Pahayag

Suportahan ang pagtatanggol ng estado at mamamayan ng Iran! Kamatayan sa imperyalismo!

,

Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ang pag-atake ng imperyalismong US at Zionistang Israel sa Islamic Republic of Iran. Kasabay nito, taas-kamao kaming nakikiisa sa matatag na pagtindig at paglaban ng mamamayan ng Iran sa pataksil na atake ng naghuhuramentadong mga maton na sina Trump at Netanyahu. Noong Sabado, Pebrero 28 ng umaga, matinding airstrike ang inilunsad ng teroristang kutsabahang US-Israel laban sa Iran na nagresulta sa pagkamatay ng Supreme Leader nitong si Ayatollah Ali Khamenei at iba pang matataas na lider ng bansa. Sa ulat ng Red Crescent, isang makataong organisasyon sa Iran, mahigit 555 ang namatay at 747 sugatan sa maghapong atake sa 24 probinsya. Samantala, sa ulat naman ng Human Rights Activists News Agency, aabot na sa 333 sibilyan ang napatay sa 18 probinsya sa 59 insidente. Kabilang ang dalawang eskwelahan ng mga bata sa tinamaan ng matinding atake ng US at Israel sa operasyong pinangalanang Operation Epic Fury. Kabilang sa mga napatay ang kumander ng Iranian Guards na si General Mohammad Pakpour, Ali Shamkhani, ang pinuno ng national defence council ng Iran, at mga kaanak ni Khamenei.

Ang pataksil na pag-atake ay kasunod ng inihayag na positibong resulta ng negosasyong inilunsad sa pagitan ng US at Iran noong Huwebes. Matatag na tumindig ang kinatawan ng Iran na hindi nila ititigil ang enrichment ng kanilang uranium na mahalaga sa kanilang pasilidad nukleyar na pinagkukunan ng enerhiyang nagpapatakbo sa buong bansa. Malisyosong inaakusahan ni Trump na ginagamit umano ito ng Iran para sa paggawa ng bomba na makailang ulit na pinabulaanan ng estado ng Iran. Mismong si Khamenei, noong dekada ’90 ang nagdeklara ng kautusang Islam (fatwa) na nagbabawal sa paglikha at paggamit ng armas nukleyar dahil aniya “labag ito sa kanilang kaisipang Islam”. Ayon mismo sa International Atomic Energy Agency ng United Nations, matapos nilang mag-inspeksyon sa pasilidad nukleyar ng Iran na walang patunay sa mga alegasyon ng Israel. At kung lilingunin, walang iba kundi si Trump ang nagbasura noong 2018 sa tratado kontra pagpapalaganap ng mga armas nukleyar.

Ang totoo, gigil na gigil si Trump sa Iran na malaon nang naging sentro ng layong pagpapabagsak ng nagkakailan ng presidente ng US mula pa 1950 nang sinimulang inasyunalisa ng estado ang kanilang industriya ng langis (tulad ng karanasan ng Venezuela). Bukod pa, nagawang pabagsakin ng Rebolusyong Iranian noong 1979 ang diktadurang US-Shah at naitayo mula noon ang Islamic Republic of Iran na nagsikap makapagtayo ng nagsasariling ekonomya at tumanggi sa anumang normalisasyon sa pakikipag-ugnayan sa US. Mula nito, nanindigan ang Iran bilang isa sa mga estadong anti-US at naging sandigan at katuwang ng iba pang mga bansa sa Middle East at West Asia laban sa panghihimasok ng US. Kabilang dito ang pagsuporta sa estado ng Syria sa ilalim ng noo’y lider nitong si Bashar Al Asad, pagsuporta sa pakikibaka sa pambansang pagpapalaya ng mamamayang Palestino laban sa pananakop at mapamuksang gera ng Zionista-teroristang Israel at gayundin ng pakikibaka ng mga mamamayan sa Yemen.

Sa kabila ng patung-patong na sangsyong ipinataw ng US at mga sunud-sunurang bansa sa kanya, nagawa ng Iran na makatayo sa sariling paa. Ang pananatili ng Iran na nakapag-establisa ng sariling lakas sa ekonomya, pulitika at militar ang patunay na kayang tumindig at umunlad ng isang bansa nang hindi nakasandig o nasasaklot ng imperyalistang kapangyarihan, laluna ng US.

Malaon na ang pagnanasa ng US sa mayamang rekursong langis ng Iran at kasabay na pangangarap-nang-gising ni Netanyahu na magtatag ng kanyang kaharian sa buong rehiyon.

Kung tutuusin, mahabang panahong nagtimpi ang Iran sa kabila ng paulit-ulit na probokasyon ng US at kakutsaba nitong teroristang Israel. Mula 1953, ilang ulit na asasinasyon sa mga nuclear scientist at heneral militar ng Iran ang inilunsad ng sabwatang US-Israel. Noong 2025 ay inatake ng mga ito ang nagkakailang pasilidad-nukleyar ng Iran.

