Sagot sa mga tanong ni Andres Silang
Nasa ibaba ang sagot ko sa mga tanong ni Andres Silang, isang kasapi ng Kabataang Makabayan, tungkol sa napapanahong mga usaping internasyunal at lokal.
a) Ano ang tindig ng PKP-MLM sa Chinese Reunification sa pagitan ng Taiwan at China? Ito ba ay para sa reunification o pagsunod sa One China Policy? Paano ito nagbago, kung nagbago man, sa mga nagdaang taon?
Kinakatigan ng PKP ang patakaran na ang Taiwan ay bahagi ng China, at na ang gubyerno ng People’s Republic of China ang kumakatawan sa lahat ng Chinese, kapwa sa mainland at sa Taiwan. Totoo ito noon na ang gubyerno ng PRC ay rebolusyonaryo at nagtataguyod ng sosyalismo. Totoo pa rin ito ngayon na ang PRC ay bumaling na sa kapitalismo at naging isa nang sosyal-imperyalistang bansa. Ang usapin ng paghihiwalay ng Taiwan ay isang usaping pambansa na pagpapasyahan ng mamamayang Chinese.
Ang hinaharap ng Taiwan ay nakadepende sa mga sirkunstansyang istorikal at materyal. Tulad ng tinuran ni Lenin at Stalin, ang mga bansa ay mga matatatag na komunidad ng mamamayang binubuklod ng komun na lenggwahe, kultura, sikolohiya, teritoryo, kasaysayan at buhay pang-ekonomya. Krusyal dito ay kung itinuturing ba ng mga Chinese sa Taiwan na sila ay distinct at dapat humiwalay sa mga Chinese sa mainland China.
Ang usapin ng paghihiwalay ng Taiwan ay matagal nang inuudyukan at ginagamit ng US laban sa PRC. Noong rebolusyonaryo ang China, nagbuhos ng suporta ang US kay Chiang Kai Shek (na napatalsik noong 1949) sa tangka nitong ibagsak ang rebolusyonaryong China at ipanumbalik ang mga reaksyunaryong naghaharing uri. Humupa ang pang-uudyok ng US sa usapin ng Taiwan noong katapusan ng dekada 1970 hanggang mid-2000s nang maupo ang mga modernong rebisyunista sa China at sinimulan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo sa China at pagpapailalim (reintegration) nito sa pandaigdigang sistemang kapitalista, na may buong-suporta ng US. Sa paglitaw ng China bilang makapangyarihang kapitalistang bansa at imperyalistang karibal ng US simula kalagitnaan ng 2000s, muling lumakas ang pang-uudyok ng US para sa paghihiwalay ng Taiwan, sa layuning gamitin ang usapin para bagbagin ang China, at magamit ang Taiwan na balwarteng militar laban sa China.
b) Ano ang tindig ng PKP-MLM sa gera sa pagitan ng Russia at Ukraine?
Ang gera sa Ukraine ay isang proxy war sa pagitan ng mga imperyalistang bansang pinamumunuan ng US (NATO, EU) at ng Russia. Ito na ang rurok ng walang katapusang mga gera at panghihimasok ng US/NATO sa Eastern Europe mula pa 1991 nang simulan ang paisa-isang ibagsak ang mga rebisyunistang rehimen sa mga bansang dating kabilang sa Warsaw Pact, upang kalaunan ay ipailalim ang mga ito sa NATO at gamitin laban sa Russia. Nilabag ng US at NATO ang 1991 Minsk Agreement kina Gorbachov na kapalit ng paglusaw sa Unyon Sobyet (USSR) at sa Warsaw Pact at ng pagtatayo ng Commonwealth of Independent States (CIM) ay hindi ipapaloob sa NATO ang mga bansang dating kabilang sa Warsaw Pact. Ipinagpatuloy ng US at NATO ang pa-Silangang pagpapalawak ng alyansa hanggang sa tarangkahan ng Russia, bagay na nagpainit ng tensyon at hindi ikinatuwa ng Russia.
Kasunod ng kudeta noong 2014 sa Ukraine na sinuportahan ng US, unti-unting lumakas ang panghihimasok militar ng US dito. Nakapagtrensera ang mga pwersa nito sa Ukraine. Aktibong sumuporta ang US sa Azov Battalion, isang pasistang pwersang itinayo noong 2014 na nagtataguyod ng poot laban sa Russia at sa Russian-speaking population ng Ukraine, laluna sa autonomous na rehiyon ng Donbass. Sa ilalim ni Zelensky, tumindi ang iba’t ibang anyo ng pang-aapi na nakadirekta laban sa kanila (iba’t ibang anyo ng diskriminasyon at pang-aapi, kabilang ang pagpapahirap sa biyahe, pagtanggap ng ayuda, serbisyong pangkalusugan at edukasyon atbp).
