Singilin ang rehimeng US-Marcos II sa kapabayaan at kainutilan sa pagresolba sa pagtindi ng baha
Hindi pa man nakababangon nang lubusan sa salanta ng Bagyong Carina ay muling nalubog ang mamamayan sa delubyong dulot ng Bagyong Enteng. Mabilis na pagtaas ng mga ilog, pagragasa ng baha at landslide ang kumitil sa 12 buhay sa lalawigan ng Rizal, 3 ang nawawala at 33,481 ang lumikas sa kanilang mga tirahan. Mula ito sa kabuuang datos sa bansa na 15 patay, 21 nawawala, 15 nasugatan at ₱659 milyon ang pinsala sa agrikultura.
Sa dumadalas na penomenong ito na tila “bagong normal” na mabilis at malalim na pagbaha lalu sa mga lugar na dati namang hindi binibaha ay malakas ngayon ang panawagan ng mamamayan para papanagutin ang tunay na salarin sa delubyong ito.
Habang nagtatanungan, nagtuturuan at nagmamaang-maangan sa tunay na dahilan ng pagbaha at landslide sina BBM at ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Casimiro “Jun” Ynares III ng Antipolo City, na nakapagtala ng pinakamaraming patay dahil sa baha at landslide ay malinaw sa mga Rizaleño ang tunay na dahilan ng kalamidad na ito.
Malinaw sa lahat maliban sa pamahalaan at DENR na ang pagkasira at mabilis na pagkawasak ng ating kalikasan at kabundukan lalu na ang Sierra Madre ang dahilan ng delubyong ito. Ang mga quarry, minahan at mega-dam ang malalaking dahilan sa pagkakalbo ng ating kabundukan at pagkawasak ng mga protekdadong watershed areas na nagdudulot ng malawakan at mabilisan pagbaha at mga landslide.
Hindi katanggap-tanggap ang kasagutan ng lokal na pamahalaan na sila ay “bulag” sa pangunahing dahilan ng pagbaha at landslide sa probinsya. Bulag nga ba o nagbubulag-bulagan? Ipinakikita lamang nito ang kanilang kainutilan at kawalan ng ginagawa upang resolbahin ang problemang ito. Mabuti pang magbitiw na lamang sila sa kanilang katungkulan kung mananatili silang nagmamaang-maangan at nagbubulag-bulagan sa tunay na dahilan ng pagbaha.
Lalung nakagagalit ang pahayag ni Mayor Jun Ynares na “katangahang” isisi sa minahan ang sanhi ng pagbaha. Hindi lamang sila nagbubulag-bulagan kungdi naglulubid din sila ng kasinungalingan sa pagsasabing isang porsyento lamang ang pagmimina sa Rizal. Sa katunayan, ang Rizal ang ikalawa sa mga probinsya na may pinakamaraming kasunduan sa pagmimina sa bansa. Mayroon itong 30 MPSA (Mineral Production Sharing Agreement), kasunod ng Cebu na may 35. Nasa 6,214.43 ektarya ang saklaw ng operasyong pagmimina sa Rizal, kung saan 5,560 ektarya ang aktibo. Ang pinakamarami sa mga bayan ng Rizal na may operasyon ng pagmimina ay ang Antipolo, na may 15 MPSA, o kalahati ng mga operasyon sa buong Rizal. Kung kaya’t hindi nakapagtatakang, isa sa pinakabinahang syudad at pinakamaraming namatay (11) ay sa Antipolo.
Tila nagkokoro sila ng DENR sa pagprotekta sa mga quarry at minahan na hindi ito ang dahilan sa pagbaha. Ang masaklap pa, ang nais nilang sisihin ay ang mamamayan. Nagkokoro sila at ipinalulutang ngayon na ang urbanisasyon ng mga kabundukan ang dahilan ng pagbaha.
Subalit kung susuriin, ang urbanisasyon ay dulot ng kawalan ng trabaho sa mga kanayunan at lupang matitirikan dahilan sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalit gamit ng lupa (land use conversion). Dahil dito ang mamamayang maralita at magsasaka ay napipilitang manirahan sa mga lugar sa kabundukan at tabing ilog/creek kahit pa ito’y delikado. Maging ang mga diumanong “libreng” pabahay ng probinsyal na pamahalaan ay binabaha din tulad na lamang ng nangyari sa Baras kungsaan ang mga relocatees ay inilipat dito dahilan sa binabaha sila sa kanilang lugar. Subalit ang dadatnan din pala nila sa pabahay ay isa ring baha. Repleksyon din ito ng kawalan ng maayos na urban development plan ng lalawigan kasama na ang pagpigil sa mga baha, pag-aayos ng mga drainage at iba pang mga proyekto sa kabila ng bilyong calamity fund ang nakalaan sa mga lokal na pamahalaan.
