Pahayag

Todong operasyong militar, sagot ng rehimeng Marcos Jr sa masang Masbatenyo pagkatapos manalasa sa Masbate ang bagyong Opong

,

Di pa man nakakabangon mula sa pananalasa ng bagyong Opong ang masang Masbatenyo, laluna ang mga magsasaka na labis na napinsala ang mga pananim at nawasak ang mga tirahan. Nahaharap naman sila sa todong operasyon na ilinulunsad ng pwersa ng 2nd IB, 96th MICO at 96th IB sa prubinsya ng Masbate.

Pokus ng armadong operasyong militar ang mga barangay sa bayan ng Palanas, Cawayan, Dimasalang, Uson, Mobo at Milagros. Nasa mga bayan na ito ang malalaking interes ng mga dayuhang korporasyon at lokal na naghaharing-uri para sa mina, ekoturismo, enerhiya, rantso at iba pang makadayuhang proyekto at para sa pansariling interes at pakinabang.

Iniipit ng mga militar ang kanilang pinaghihinalaang tagasuporta o may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Kinukumpiska ang selpon at kinukuha ang numero at FB account ng mga residente na kanilang pinaghihinalaang may kontak sa NPA. Iniimbestiga maging mga bata.

Sa halip na ayuda, sakyada ang isinagot ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr sa Masbate. Ang dapat tulong upang makabangon ang masang Masbatenyo ay higit na ikinalulugmok pa nila sa kumunoy ng kahirapan at gutom bunsod ng todo-todong pasismo ng rehimeng Marcos Jr at mga tutang militar nito. Ang kanilang natanggap na iilang de lata, isang kilo ng bigas at noodles ay hindi makapapawi sa kanilang nararanasang karahasan ng estado at sakuna.

Mas lalo ngayong naggagalaiti sa galit ang masang Masbatenyo laluna sa pagkalantad kamakailan ng malawakang anomalya at kurapsyon sa flood control project na pinamumunuan mismo ni Marcos Jr. Na malaking tulong sana sa kanila sa pagbangon kung may mga kalamidad o sakuna. Ganun din para sa pagpapahusay sa kanilang produksyon at kabuhayan kung ilinaan ang naturang trilyong pundo sa agrikultura ng bansa at sa prubinsya ng Masbate.

Subalit, sa halip na itulong para sa pagbangon ng mga nasalanta at nawasak na mga kabuhayan, pananim at ari-arian at sa ikakaunlad ng agrikultura, ibinulsa ng mga burukrata-kapitalista sa pangunguna ni Marcoa Jr ang pera ng bayan. Dahil dito, pasismo ang palagiang tugon ng reaksyonaryong gubyerno para sa hinaing ng masang Masbatenyo sa pag-aakalang mapapahupa nito ang kanilang galit. Ito man ay dahil sa matagal ng sigaw nilang tunay na reporma sa lupa o sa pagkasalanta ng kanilang kabuhayan at tahanan dulot ng kalamidad.

Para sa mga magsasakang Masbatenyo, higit na malala at matindi ang inaabot nilang pinsala at perwisyo dulot ng man-made calamity na likha ng armadong pwersa ng reaksyonaryong gubyerno kung ikukumpara sa natural na kalamidad. Matapos ang ilang linggo, nakakabalik na sila sa kanilang mga tahanan o lugar at muling nakakapaghanap-buhay. Samantala, itinataboy naman sila ng mga militar sa kanilang mga tahanan at kabuhayan.

Ang nagliliyab na galit ngayon ng masang Masbatenyo ay dapat nilang isanib sa buong sambayanang Pilipino upang mapanagot at pagbayarin ang rehimeng Marcos Jr sa kapabayaan, inutil, kurap at pasista. Ganun din ang buong armadong pwersa ng reaksyonaryong gubyerno na sunud-sunuran sa dikta ng kanilang amo. Na sumisiil sa karapatan at kumikitil sa kabuhayan at buhay ng masang Masbatenyo sa paghahasik ng pasismo sa prubinsya ng Masbate at buong bansa.

Todong operasyong militar, sagot ng rehimeng Marcos Jr sa masang Masbatenyo pagkatapos manalasa sa Masbate ang bagyong Opong