Suportang bayan para sa welga ng mga manggagawa sa Nexperia
Ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang proletaryong pakikiisa sa mga manggagawa ng Nexperia Philippines Incorporated na bumoto noong nakaraang linggo pabor sa pagputok ang kanilang welga para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at dignidad. Ang mga manggagawa ng Nexperia ay karapat-dapat na bigyan ng buong suporta ng malawak na masa ng mga manggagawang Pilipino at iba pang demokratikong sektor dahil makatarungan ang kanilang pakikibaka at dahil sa kanilang militansya.
Ipinaglalaban nila ang nakabubuhay na sahod, muling pagbabalik ng mga manggagawang tinanggal, seguridad sa trabaho at iba pang kagyat na kahilingan. Sinasalamin ng kanilang sitwasyon ang kalagayan ng milyun-milyong manggagawang Pilipino na sa araw-araw ay nagtitiis sa mababang sahod, hindi makataong kundisyon sa paggawa, kawalang katiyakan sa trabaho, hindi makatarungang tanggalan, pampulitikang panunupil at iba pang anyo ng pang-aapi.
Nananawagan kami sa lahat ng manggagawa na humalaw ng inspirasyon sa katapangan at determinasyon ng mga manggagawa ng Nexperia. Dapat din nilang itayo at palakasin ang kanilang mga unyon, mag-aral ng teorya at kasaysayan, at itaas ang kanilang kamalayang maka-uri at panlipunan. Tulad ng mga manggagawa ng Nexperia, kaya rin nilang harapin ang kanilang mga among kapitalista.
Ang kalagayan at pakikibaka ng mga manggagawa ng Nexperia ay mahigpit na nauugnay sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, malaproletaryado, estudyante, kababaihan, karaniwang kawani, maliliit na propesyunal, pambansang minorya, at lahat ng iba pang demokratikong sektor. Sa gayon, dapat magbigay ang lahat ng inaaping sektor ng suporta sa mga manggagawa ng Nexperia at samahan sila sa paglulunsad ng welga.
Tulad ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino, ang mga manggagawa ng Nexperia ay dumaranas ng hindi na mabatang krisis at malawakang pagdurusa na dulot ng mga patakarang kontra-mamamayan ng papet at pasistang rehimeng Marcos. Kaya, dapat silang bumangon kasama ng buong sambayanang Pilipino sa kanilang komun na pakikibaka para sa kanilang pambansa at demokratikong mga kahingian.