Singilin ang mga burukrata sa kanilang mga pangako nitong eleksyon, ipanawagan ang mabilis na aksyon sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng yutilidad sa Bikol

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Obligasyon ng estado sa mamamayan ang maghatid ng pampublikong yutilidad at serbisyo tulad ng kuryente at tubig. Bahagi ng tungkulin nitong tiyakin na mayroong sapat at abot-kayang, kung hindi pa nga ay libreng, panlipunang serbisyo para sa masa. Gayundin ang protektahan ang masa mula sa hindi makatwirang bayarin, dispalinghadong serbisyo at iba pang tipo ng pang-aabuso. Hindi ba’t ito pa nga ang kanilang ipinangako nito pa lamang na liniligawan nila ang mga Bikolano para sa boto sa nagdaang eleksyon? Panahon na upang patunayan nila ang kanilang mga salita. Marapat lamang na kalampagin ang tanggapan ng mga pulitiko mula sa lokal na antas hanggang pambansa at ipanawagan ng mga Bikolano ang mabilis at makabuluhang aksyon ng gubyerno sa usaping ito.

Nitong mga nagdaang buwan, wala na namang patid ang pagdaing ng masang Bikolano sa harap ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin at yutilidad laluna’t nakapako naman sa kakarampot na halaga ang kanilang kita. Nakababahala ang paulit-ulit na pagsirit ng presyo ng kuryente at palyadong serbisyo sa tubig at iba pang pampublikong yutilidad sa iba’t ibang panig ng Kabikulan. Hindi ito ang unang pagkakataong naging suliranin ng naghihirap na ngang masang Bikolano ang pagtaas ng presyo ng yutilidad sa rehiyon at tiyak na hindi ito ang huli.

Malimit itong modus operandi pangunahin upang maitulak ang pribatisasyon ng mga pampublikong kooperatiba. Upang bigyan matwid ang ganitong tunguhin, maglilitawan na ang sari-saring kadahilanan tulad ng utang na hindi na kayang bayaran ng kooperatiba, paulit-ulit na palyadong serbisyo, mali-maling pagbasa at palpak na meter reading at marami pang iba. Karanasan ito ng masang Bikolano sa Albay, kung saan ang Albay Electric Cooperative (ALECO) ay binili ng San Miguel Corporation at naging Albay Power and Energy Cooperation (APEC). Ngayon, walang patid ang mga suliraning kinakaharap ng nasabing pribadong korporasyon, lalo na ang mga Albayanong hindi kailanman nakatanggap ng matinong serbisyo mula rito. Hindi malayong ito rin ang sapitin ng iba pang kooperatiba sa kuryente sa rehiyon tulad ng sa Sorsogon.

Ang deka-dekadang pagprayoritisa ng reaksyunaryong gubyerno sa pribatisasyon at deregulasyon ng mga pampublikong yutilidad at serbisyo ang nagdala sa sambayanan ng bangungot ng palyadong serbisyo at mga patung-patong na bayaring ito. Sa napakahabang panahon, inuna ng gubyerno ang interes ng iilang mga negosyante at konsesyon na nagdulot ng walang kontrol at arbitraryong pagtaas ng presyo ng mga yutilidad. Habang umaapaw ang yaman ng iilan, nalulunod naman sa mga bayarin at gastusin ang karaniwang Pilipino.

Hindi nakapagtatakang sa harap ng gabundok na pasaning ito at baryang kinikita ng karaniwang Bikolano, mauwi na lamang ang marami sa panlilimos para sa kapiranggot na ayuda. Ginawang pulubi ng ganitong sistema ang mamamayang marapat namang natatamasa ang mga serbisyong ito mula sa kanilang gubyerno.

Hinihikayat ng NDF-Bikol ang masang Bikolano na manindigan para sa kanilang karapatan sa abot-kaya at nakasasapat na pampublikong yutilidad at serbisyo. Hindi dapat palampasin ang labis-labis at hindi makatwirang singil sa kuryente kahit pa tabingan ito ng wala ring patid na pagtaas ng presyo ng langis. Ang estadong nagpapaubaya at ang mga negosyanteng kumukontrol sa mga industriyang ito ang dapat pumasan sa obligasyong ito at hindi ang masa. Dapat magkaisa ang lahat ng Bikolano sa anim na prubinsya ng rehiyon upang igiit ang kanilang demokratikong panawagan at singilin ang pamahalaan sa pananagutan nito sa mamamayan.

Singilin ang mga burukrata sa kanilang mga pangako nitong eleksyon, ipanawagan ang mabilis na aksyon sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng yutilidad sa Bikol