Pahayag

Tatlong taon ng kasinungalingan, paghihirap, at mga pangakong napanis ang bukod tanging maipagmamayabang ni Marcos Jr. dahil walang pag-unlad sa kalagayan ng mamamayan!

Sa katatapos na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr noong Hulyo 28, mistulang mga bula na mabilis maglaho sa hangin ang bawat salitang lumabas sa bibig ni Bongbong Marcos. Walang laman, pawang kasinungalingan, at punong-puno ng kahibangan ang bawat pahayag.

Ibinida ni Marcos Jr. sa SONA 2025 ang higit na pagsuporta raw sa sektor ng agrikultura at pagpapalawig ng ₱20 na kilo ng bigas sa buong bansa. Hinikayat nitong mamuhunan ang mga dayuhang negosyante sa sektor ng agrikultura upang palakasin diumano ang iba pang industriya sa bansa. Subalit ang ibig sabihin nito ay lalong paghikayat sa mga dambuhalang negosyante na mamuhunan sa agrikultura kapalit ang walang kapantay na liberalisasyon at pagtatapyas ng taripa sa mga produktong ini-import sa bansa. Patuloy na pinatutupad ng rehimeng US-Marcos Jr. ang mga neoliberal na patakaran sa ekonomya gaya ng Rice Tariffication Law na nagbibigay luwag sa pagpasok ng produktong yari sa ibang bansa habang ipinapabalikat sa mamamayan ang pagpopondo sa gobyerno sa pamamagitan ng TRAIN Law at VAT sa halip na manggaling sa mga dambuhalang negosyo ng mga dayuhang kasosyo ni Marcos Jr at imperyalistang US.

Ibayong kahirapan ang nakadagan ngayon sa mamamayang Mindoreño sa ikatlong taon ng Bagong Pilipinas ni Marcos Jr. Malaking kahibangan ang niyayabang na tagumpay sa ₱20 kada kilo ng bigas dahil nananatiling lugmok ang kalagayan ng mga magsasakang Mindoreño bunsod ng napakamahal na mga farm inputs, mga kontra-magsasakang polisiya, at ang malawakang kawalan ng lupang binubungkal. Bunsod ng RTL, bumaba ang farmgate price ng palay ng mga magsasaka mula P15/kilo tungong P10/kilo. Bumaba rin ang farmgate price ng sibuyas na mula P45 – P50 ay pumapalo na lamang ng P25 – P33. Hindi tutugunan ng napakaraming Kadiwa Centers ang malawak na problemang kinakaharap ng mga magsasaka. Sa halip na ilaan ang P113 bilyong pondo ng Department of Agriculture sa pagtatayo ng mga Kadiwa stores, dapat itong ituon sa pagsuporta sa mga magsasaka at pagpapalakas ng lokal na produksyon.

Katatapos lang manalasa ng sunod-sunod na bagyong nagpadapa sa mga palayan ng mga magsasaka sa Mindoro, ngunit habang nagkukumahog ang mga magsasaka na isalba ang mga pananim na inaanod ng baha, nasa Estados Unidos si Marcos Jr. para ipamigay ng libre sa amo nitong Kano ang buong bansa. Sa Occidental Mindoro, umabot ng mahigit P215.6 milyon ang nawasak sa agrikultura dulot ng mga bagyo at habagat. Samantalang, pumalo naman sa P258 milyon ang nawasak sa agrikultura sa Oriental Mindoro.

Katawa-tawa rin ang ipinagmamalaki nitong mahigit 8.5 milyong magsasaka at mangingisda na diumano ang nabigyan ng suporta at ayuda. Ang mga mangingisdang hindi pa rin nakakatanggap ng makatarungang kompensasyon dulot ng Oil Spill noong 2023 ay dumaranas na naman ngayon ng mas matinding kahirapan dahil sa mga bagyo na pinalala ng mga operasyong dredging sa tabing-dagat at ang militarisasyon sa mga komunidad na naranasan ng mga mangingisda sa Tagumpay, Pola sa maagang bahagi ngayong taon.