Ang paglusob ng Russia noong Pebrero 24, 2022, na tinagurian nitong “special military operation” ay inudyok, sa partikular, ng pinaigting na artillery shelling laban sa mga bayan ng Donetsk at Lugansk sa Donbass region, na kapwa may mayoryang Russian. Sinakop ng Russia ang Donbass region at pinaatras ang mga pwersa ng Ukraine pabalik sa buffer zone, na anila’y bilang pagsasakatuparan ng pinagkaisahan noon sa peace talks noong 2014 at 2015 (Minsk Protocol).
Deklaradong pakay noon ng Russia na nais lamang nitong ipatupad ang Minsk Agreement at kaagad nagbukas ng usapang pangkapayapaan ilang linggo pa lamang mula sa kanilang paglusob. Gayunman, sa tulak ng US at NATO (na nagbuhos ng katakut-takot na mga armas at pondo para kay Zelensky), tumanggi ang Ukraine na makipagkasundo, dahilan na nagpatuloy hanggang ngayon ang gera.
Nasa ubod ng tunggalian ng US at Russia ang agawan ng teritoryo para sa pamumuhunan, merkado at pinagkukunan ng rekurso. Deklaradong layunin ng US na pahinain ang Russia sa militar at pulitika, at pagwatak-watakin ang Russian Federation, tulad ng naging paglusaw sa dating Unyon Sobyet. Pinagnanasaan ng US at mga alyadong imperyalista sa NATO ang mayamang rekurso sa langis at natural gas ng Russia at bilang larangan ng pamumuhunan at pagtatapunan ng labis na kapital. Sa kontradiksyong ito, ang US ang pangunahing nagtutulak ng patakaran ng gera sa pakay na agawin ang mga rehiyong hawak ng Russia.
Isa sa pinakamalaking nakamit ng US ay ang pag-agaw sa merkado sa Europe ng natural gas ng Russia, na noo’y pinakamalaking suplayer (hanggang 40% ng pamilihan, sa pamamagitan ng gas na dumadaan sa Nord Stream pipes). Mula 2022, unilateral na nagpataw ang US ng sangsyon laban sa mga kumpanyang makikisosyo sa Nord Stream. Mula 2022, ang Germany, France, United Kingdom at iba pang bansa ay nagpalaki ng importasyon ng natural gas sa US, na ngayo’y pinakamalaking suplayer nito sa Europe, na may 46% kontrol noong 2023.
c) Ano ang pagtingin ng PKP-MLM sa Demokratikong Republikang Bayan ng Korea? Tinitignan ba nito ang Juche bilang rebisyunistang ideolohiya na taliwas sa prinsipyo ng MLM?
Lubos na nakikiisa ang PKP sa Democratic People’s Republic of Korea sa kanilang pakikibaka para sa karapatan sa pambansang pagpapasya at sa pagtataguyod ng kanilang mga adhikaing sosyalista.
Sa gabay ng ideya ng juche o self-reliance, na unang itinaguyod ni Kim Il-Sung, nakamit ng DPRK ang malalaking tagumpay sa paglaban sa pananakop ng Japan at agresyon ng US, sa pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, pagtataguyod ng modernong lipunan na nagtataguyod sa kapakanan ng mamamayan. Ang ideya ng self-reliance o pagtayo sa sariling paa, at ang pagtitiwala sa rebolusyonaryong kapasyahan at kapasidad ng mamamayan ay mga ideyang saklaw ng MLM.
d) Sa madaling salita, ano ang tindig ng PKP-MLM sa tensyon sa West Philippine Sea at ano ang kasunduan na nais nitong marating sa iba’t ibang bansa na may pagmamay-ari sa malaking dagat?
Sinusuportahan ng PKP ang mapayapang resolusyon ng mga pangkaragatang hidwaan sa South China Sea, at pagsusulong ng mga soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (o exclusive economic zone) na kinilala ng IAT sa ilalim ng UNCLOS. Gayundin, sinusuportahan ng PKP ang pantay ng karapatan ng mga tradisyunal na mangingisdang Pilipino, Chinese, Vietnamese na mangisda sa Scarborough Shoal. Naninindigan ang PKP na walang batayang istorikal at ligal ang iginigiit ng China na saklaw ng teritoryo nito ang 90% ng South China Sea.
Ang tumitinding tensyon sa South China Sea ay bunsod ng pag-aarmas ng US sa Pilipinas at pagbibigay ng pinaglumaang mga barkong nabal para maglatag ng lakas sa karagatang ito, na tinapatan naman ng China ng mas malakas na pwersa. Dapat panagutin si Marcos sa bulag na pagsunod nito sa militaristang estratehiya ng US, sa halip na puspusang isulong ang mga paraang diplomatiko at pakikipagdayalogo bilang pangunahing patakaran ng pagresolba sa mga hidwaan.