Dapat na singilin at papanagutin ang reaksyunaryong gubyerno sa pangunguna ng rehimeng US-Marcos II sa kapabayaan at kawalang pakialam nito sa mamamayan partikular sa lalawigan ng Rizal. Hindi ito maitatanggi kahit na tahiin ng kunwaring panlulumo ni BBM sa kanyang nakitang pagkakalbo ng mga kabundukan dulot ng quarrying sa ginawang aerial inspection noong September 4 sa Rizal. Subalit samu’t-saring palusot naman at pangangatwiran ang kanilang sinasambit sa puno’t dulo ng nakapanlulumong kalagayan ng mamamayan ng lalawigan.
Sa panahon ng kalamidad tulad ng nagdaang El Niño wala ni kusing na natanggap ang mga magsasaka sa Rizal sa kabila ng milyong pondo na inilaan ng Department of Agriculture (DA) sa apektado nito. Sa panahon ng tag-bagyo paulit-ulit at lalong lumalala ang bahang dinaranas ng mamamayang Rizaleño.
Ang pagbibigay daan sa malawakang pagkasira ng kalikasan tulad ng walang pakundangang pagdurog ng mga kabundukan dulot ng quarrying na ang mga kabundukang ito ang siyang nagsisilbing natural na depensa sa bagyo sa mga bayan ng Angono, Antipolo, Teresa, San Mateo at Rodriguez. Ito rin ang dahilan ng pagbabaw at pagkawala ng mga ilog na natural na daluyan ng tubig galing sa kabundukan patungong ilog ng Marikina at palabas ng dagat.
Ganoon din ang pagpahintulot sa pagtatayo ng mga dambuhalang proyekto na Wawa-Violago dam na nag palayas at sumira ng libong ektaryang lupain ng mga magsasaka at katutubong Dumagat. Nariyan din ang pagbubutas ng bundok ng Teresa na nagpalayas sa mga magsasaka na matagal ng naninirahan at nagsasaka sa lugar upang bigyang daan ang tubig na magmumula sa tinatatayong Kaliwa dam na dahilan ng pagkasira kahit na idineklara nila na proterktado ito tulad ng Upper Marikina Water Basin na nakatayo sa boundary ng Tanay, Antipolo at Rodriguez. Ganoon din, maging ang mga itinayong mga subdivision na pagmamay-ari ng malalaking korporasyong Sta. Lucia Group and Corporation sa Baras, Pillia, at San Mateo at Ayala Land Development and Corporation sa Antipolo at ng mga Villar at Araneta sa Rodriguez, Rizal.
Ang hindi pagbukas sa Napindan channel na nagsisilbing daluyan ng tubig patungong dagat na makatutulong sana upang maayos na makadaloy ang tubig galing sa lawa ng Laguna at maiwasan ang pagbaha sa mga nasa baybaying lawa ng Morong, Taytay, Cardona at Jala-jala.
Sa kabila ng kapabayaang ito pilit pa ring binabaluktot at isinisi sa mamamayang Rizaleño ang dahilan kung bakit laging dinaranas ang ganitong klaseng pagbaha kahit na ang mamamayan ang siyang nagdurusa, nawawalan ng lupang masasaka at itinataboy sa lupang kanilang tinitirahan upang mabigyang daan ang mga nakaplanong proyekto na siyang malaking pinaghuhuthutan ng nakaupo sa gobyerno kasapakat ang mga militar at pulis na silang nagpoprotekta sa mga dambuhalang proyekto na sumisira sa ating kalikasan at kabundukan at pumapatay sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Rizaleño.
Nanawagan ang NDFP-Rizal sa lahat ng mamamayang nagmamahal sa kalikasan at makabayan na sama-samang kumilos at magbayanihan. Nasa ating sariling lakas ang pagkakamit ng katarungan at pagpapanagot sa kapabayaan ng pamahalaan. Igiit ang mga karapatan at kompensasyon sa pagkasira ng buhay, ari-arian, kabundukan at lupain.
Ang pagsusulong at pagsuporta ng mamamayan sa programa ng pambansa demokratikong rebolusyon ng demokratikong gubyernong bayan na itinatayo ng CPP-NPA-NDFP ang tunay na naghahapag ng radikal na pagbabago sa ating lipunan kasama na dito ang pagprotekta sa ating kalikasan. Isa lamang dito ang hindi malilimutang mga pagpaparusa ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) sa mga kumpanya ng quarry lalu na noong Hulyo 2018 kung saan hinahagupit rin noon ng bagyo ang lalawigan. Laking tuwa ng mamamayan na may napatigil na quarrying at mabuti pa anila ang mga NPA na may nagagawa. Subalit kung sino pa ang nagpoprotekta sa kalikasan at mamamayan ang siyang binabansagan terorista, kaaway ng estado at banta diumano sa seguridad ng bansa. Sa harap ng lahat ng ito ay patuloy na dapat magpunyagi at pagbigkisin ang rebolusyonaryong lakas ng mamamayan upang sama-samang lumaban at kamtin ang katarungan! ###