Sawa na ang masa sa papet, korap, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos II
Nag-iibayo ang diskuntento at disgusto ng mamamayang Pilipino sa rehimeng US-Marcos II at sa buong sistemang malakolonyal at malapyudal dahil sa pagsahol ng sosyo-ekonomikong krisis, garapalang korapsyon at umaalingasaw na bulok na pulitika. Ito ang malinaw na hindi mailingid na resulta ng mga sarbey ng mga burgis na institusyon na inilabas nitong Agosto.
Hindi maitago kahit ng burges na institusyong Octa Research ang katotohanang hindi kinagat ng mga Pilipino ang palabas ng rehimeng Marcos II na “Bagong Pilipinas”. Sa sarbey na isinagawa ng Octa noong Hunyo 26-Hulyo 1 ngunit isinapubliko lamang nitong Agosto 6, nakuha umano ni Marcos ang pinakamataas na tantos ng “pagsuporta” na 36%, kasunod na pinakamataas o 31% ang nagpahayag ng hindi pagsuporta kay Marcos, sa mga Duterte at sa pumuposturang oposisyon, habang 11% ang hindi tiyak o di pa makapagpasya. Kapag pinagsama ang hindi sumusuporta at hindi makapagpasya, kulang kalahati o 42% ng respondents ang ayaw na sa naghaharing pangkating Marcos at Duterte, at maging sa elitistang `oposisyon’.
Nitong Agosto 16 naman, lumabas sa sarbey ng Social Weather Station na bagama’t mataas pa rin sa “very good” at “good”, sa kalahata’y bumaba ang satisfaction ratings ng dalawang kapulungan ng kongreso at ng Korte Suprema.
Bagama’t konserbatibo, malilinaw itong salaminang hindi na umuubra at sawa na ang masang Pilipino sa mga papet na labis na nangangayupapa sa imperyalismong US para sa kapit sa poder sa kapinsalaan ng buong bayan. Sa ilalim ng magkasunod na rehimeng Duterte at US-Marcos II, lalong tumindi ang panghihimasok ng mga dayuhang kumpanya pangunahin ng US, Japan at China na ibayong nandambong at nagpasasa sa likas na rekurso at kalikasan ng bansa. Kasabay nito, laluna sa panahon ni Marcos II, nagpasangkapan ito nang husto sa pagpapaigting ng papel ng militar ng US sa mga panloob na usapin sa Pilipinas: dumami ang base, tropa, pasilidad at aktibidad militar nito sa bansa at paligid ng bansa na nagresulta sa pagtindi ng tensyon sa pagitan ng US at Pilipinas laban sa China.
Sawa na rin ang masa sa pahirap at korap na mga burukratang walang ginawa kundi magpasasa sa rekurso at kaban ng bayan habang hinahambalos ng kagutuman at kasalatan ang mamamayan. Nitong nakalipas na buwan ng Hulyo, naitala mismo ng Philippine Statistics Authority ang pagpalo pataas ng implasyon sa bansa tungong 4.4% mula 3.7% noong Hunyo. Mas mataas ang implasyon para sa pinakanaghihirap na seksyon ng lipunan na umaabot ng 5.8%. Samantala, umabot naman sa 8.3% ang implasyon sa pagkain mula 8%. Indikasyon ang mga ito ng ibayong paglala ng kahirapang dinaranas ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis na nasa ilalim ng tatsulok.
Sawa na rin ang masa sa mga dinastiyang nagpapalit-palitan lamang sa iba’t ibang pusisyon pero iisa ang gawa: magpakabait sa panahon ng eleksyon at umastang mga panginoong mandarambong at papet sa buong panahong nakaupo sa poder. Nasusura na rin ang masa sa kawalang-gulugod ng mga trapong nagpapalipat-lipat ng pampulitikang partido depende sa kung sino ang may pinakamalakas na impluwensya, kapangyarihan at pera. Dahil nalalapit na ang eleksyon, kabi-kabila na ang pusisyunan ng mga burges at reaksyunaryong partido. Nabuo na ang mas malaking koalisyon ng Partido Federal ng Pilipinas ni Marcos II, Nacionalista Party ni Manny Villar, LAKAS ng mga Romualdez, National Unity Party ni Enrique Razon, at Nationalist People’s Coalition ni Ramon Ang. Nagbuo na rin ng alyansa ang Liberal Party ng mga Aquino at Akbayan. Samantala, tampok ang paglipat ng mga maka-Duterteng PDP-Laban sa PFP tulad ni Jose Chavez Alvarez ng Palawan at paglipat ng mga dating kasapi ng Liberal Party tulad ng mga Quimbo ng Marikina sa kampo ni Marcos.