Hindi maitataguyod ng Pilipinas ang soberanong karapatan sa kanyang EEZ kung ito ay nakasalalay sa dayuhang kapangyarihan. Magagawa lamang ito kung lalaya ang sambayanang Pilipino sa imperyalistang paghahari ng US na dahilan na nananatiling atrasado ang bansa at walang kakayahang magprodyus ng pangangailangan ng mamamayan, ng maunlad na ekonomya at matipunong depensa.
e) Ano ang kasalukuyang lakas ngayon ng Bagong Hukbong Bayan sa gitna ng kilusang pagwawasto at pandarambong ng Rehimeng US-Marcos
Nananatiling nakalatag ang mga yunit ng BHB sa buong bansa, mula hilagang Luzon hanggang katimugang Mindanao. Patuloy na bumabawi ng lakas ang Bagong Hukbong Bayan matapos ang mga pinsalang tinamo nito sa nagdaang mga taon dahil sa sarili nitong mga pagkakamali at kahinaan sa pagtalima sa mga prinsipyo at patakaran ng pakikidigmang gerilya (self-constriction, over-concentration sa ilang bahagi, mababang antas ng disiplina, at iba pa). Ang mga kahinaang ito ay sinamantala ng walang-habas at brutal na gerang panunupil ng kaaway na nagresulta sa katakut-takot na mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Nagpupunyagi ngayon ang BHB sa magkatimbang na pagsusulong ng gawaing masa at gawaing militar, at sa pagpapalawak at konsolidasyon, tuluy-tuloy na rekrutment at pagkokonsolida at pagsasanay ng bago at datihang Pulang mandirigma. Sa diwa at inspirasyon ng kilusang pagwawasto at sa gabay ng Partido, ipinamamalas ng mga Pulang mandirigma ang matatag na determinasyong iwasto at pangibabawan ang dating mga pagkakamali at kahinaan, patuloy na magpunyagi sa pakikidigmang gerilya, ibayong palawakin at palalimin ang baseng masa, isulong ang mga pakikibaka ng masang magsasaka alinsunod sa minimum na programa ng PKP para sa reporma sa lupa, na mahigpit na ikinakawing sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan.
Sa panloob, tuluy-tuloy ang pagsisikap ng mga yunit ng BHB na itaas ang pang-ideolohiya at pampulitikang kamulatan ng mga Pulang mandirigma, payabungin ang demokrasya, palakasin ang disiplinang militar, at itaas ang kanilang kaalaman sa taktika at teknika sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya laban sa kaaway na superyor sa pwersa at kagamitan.
Malaki ang pangangailangan na dagdagan ang hanay ng BHB ng mga kadre mula sa hanay ng uring manggagawa, pati na mula sa mga petiburges na intelektwal, upang magsilbing mga Pulang mandirigma, kumander at kadre.
f) Ano ang pagtingin ng PKP-MLM sa pag-field ng 10 senatorial candidates ng Koalisyong Makabayan?
Nasa Koalisyong Makabayan ang lahat ng karapatan at inisyatiba na magpatakbo ng kung ilang kandidato sa pagkasenado ang gusto nila. Batay sa kanilang mga pahayag, ito ay paghamon sa bulok na sistemang pampulitika. Napapanahon ang ganitong paghamon lalo’t ang naghaharing sistemang pampulitika ngayon sa Pilipinas ay dinodominahan ng mga Marcos at Duterte–mga pangkating korap at pasista na lubos na kinamumuhian ng mamamayan.
Sa gitna ng kadiliman at masidhing krisis sa ekonomya na resulta ng anti-mamamayan at anti-nasyunal na mga patakaran sa ekonomya at lipunan ng naghaharing uri, magiging matingkad na liwanag ang paghahapag ng Koalisyong Makabayan ng pambansa-demokratikong alternatibong programa na kumakatawan sa interes at mga adhikain ng sambayanang Pilipino.
Sa paglahok sa eleksyon, kapwa sa senado at sa kongreso, hamon sa Koalisyong Makabayan na malawakan at masiglang pakilusin ang masa bilang bisig at lakas ng kanilang kampanya. Lubos itong kabaligtaran ng mga reaksyunaryong partido na nakaasa sa salapi at karahasan para makakuha ng boto.
