Pahayag

SONA ni Marcos kabulaanan at ilusyon lang

,

“SONA san na?”, ito ang tanong ng mga mamamayan sa isla ng Panay sa mga proyekto at kaunlarang ipinangalandakan sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Bongbong Marcos.

Walang makitang aktwal na hitsura ang mga mamamayan sa mga paghahambog ni Marcos. Tatlong taon na sa pwesto subalit ang ipinangakong gawing Php20 ang kilo ng bigas ay nananatiling haraya lang lalo na sa mga maralita na iniinda ang mahal na presyo ng bigas kung saan nanatili sa Php40 ang pinakamura. Importasyon ang sagot ni Marcos sa hinaing ng taong-bayan sa sobrang mahal na mga bilihin. Nitong nakaraang buwan lang lomobo ang suplay ng imported na bigas at ang resulta nito ay ang pananatili sa mababang presyo ng farmgate price ng palay na unti-unting pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka. Liban pa sa bigas itinutulak din ng rehimen ang ibayo pang importasyon ng asukal, gulay, isda, karne at iba pang produktong agrikultural pagkat wala itong kongkretong plano para tulungan ang mga magsasaka at palaguin ang lokal na produksyon para masustentuhan ang pangangailangan ng bansa. Mas mahalaga sa kanya ang matatanggap na ganansya at kickback sa mga kontrata ng importasyon kasabwat ng kanyang mga kroni para mamintina ang luho ng kanyang pamilya.

Sa ipinagyabang niyang pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng CLOA, tila insulto ito sa mga magsasaka at mga mamamayang Tumandok na pwersahang pinapalayas sa lupa ng kanilang ninuno dahil sa pangangamkam ng 3rd ID PA kanilang lupang ninuno at pagdeklara dito bilang army reservation, liban pa sa dalawang proyektong dambuhalang dam (Jalaur Dam Project at Pan-ay River Basin Development Project) at National Greening Program. Hindi rin maramdaman ng mga magsasaka ang ayuda sa agrikultura. Sa halip, iniinda nila ang sobrang mahal na mga farm inputs (binhi, pestisidyo, abono at iba pa) habang binabarat ang kanilang produkto sa panahon ng anihan. Malaki ang lugi ng mga magsasaka lalo na sa panahon ng pananalasa ng kalamidad o peste sa kanilang mga pananim. Dahil dito, ang ilang magsasaka ay nalulugmok sa usura o mataas na interes ng pautang at halos di na makabayad.

Maraming kabataan lalo na sa mga liblib na baryo ang hindi makatapos kahit man lang sa elementarya dahil sa problema sa sistema ng edukasyon sa bansa. Marami ang drop-out sa iba’t-ibang kadahilanan: hindi makayang tustusan ng mga magulang ang gastusin sa pag-aaral, malayo ang mga paaralan (may mga lugar na inaabot ng ilang oras ang kailangang lakarin ng mga kabataan bago makaabot sa paaralan). Sa ibang mga kaso, pinipiling tumigil na lang ng mga bata sa pag-aaral pagkat halos di rin naman makapagturo ang mga guro. Naiinip na lang ang mga estudyante pagkat maswerte na kung makapagklase sa dalawang araw sa loob nga isang linggo.Hindi rin naman masisisi ang ilang guro lalo na ang mga nakatalaga sa mga liblib na baryo na napipilitang maghanap ng iba pang pagkakakitaan sapagkat sobrang kulang ang kanilang sahod. Ayon sa ilang guro na nakausap ng BHB Sentral Panay, napipilitan silang hugutin sa kanilang bulsa ang gastos para sa mga learning materials na kanilang ginagamit sa pagtuturo dahil sa kakulangan ng badyet sa sektor ng edukasyon. Malaon na ang panawagan ng mga guro para sa dagdag na sweldo subalit nananatiling bingi ang rehimeng US-Marcos II sa kanilang mga hinaing.

Marami raw ang naitayong kalsada ngunit ang mga mamamayan sa kanayunan ay patuloy na nagtitiis sa mga mahirap na daanan para sa pagbyahe ng kanilang mga produkto. Sobrang peligroso ang ilang farm-to-market roads na ipinaghambog, na tila daanan ng kalabaw lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Ang sektor ng transportasyon ay patuloy din ang panawagan laban sa nakamamatay na jeepney phase-out. Libo-libong mga tsuper ang tiyak na mawawalan ng hanapbuhay kung lubusan na itong maipatupad. Hindi solusyon ang hakbang na ito sa problema sa trapiko bagkus dagdag na solusyon sa pagkamal ng tubo ng mga pinapaborang tagmanupaktura ng modern jeep at mga malalaking negosyante na magmomonopolyo sa mga jeepney fleet. Sa ngayon pa nga lang, matindi na ang pag-iinda ng mga tsuper dahil sa walang ampat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Wala na halos kitang maiuuwi ang mga tsuper sa kanilang pamilya.