Wala sa mahigit isang oras na talumpating puno ng kasinungalingan ang tunay na kalagayan ng mamamayan sa isla ng Mindoro. Ang tunay na kalagayan ng mamamayang Mindoreño ay nasa bawat sulok ng mga pamayanang katutubo sa kanayunan na dumaranas ng pinakamatinding kahirapan at mga komunidad sa kapatagan na hinahambalos ng patung-patong na krisis bunsod ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa loob ng tatlong taong pagpapakatuta ni Marcos Jr., walang kaparis ang kahirapang dinanas ng mga Mindoreño, patuloy na sinasaid ng mga dambuhalang minahan ang mga likas-yaman sa isla, at mas pinatindi ang militarisasyon at mga paglabag sa karapatang pantao sa pangunguna ng berdugong AFP-PNP-CAFGU.

Malayo sa katotohanan ang ibinibida ni Marcos Jr. sa kanyang talumpati na may pagpapahalaga ang gobyerno nito sa karapatang pantao. Sa Mindoro, kung saan sampu at kalahating batalyon ng panagupang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU ang nakapakat, talamak ang kaliwa’t kanang pamamaslang, harasment, pagkakampo sa mga sibilyang komunidad, pambobomba, istraping, at pekeng pagpapasuko. Sa katunayan, walang pagkilala sa karapatang pantao ang estadong ito na pinatunayan sa mga kaso ng pagpatay sa mga sibilyan tulad nina Jay-el Maligday, Hulyo Aytag, at pinakahuli ni G. Juan Sumilhig, sa mga pamayanang dumanas ng pambobomba at istraping sa Mansalay at Pola, at sa mga biktima ng ilegal na pag-aresto at pananakot. Para ibayong maghasik ng terorismo sa mamamayan, mas pinili pang pondohan ng bilyong piso ang mga bagong kagamitan, armas, at sasakyan ng AFP-PNP mula sa imperyalistang US habang sabay na ibinabaon sa trilyong utang ang bansa para sa mga walang pakinabang na programa ng gobyerno na sila lang ang nakikinabang.

Matagal nang batid ng mamamayang Mindoreño na walang ganap na pagbabagong aasahan sa isang sistema ng gobyernong pinatatakbo ng mga gahaman at ganid sa kapangyarihan. Ang gobyernong walang pagpapahalaga sa karapatang pantao, buhay, at kapakanan ng mamamayan ay inutil at bigo.

Lipos at nagsusumikap sa kasalukuyan ang mga demokratikong pwersa sa isla ng Mindoro na pag-ibayuhin ang pagsusulong at pagtatagumpay ng mga pakikibakang masa. Malinaw sa mga magsasaka ngayon sa Mindoro ang kahalagahan ng pagtatayo ng kanilang samahan upang kolektibong tumindig at makibaka para sa karapatan sa lupa sa pagtatagumpay ng rebolusyong agraryo. Batid ng mga kabataan ang kanilang krusyal at mapagpasyang tungkulin na isanib ang lakas at husay sa lahat ng uring api at sinasamantala para itaguyod ang pagbabagong panlipunan. Upang ganap na itanghal ang demokratikong gobyerno na pinamumuan ng uring anakpawis, dapat mapanghamong tugunan ng lahat ng demokratikong pwersa at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang kanilang mga tungkulin sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Wala nang iba pang lulutas sa naghihirap na kalagayan ng mamamayang Mindoreno kundi ang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na malaon nang natiyak ang pagtatagumpay. Ito ang tutugon sa pagkakamit ng tunay na reporma sa lupa, nakabubuhay na sahod, pambansang kasarinlan, pagwawakas sa karahasan, at kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Mamamayang Mindoreno, magkaisa at makibaka para sa demokratikong karapatan!
Itakwil ang mga kasinungalingan ng rehimeng US-Marcos Jr.!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Sumapi sa hukbo ng mamamayan!

Tatlong taon ng kasinungalingan, paghihirap, at mga pangakong napanis ang bukod tanging maipagmamayabang ni Marcos Jr. dahil walang pag-unlad sa kalagayan ng mamamayan!