Singilin si Marcos Jr sa maanomalya, anti-mahirap at mapanupil na 2025 pambansang badyet
Anti-mahirap, mapanupil at pabor sa mga burukrata kapitalistang kampon ni Ferdinand Marcos Jr ang ₱6.326 trilyong pambansang badyet 2025 noong Disyembre. Tiyak na muling pagsasasaan ito ng pangkat nina Marcos habang gamumo lamang ang para sa taumbayan.
Hindi kataka-takang sinalubong ng kritisismo at protesta ang pininal ni Marcos Jr na pambansang badyet. Ginamit ni Marcos Jr ang kanyang kapangyarihan para dagdagan ng pondo ang mga ahensya at proyektong kapaki-pakinabang sa kanya at nag-veto sa ibang itinuring na hindi programado at wala sa prayoridad. Pinakatampok na anomalya sa pambansang badyet ang paglalaan ng ₱26 bilyon sa proyektong Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP), isa sa mga binabandilang proyekto ng rehimen. Limang milyong Pilipino ang target nitong benepisyaryo ngunit nanganganib na magamit sa pamumulitika at sa eleksyon. Tiyak na pakikinabangan ito ng mga kasapakat ni Marcos Jr sa tabing ng paggawad ng ayuda.
Sa unang tingin, makikitang pinakamalaki ang inilaan ng rehimen na pondo para sa edukasyon ngunit ang totoo, kapos ito ng ₱12 bilyon mula sa panukala ng ahensya. Kulang ang ₱1.055 trilyon na inilaan sa edukasyon. Katunayan, plano ng kalihim ng DepEd na si Sonny Angara na mamamalimos at makipag-tie up sa iba pang ahensya para sa mga proyekto at pangangailangan habang ang mga state universerties and colleges ay mapupwersang pumasok sa mga proyektong komersyalisasyon para lang masuportahan ang sarili. Pinagkaitan naman ni Marcos Jr ng pondo ang Philhealth at ginamit na sangkalan ang kontrobersya na may malaking reserbang pondo ito. Binawasan ng ₱74.5 bilyon ang pondo sa kalusugan sa harap ng kahilingan ng bayan para sa libreng serbisyong medikal. Binawasan din ang pondo para sa Department of Social Welfare and Development ng P86 bilyon dahil mas prinayoridad ang AKAP kaysa sa 4Ps.
Nakakainsulto ang palabas na kinaltasan ni Marcos Jr ang Department of Public Works and Highways gayong ikalawa ito sa may pinakamalaking pondo. Pinanatili pa ang badyet para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng kanyang mga kroni at imperyalismong US. Dahil hinuhuthutan ng kikbak ang pondo ng DPWH, mabilis masira ang mga pampublikong istruktura at hindi maramdaman ng mamamayan ang benepisyo nito. Paulit-ulit inilantad ng mga nagdaang kalamidad ang palpak na flood-control projects ng estado sa nagdaang mga taon sa kabila nang malaking pondong inilalaan para rito.
Patuloy ring pahihirapan ang bayan sa pasismo ng estado dahil sa pagpapalobo ng pondo ng Department of National Defense (₱315.1 bilyon) at Department of Interior and Local Government (₱279.1 bilyon). Binigyang prayoridad ng rehimen ang modernisasyon ng armas at pambubusog sa AFP-PNP sa gitna ng kahirapan ng bayan. Dinagdagan ang arawang alawans ng mga militar mula ₱150/araw tungong ₱350/araw bukod pa sa tinatanggap na sweldo. Napakalayo nito sa barat na sahod na tinatanggap ng mga manggagawa at kahit ng iba pang kawani ng gubyerno kagaya ng mga guro. Tiyak ding dadami ang mga paglabag sa karapatang-tao ng estado sa kurso ng pinaigting na kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimen laban sa bayan.
Sa kumpas ng imperyalismong US, nilaanan nang malaki ni Marcos Jr ang pondong militar para sa suportahan ang nilulutong gera laban sa China. Patuloy na gagastusan ng estado ang mga base militar ng US at pangangailangan ng mga tropang Amerikano habang namamalagi sa bansa. Signipikanteng bahagi rin badyet ang laan sa pambayad utang.
Sa kabilang banda, ang pag-uuna ni Marcos Jr na laanan ng malaking pondo ang mga militar at pulis ay bahagi ng pagkuha niya ng katapatan ng mga ito sa gitna ng pakikipagbangayan sa mga Duterte. Kapansin-pansin ang pag-eetsapwera sa opisina ng bise presidente na ginawaran na lamang ng ₱733 milyon. Patuloy ring makokopo ni Marcos Jr ang malaking bahagi ng confidential and intelligence funds sa 2025. Nais tiyakin ng mga Marcos ang patuloy na paghawak sa kapangyarihan at pera. Higit nitong paligtingin ang tunggalian sa pagitan ng dalawang paksyon. Napakaipokrito ni Marcos Jr sa pagkritiko sa mga ninakaw ni Sara gayong sobrang laki ng kanyang dinambong. Sa confidential and intelligence funds pa lamang, nasa ₱12.5 milyon/araw ang ginastos ni Marcos Jr sa 2023. Mayroon pa siyang special purpose at unprogrammed funds na may laya siyang galawin bilang presidente. Isinabatas niya pa ang Maharlika Investment Fund na humuhugot ng bilyun-bilyong piso mula sa bulsa ng mamamayan.
Ang garapalang pagpapasa ng maanomalyang pambansang badyet at mga maniobra ng pangkating Marcos-Romualdez na masolo ito ay palatandaan ng bulok na burukrata-kapitalistang estado. Pinipiga nito ang kaban ng bayan sa harap ng grabeng kahirapan ng sambayanan. Ipinapapasan nito sa mamamayan ang dambuhalang buwis para gawing puhunan sa mga anti-mamamayan at pro-imperyalistang proyekto gaya ng mga EDCA sites, mapangwasak na proyektong mina at renewable at iba pa; pinambibili ng mga armas pandigma; at ipinambabayad-utang.
Sagad na sagad na ang mamamayang Pilipino sa pambubusabos ng rehimeng US-Marcos II! Kailangang kumilos upang buong giting na ilantad, labanan at singilin si Marcos Jr sa kanyang mga krimen. Habang papalapit ang midterm elections, nararapat ang walang tigil na paglalantad sa mga pakana nina Marcos at Romualdez para gawing solido ang kapangyarihan sa poder. Magsagawa ng kampanyang edukasyon at propaganda para mabatid ng mamamayan ang pagnanakaw ng mga burukrata kapitalista. Sa kasaysayan ng kilusang masa, nagluluwal ng mga dambuhalang protesta ang mga pakikibaka laban sa korapsyon. Sa pagsalubong sa 2025, ibayong pasikarin ang pambansa demokratikong pakikibaka para singilin at papanagutin ang papet, pasista at mandarambong na rehimeng US-Marcos II.