Ang mga livelihood projects ay hanggang salita lang rin. Marami ang isinagawang livelihood training at orientation subalit ang ipinangakong kapital ay hindi pa rin natatanggap ng mga benepisyaryo.

Sa kabila ng mga paghihirap at hinaing ng taong-bayan para sa ayuda sa iniindang kahirapan dulot ng kakulangan at kawalan ng bastanteng hanapbuhay, walang damdaming pinatay ng rehimeng US-Marcos II ang mga panukala para dagdagan ang minimum na sahod ng mga manggagawa.

Di rin ramdam ng mamamayan ang ginhawa sa sektor ng kalusugan. Nagsisiksikan ang mga pasyente sa mga pampublikong ospital at halos walang pahinga ang mga manggagawang pangkalusugan. Maraming mga ospital ang kulang sa mga pasilidad at dahil tinapyasan ang badyet ng sektor ay matumal ang hiring ng dagdag na doktor, nars, at iba pang manggagawa sa sektor kung kaya’t ang kasalukuyang empleyo ay nasasagad sa malawig na duty hours. Ang mga mahihirap na pasyente ay lalo pang pinapahirapan bago makapakinabang sa mga ipinagmamalaking ayuda sa Philhealth. Kahit ang mga miyembro ng Philhealth ay dinagdagan ang pasanin sa pagtaas ng sinisingil sa kanilang premium. Paglilipat ng “hindi nagastos na badyet” ang naging tugon ng rehimen na dagdag na nagkakait ng akses sa serbisyo pangkalusugan at nagsasapeligro sa pondo ng taong-bayan na magamit sa pampulitikal at di-pangkalusugang usapin sa halip na bigyang-pansin ang panawagan ng mamamayan para sa isang sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan na pinopondohan ng estado at magsisilbi sa lahat ng Pilipino kahit hindi miyembro ng Philhealth.

Patuloy na lumalala ang kahirapan ng mamamayan dahil sa kawalan ng lupang sakahan at patuloy na pangangamkam ng lupa para bigyang-daan ang mga development projects at negosyo ng naghaharing uri, kawalan ng hanapbuhay, mababang sahod, mahal na mga bilihin at kakulangan sa serbisyo sosyal. Sa kabila nito, militarisasyon ang sagot ng rehimen. Sa kabundukan, walang tigil ang focused military operations sa layong durugin ang armadong rebolusyon at anila para maghatid ng kapayapaan at kaunlaran. Subalit kabaligtaran ang ginagawa nila sa mamamayan.Sa bawat operasyon ng mga militar ay nagagambala ang tahimik na pamumuhay ng mga mamamayan. Nagdudulot ito ng sindak at takot lalo na sa ilang kaso kung saan pinipigilan o nililimitahan sila sa pagpunta sa kanilang mga bukirin kung kaya’t hindi na nila maasikaso ang mga pananim at alagang hayop. May mga kaso rin ng pagbabanta, intimidasyon, hamletting at blokeyo sa pagkain. Dagdag pa, bilyong pondo ng taumbayan ang naaaksaya para sa puno sang korapsyong AFP/PNP modernization program. Sa halip na pondohan ang mga basehang serbisyo kagaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa, kagamitan at armas pang-gera ang inuuna ng rehimen.

Salungat ang mga hakbang na ito sa pahayag ni Marcos na “Wala nang mga grupong gerilya”. Nagdudumilat ang katotohanang ang kapalpakan mismo ng rehimen sa paglutas sa mga basehang problema ng lipunang Pilipino ang nag-udyok sa mamamayan na tahakin ang landas ng armadong rebolusyon. Patuloy na isinisilang ang mga malalakas at magigiting na Pulang mandirigma mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at mga intelektwal.

Sa patnubay ng Partido Komunista ng Pilipinas, masigasig ang mga kadre at kasapi ng Partido, mga opisyal at pwersa ng hukbo kasama ang masa sa pagsulong ng kilusang pagwawasto upang balik-aralan ang mga karanasan at halawan ng mga ginintuang leksyon na magsisilbing gabay sa muling pagpapasigla at pagsulong ng armadong pakikibaka. Taglay ang matatag na paninindigan at determinasyon, hindi matitinag ng anumang malupit at mapaniil na atake ng kaaway ang diwa ng tunay na hukbo ng masa hanggang sa maisakatuparan ang matagal nang hangad ng masang api at pinagsasamantalahan na tunay na kapayapaan, kaunlaran at hustisya.

Panagutin ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos II!

Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!

SONA ni Marcos kabulaanan at ilusyon lang