima ng BSM at mga sumusuporta sa kanila. Patuloy rin ang paghahabol na panagutin ang AFP-PNP sa mga kriminal na kaso nito sa mamamayan. Kabilang dito ang kaso ng 4th IB sa malagim na pagpaslang sa kabataang Mangyan-Hanunuo na si JL Maligday nitong Abril; mga elemento ng 59th IB na pumatay sa batang si Kyllene Casao at magsasakang si Maximino Digno; kumbinasyong pwersa ng PNP at AFP na responsable sa desekrasyon ng mga labi ng kasapi na NPA na tinaguriang Balayan 7; mga kaso ng panggagahasa at paglabag sa karapatan ng mga bata; at mga kaso ng panggigipit, pagbabanta, paninira ng ari-arian at pang-aatake sa mga sibilyan.

Kung tutuusin, ang pagpapatuloy ng mga labang ito sa gitna ng garapalang pasismo at buktot na sistema ng reaksyunaryong hustisya ay isa nang maningning na tagumpay. Kapuri-puri ang katapangan ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao at mga biktima na humarap sa pasistang kaaway kahit na walang ibang tangang armas kundi ang kanilang paninindigan at adhikain para sa tunay na hustisya. Dapat tipunin at ibayong pagyamanin ang mga tagumpay na nakamit ng mamamayan sa larangang ito ng pakikibaka upang maging tuntungan ng mas malalaki pang tagumpay. Kailangang ikumpas ang pagtatanggol sa karapatang tao sa pangkabuuang anti-pasistang pakikibaka na mayroong ligal, malaligal hanggang armadong anyo ng paglaban.

Sa kasalukyang yugto ng labis na pagkabulok at krisis ng lipunang Pilipino, ang paglaban sa pasismo ng estado ay isang mahalagang bahagi ng pagsusulong ng pambansa demokratikong adhikain ng mamamayan. Mahigpit na ikinakawing ng mga rebolusyonaryong pwersa ang anti-pasistang kilusan sa anti-pyudal at anti-imperyalistang kilusan upang higit itong patibayin at palalimin ang ugat sa masa.

Dapat ipaunawa sa mamamayan na ang tunay na ugat ng brutalidad at paglabag sa karapatang tao ay ang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at imperyalismo sa bansa. Ang halimaw na estado na kinakatawan ngayon ng rehimeng Marcos II ay nakakapanatili sa poder dahil sa pagsandig nito sa among US at sa mersenaryong AFP-PNP. Sa hangarin ng lokal na naghaharing uri at ng US na sairin ang yaman ng bansa, walang habas nitong sinasagasaan ang karapatan ng mamamayan at sinusupil ang anumang anyo ng paglaban. Ito ang batayan kung bakit ang pambansa demokratikong rebolusyon ang ultimong solusyon upang wakasan ang kultura ng impyunidad at pangyuyurak sa karapatang tao.

Ang kasamaan at kadilimang inihahasik ng mga berdugo’t gahaman ay hindi panghambampanahon. Hangga’t may mamamayang bumabangon at lumalaban para sa kanilang karapatan, lagi’t laging sisilay ang liwanag ng pag-asa. Ipanata natin, sa ngalan ng lahat ng inaapi at biktima ng karahasa’t inhustisya at para sa susunod na henerasyon, na patuloy nating pag-aalabin ang sulo ng paglaban para sa karapatang tao at hustisyang panlipunan, hanggang sa makamit ang dakilang layunin ng pambansang pagpapalaya at tunay na demokrasya.

Sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao: Ipaglaban ang karapatan at hustisya sa harap ng pasismo ng estado!