Sadyang walang kapili-pili sa pagitan ng nagriribalang pangkating Marcos at Duterte na pareho lamang sa pagiging sagadsarin sa pagkapapet, pagkakorap at pagkapasista. Wala sa hinagap ninuman sa kanila ang ipauna ang interes ng bayan o pakinggan man lamang ang hinaing ng masa. Kahit pa pumuposturang oposisyon ang pangkating Akbayan at Risa Hontiveros, maingay lamang ito sa iilang popular na isyu pero tahimik at walang tindig sa usapin ng cha-cha, taas-sahod, pagbasura sa PUVMP, red-tagging at karahasan ng estado laban sa mamamayan. Markado si Hontiveros sa madalas na pagboto ng abstain sa mga kontrobersyal na panukalang batas sa Senado. Masahol pa, nakikikoro si Hontiveros at kanyang partido sa propaganda ng mga maka-US sa senado at AFP sa usapin ng West Philippine Sea at henosidyong gera ng Israel laban sa mga Palestino sa Gaza at West Bank. Uhaw sa kapangyarihan at masusugid na kontra-komunista, sunud-sunuran ang mga ito sa kumpas ng imperyalismong US at mulat na inililihis ang mamamayan sa wastong landas ng rebolusyon upang baguhin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Sumasambulat sa mukha ng rehimeng US-Marcos II ang lumalakas na hangarin ng mamamayang Pilipino para sa tunay na panlipunang pagbabago at alternatiba sa kinasasadlakan nilang kumunoy ng karalitaan, karukhaan at karahasan. Binabagabag nito ang naghaharing uri lalo’t maaari nitong idiskaril ang mga niluluto nilang pakana sa paparating na eleksyon. Sariwa pa sa alaala ng pangkating Marcos ang malalaking pagkilos na naganap sa kasagsagan ng kampanyahan noong eleksyong 2022 at ang mga protestang tugon ng mamamayan sa malawakang pandaraya na nagtiyak sa pag-upo sa poder ng kinamumuhiang Uniteam ng mga Marcos-Duterte. Nahihintakutan ang mga tuta’t burukrata na sumulpot ang isang sitwasyong elektoral kung saan tuluyang matipon ang galit ng bayan hanggang mabuo ang isang higanteng kilusang masa na yayanig sa estado.
Nahihinog ang kalagayan, kaya’t hamon sa mga rebolusyonaryong pwersa na matamang subaybayan ang pampulitikang sitwasyon at sagpangin ang mga pagkakataon para sa ibayong pagsusulong ng rebolusyon. Malinaw para sa mga rebolusyonaryo na ang burges na reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas ay walang iba kundi paligsahan lamang ng iilang naghaharing uri sa basbas at suporta ng imperyalismong US, batbat ng korapsyon at pandaraya. Ang Communist Party of the Philippines (CPP), kasama ang New Peoples Army (NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay hindi kailanman lumalahok sa reaksyunaryong burges na eleksyon.
Gayunman, habang hindi pa ganap na nagtatagumpay ang digmang bayan, kinikilala at iginagalang ng CPP ang karapatan ng mamamayan (na hindi pa handang itakwil ang burges na eleksyon) na lumahok dito. Hinihikayat sila ng CPP na higit na pag-ibayuhin ang kanilang mga pakikibakang masa at itambol ang kanilang mga hinaing at interes upang hamunin ang mga tumatakbong kandidato na suportahan ang kanilang pakikibaka. Sa ganito masusuri nila kung sino ang tunay na progresibo at handang ipaglaban ang interes ng mamamayan na maaari nilang suportahan. Maaari at dapat din silang magpatakbo at magpanalo ng pinakamaraming kakayanin na mga progresibong kandidatong nasubok na sa buhay at kamatayang pakikibaka kasama nila para sa lupa, sahod, karapatan at kalayaan ng bayan.
Kasabay nito, dapat maging mapagbantay sa repormistang hanging dala ng eleksyon at samantalahin ang lahat ng pagkakataon para isulong, palakasin at palawakin ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng bayan. Dapat kabigin ang pinakamalaking bilang ng mamamayang naghahangad ng panlipunang pagbabago at ipaloob sila sa iba’t ibang samahan at alyansa. Sa huli, dapat pagsilbihin ang lahat ng mga pagsisikap na ito sa inilulunsad nating kilusang pagwawasto at lahatang-panig na pagpapalakas ng rebolusyon para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
Sa lahat ng panahon, dapat itambol na rebolusyon lamang ang tunay at pangunahing solusyon para kamtin ang saligang pagbabago ng lipunang Pilipino. Inilulunsad ang armadong rebolusyon na pinangungunahan ng NPA para pahinain at ibagsak ang kapangyarihan ng mga lokal na naghaharing uri sa iba’t ibang bahagi ng kanayunan ng bansa. Sa mahigpit na tuwang ng NDFP, itinatatag ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika (OKP) kasama ang rebolusyonaryong kilusang masa. Sa pamamagitan nito, ipinatutupad nang hakbang-hakbang ang tunay na reporma sa lupa at isinusulong ang iba’t ibang kooperasyon sa agrikultura para itaas ang produktibidad at kolektibong paggawa ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng mga samahang magsasaka at OKP, ineehersisyo ng mamamayan ang rebolusyonaryong hustisya sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapagana ng mga hukumang bayan sa iba’t ibang lokalidad at antas. Sa ganito unti-unting pinatatatag ang kapangyarihang pampulitika ng masang anakpawis at hinahawan ang daan sa pagkakamit ng tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon bilang paunang dakilang tagumpay sa pagtatatag ng sosyalistang bukas.#