Ang organisadong lakas na mapupundar ng Koalisyong Makabayan ay marapat na paalalahanang tumanaw sa pangkalahatan at matagalang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya, na malayong mas masaklaw ang kabuluhan sa paglahok sa eleksyon. Ang matatamo nilang mga tagumpay at pagsulong sa labanang elektoral, sa usapin man ng boto o ng paglawak ng masang organisado at mga pwersang progresibo, ay puhunan para sa susunod pang mga labanan para sa makabuluhang mga repormang kapakipakinabang sa mamamayan, at tiyak na mag-aambag sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan sa lahat ng larangan ng pakikibaka sa mga darating na panahon.
g) Ano ang tindig ng PKP-MLM sa mga grupo katulad ng Akbayan na tumatayong “oposisyon” ngayon laban sa kasalukuyang rehimen? Maituturing ba silang tunay na oposisyon?
Ang Akbayan ay nagsimulang isang maliit na repormistang grupong petiburges na nag-aastang “demokratikong sosyalista” para pagtakpan ang kanilang talamak na anti-komunismo. Ang sukdulang pagiging anti-komunista ng Akbayan ay dumulo sa pakikipagsabwatan sa malalaki at despotikong mga panginoong maylupa sa Bondoc Peninsula sa Quezon upang wasakin ang mga napagtagumpayan ng kilusang magsasaka doon sa rebolusyong agraryo.
Upang makabentahe sa eleksyon, tuluyang nagpakabuntot ito sa mga reaksyunaryong partido at burukratang kapitalista, laluna noong panahon ni Benigno Aquino. Sa kasalukuyan, umaasta itong oposisyon pero katunayan, nakasabit sila sa pundilyo ni Marcos, at puspusang sumusuporta sa mga patakarang anti-nasyunal at anti-mamamayan. Tampok sa mga ito ang pagsuporta nila kay Marcos sa usapin ng jeepney phaseout, pagsuporta sa RAA sa Japan, pagpaypay sa Sinophobia at sa multo ng “banta ng China”, at pagsuporta sa papalaking panghihimasok militar ng US.
h) Anong payo nais mong ihatid sa mga kabataang patuloy na kumikilos at lumalaban para sa pambansang soberanya?
Malaki ang pag-asa ng Partido at ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino na muling uusbong sa mga darating na panahon ang makapangyarihang makabayan at demokratikong kilusan sa hanay ng mga kabataan at estudyante, na yayanig sa buong naghaharing sistema at lilikha ng malaking kaguluhan sa reaksyunaryong kaayusan. Nasa balikat ng mga kabataang Pilipino ang malaking pangkasaysayang responsibilidad na bigyang-tinig ang patriyotikong mithiin ng sambayanang Pilipino na kamtin ang tunay na kalayaan.
Kapuna-puna na sa nagdaang mahabang panahon, ang boses na ito ng mga kabataang Pilipino ay labis na inimpit ng kolonyal at burges na ideolohiya at kaisipan ng indibidwalismo, sa tabing ng pagmamahal at pagpapahalaga sa sarili, o ng pagtuon ng isip sa pag-aangat ng sarili. Tinuturo ito sa mga eskwelahan at sa masmidya. Lalo itong ginagatungan at pinapaypayan sa social media kung saan ang kabuluhan o halaga ng buhay ng isang indibidwal ay sinusukat sa nakukuhang “likes” na iniimpluwensyahan ng mga algoritmo ng mga kumpanyang hawak ng malalaking kapitalista. Ang burges na ideolohiya at kulturang ito ay isang malaking piitan ng mga kabataan. Ikinukulong sila dito at pinipigilang lumahok sa mga usaping pambayan at gampanan ang papel nila sa pagbabago ng lipunan.
Hamong sadyang mabigat sa KM at sa mga patriyotiko at progresibong mga kabataan na magpunyagi sa pag-aaral ng kasaysayan at lipunan, imulat ang mata ng milyun-milyong kapwa kabataan hinggil sa mga makabuluhang mga isyung panlipunan at gabayan sila sa landas ng sama-samang pagkilos. Marapat na magbalik-tanaw ang mga kabataang Pilipino sa malaking-papel na ginampanan nila sa kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino na kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya, at buuin ang pasyang muling bagtasin ang landas ng paglilingkod sa bayan at paglahok sa kanilang mga pakikibaka. Dapat muling isulong ang kilusang propaganda para sa pambansang demokrasya upang basagin ang mga kaisipang kolonyal, burges, pyudal at hindi siyentipiko. Dapat isanib ang lakas ng mga kabataan sa lakas ng masang Pilipino, na silang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan at huhulma ng bagong demokrasya.
Tiwala ang Partido na uusbong ang bagong mga Andres Bonifacio at bagong mga Joma Sison na kikilos at kokontra sa agos at mangunguna sa paglikha ng bagong makapangyarihang alon ng mga kabataang makabayan.