Tayo naman ngayon: Panata ng kasakukuyang henerasyon sa pagpapatuloy ng laban para sa tunay na katarungan at kalayaan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ngayong ika-50 anibersaryo ng Batas Militar, dapat pakatandaan ng lahat na napakamahal ng kalayaang tinatamasa ng henerasyong ito. Ang bawat hibla ng demokrasyang mayroon ngayon ay pinagbayaran ng luha, dugo at buhay ng hindi mabilang na mga ina, ama, anak at kapatid ng naunang salinlahi. Pinuhunanan ito ng mayayamang buhay ng mga anak ng bayang tulad nina Dr. Johnny Escandor, Alex Belone, Romulo Jallores, Mario Hagos, Nanette Vytiaco, Ruben Sambajon at libong iba pang pinahirapan, winala at pinaslang noong Batas Militar ni Marcos Sr.

Napakaraming naputol agad ang mga nagsisimula pa lamang na mga kwento sa ngalan ng paglaban para sa demokrasya. Napakaraming hindi na nayakap muli ang mga mahal sa buhay sa ngalan ng ikabubuti ng nakararami. Napakaraming namatay na lamang nang hindi nagigisnan ang lipunang malaya mula sa sakmal ng mga Marcos. Marami ngang hindi na tumanda. Kung hindi nila inialay ang kanilang mga sarili para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon, habambuhay na bangungot na ng sambayanan ang diktadurang Marcos.

Wala silang hininging kapalit kundi ang ipagtanggol ng mga sumunod ang kanilang mga ipinaglaban. Huwag sayangin ang lahat ng buhay na inialay para lamang matamasa ngayon ang anumaang kalayaang mayroon ang lipunan. Hindi maaaring magpaubaya. Hindi maaaring makalimot.

Sa bawat beses na naririnig ng lahat ng dumanas ng lagim ng Batas Militar ang pambabaluktot ng kasaysayan sa kasalukuyan, sa tuwing nakikita nilang may nagpupugay sa dambana ng mga Marcos, nasasariwa ang lahat ng hindi naghihilom na sugat. Bumabalik sa kanilang mga gunita ang lahat ng paulit-ulit na kinuryente ang katawan, tinortyur, ginahasa, dinukot at winala, sinalvage at linagyan ng basahan sa bungo. Kaya naman, hindi maaaring mapagod ang henerasyong ito sa pagtatanggol sa tunay na kasaysayan. Hindi maaaring maglubay sa pagtatambol ng katotohanan at sa pagdakila sa lahat ng martir na nag-alay ng kanilang mga sarili sa ngalan ng katarungan at kalayaan.

Buong husay at katapatang ginampanan noon ng naunang henerasyon ang kanilang tungkulin sa sambayanan at sa kanilang minamahal na bayan. Ito ang panahong ang kasalukuyang henerasyon naman ang marapat tumupad sa kanilang dakilang papel sa lipunan. Napagtagumpayan nila ang laban noon sa diktadura. Marapat lamang na ubos-kaya ring pagsumikapan ng mamamayan na pagtagumpayan ang laban ngayon. Napakarami pang hamong dapat harapin. Napakarami pang kailangang kamtin.

Ito ang panata ng kasalukuyang panahon: tayo ang lalaban. Tayo naman ngayon.

Tayo naman ngayon: Panata ng kasakukuyang henerasyon sa pagpapatuloy ng laban para sa tunay na katarungan at kalayaan