Walang kapatawaran para sa mamamayang Iranian ang ginawang pag-atake ni Trump na lantaran at garapalang pagyurak sa soberanya ng bansa, mga paglabag sa panuntunan sa digma at kriminal na pananagutan nito sa lahat ng napaslang. Malinaw na sinadya nilang puntiryahin ang mahahalagang lokasyon ng estado at lider ng bansa nang walang pagsasaalang-alang sa mga sibilyan. Samantala, ang kasabay na kawalang-pakundangang pagpapakawala nito ng mga armas ay tumama naman sa mas maraming pasilidad ng mga sibilyan kabilang na ang mga eskwelahan. Isang kasuklam-suklam na aktong hindi katanggap-tanggap batay sa umiiral na mga panuntunan sa lipunan at kahit sa paglulunsad ng digma sa kasalukuyan.

Ang ganito katinding aktwasyon ni Trump ay pahiwatig ng matinding pangangailangan niyang isalba ang bumubulusok na krisis ng monopolyo kapitalismo sa US. Ang pagkagahaman ni Trump ang nasa likod ng pagpapalit ng pangalan ng departamento sa depensa tungong Department of War at pagbubuo ng planong National Security Strategy at National Defense Strategy. Ngunit para sa kanyang sariling mga kababayang Amerikano, ang aktong ito ay pagsasalba lamang ng sariling interes ng teroristang diktadura ng pinaka-reaksyunaryo, pinakasobinista at pinaka-imperyalistang mga elemento ng kapital sa pinansya na kumukopo ng kapangyarihan at kayamanan sa US at buong daigdig. Pinatunayan ng mga protesta at pahayag kahit ng mga nasa gubyerno ni Trump ang kawalan ng popular na suporta ng hakbanging ito mula sa sariling bakuran. Lalo lamang nitong pabibilisin ang kanyang pampulitikang pagkakahiwalay, kasama ang kanyang asong ulol na kasabwat na si Benjamin Netanyahu. Sa mata ng mamamayan ng Middle East at West Asia at lahat ng kolonya at malakolonya sa daigdig, ang US ang dahilan ng walang katapusan nilang pagdurusa at pagkaalipin.

Ang ambisyoso nilang layuning paluhurin ang lahat ng tumatangging magpailalim sa kapangyarihang US ay lalo lamang nagpapalaki ng bilang ng mga estado at mamamayang naghahangad ng pagbabago at pagbaklas sa kuko ng imperyalismong US. Sa iba’t ibang panig ng daigdig, ikinakahiya at kinamumuhian na ng mamamayan ang kani-kanilang mga estadong papet at nangangayupapa sa interes ng US. Laluna ngayong pumapasok ito sa kabi-kabilang panggegera sa iba’t ibang mga bansa at mamamayan, isinusubo nito ang estadong papet sa mga rehiyunal na kumprontasyong militar na lalo lamang papaypay sa galit ng mamamayan, laluna ng uring anakpawis laban sa imperyalismo, pasismo at lahat ng reaksyon.

Kasabay ng paninindigan para sa pagtatanggol ng estado at mamamayan ng Iran, nananawagan kami sa mamamayan at mga katulad naming rebolusyonaryong kilusan sa buong daigdig na suportahan ang makatarungang pagtatanggol ng Iran at lahat ng mamamayan laban sa iba’t ibang tipo ng pananakop at pagsalakay ng imperyalismong US at Zionistang Israel. Sinumang bansa at mamamayang inaatake ng alinmang dayuhang bansa ay may karapatan at tungkuling ipagtanggol ang soberanya at integridad gamit ang lahat ng pamamaraang posible para lumaban. Itinuturo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang dakilang teorya ng proletaryong rebolusyon sa buong daigdig na ang tanging paraan para labanan ang gerang imperyalista ay isang digmang rebolusyonaryo ng mamamayan para sa pambansang pagpapalaya.

Sa Pilipinas, na isang papet na estado ng US at ginagamit na piyon laban sa China, dapat manindigan ang mga Pilipino na igiit at ipaglaban ang pambansang soberanya at kasarinlan nito. Dapat na ibayong palawakin at palakasin ang anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayang Pilipino, laluna ang paglaban sa nilulutong gyera ng US sa Pilipinas at Indo-Pacific. Tinatawagan namin ang lahat ng makabayan at mapagmahal sa kapayapaan at katarungang mga Pilipino na dinggin ang napakakagyat na panawagang ito. Hindi dapat pahintulutan ng Pilipinas na madamay ang bansa sa pinaplano nitong gera sa Asia Pacific tulad ng dinaranas ngayon ng maraming bansa sa Middle East kung saan may mga base at pasilidad militar ang US. Dapat tutulan at labanan ang tumitinding militarisasyon ng US, paglalagak ng mga armas at pagtatayo ng mga base at iba pang pasilidad militar nito sa bansa. Dapat ipawalambisa ang Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement, Mutual Defense Treaty at iba pang kasunduang militar ng US sa Pilipinas. Kasabay nito, dapat nating pag-ibayuhin ang pagpapanibagong-lakas ng buong rebolusyonaryong kilusan para labanan at ibagsak ang papet na estado ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.#

Suportahan ang pagtatanggol ng estado at mamamayan ng Iran! Kamatayan sa imperyalismo!