Pahayag

Tugon ng NDFP-Mindoro kaugnay sa pahayag ni Mayor Rey Ladaga ng San Jose, Occidental Mindoro

 

“Kung walang kongkretong paagsisiyasat, walang karapatang magsalita”
– Mao Zedong

1. 1. Ito ay tugon ng NDFP-Mindoro kaugnay sa pahayag ni Mayor Rey Ladaga ng San Jose, Occidental Mindoro kaugnay sa naganap na labanan noong Nobyembre 23, 2024 sa Barangay Monteclaro San Jose sa pagitan ng isang yunit ng NPA at ng mga pasistang sundalo ng 68th IBPA.

1. 2. Kontra mamamayan, kontra rebolusyonaryo, at makaisang panig ang mga pahayag ni Mayor Ladaga. Nagsasalita siya ng walang kongkretong pag alam sa kalagayan ng kanyang bayang pinamumunuan. Pangitang pangita din na kumikiling lamang sya sa 68th IBPA habang naitsapuwera ang mamamayang San Joseño at ang rebolusyonaryong kilusan.

1. 3. Kinokondena namin ang inyong panawagan ng pagpapasuko sa rebolusyonaryong kilusan. Bakit kami susuko gayong makatwiran at makatarungan ang magrebolusyon sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal na naghihirap, inaapi, pinagsasamantalahan at hindi natatamasa ng mamamayan ang batayang mga karapatan at kagalingan at walang matinong serbisyong panlipunan? Mahigpit at mulat ang aming pagtalima sa mga batas at patakaran sa paggalang sa karapatang pantao kagaya ng CARHRIHL liban pa ang aming hiwalay na patakaran kaugnay nito. Kabaligtaran, isinusuka at labis na kinamumuhian ng mamamayan ang AFP-PNP-CAFGU sa pagiging mersenaryo-pasista nito patunay ang haba na ng listahan ng kanilang paglabag sa karapatang pantao ng mga Mindoreño. Alam naming alam ninyo ito, dahil makailang beses ng nilapitan ang inyong opisina ng mga katutubong Mangyan upang magpatulong sa inyo dahil lagi’t laging hinaharas, tinatakot, at pinagbabantaan ang kanilang buhay ng mga pasistang sundalo.

1. 4. Kakatwa ang pahayag na matagal na diumanong walang presensya ng mga NPA sa saklaw ng San Jose. Kung totoo ito, bakit pinakamadami ang kampo militar na nasa saklaw ng San Jose sa isla at patuloy pang dinadagdagan? Aabot na sa 8 ang kampo militar ng AFP-PNP-CAFGU liban pa ang mga Mobile Community Support Service Operation o MCSPO na mga nakakampo sa gitna ng mga pamayanan. Ideneklara din noon pang 2021 bilang priority barangay sa ilalim ng Barangay Development Project o BDP ang Barangay Naibuan at Monteclaro na parehong saklaw ng San Jose na diumano’y malalakas na base ng rebolusyonaryong kilusan. Mahalagang maunawaan ni Mayor Ladaga at ng iba pang lingkod bayan bakit nga ba may armadong tunggalian sa Pilipinas.

1. 5. Dekada 70 nang pumakat ang mga unang NPA sa Mindoro. Nagsimula sa iilang pulang mandirigma ngunit nangahas na magpalawak sa buong Mindoro upang pukawin, organisahin at pakilusin ang libo libong Mindoreño na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa pangunguna ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng NPA, magkasamang nilabananan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan ang mga panginoong maylupa (PML) at mga armadong tauhan nito na nangamkam ng malalawak ng lupain kagaya ng pastuhan at asyenda. Magkasama nilang nilansag ang mga ito, at ipinamahagi ang lupa sa mga wala at kulang ang lupa. Mga tagumpay ito na nakamit ng masa dahil sa mahigpit na pakikipagkaisa sa rebolusyonaryong kilusan. Magkasama ding ipinaglaban ang iba pang kahilingan at interes ng masang anakpawis kagaya ng pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid, pagpapalayas sa mga mandarambong sa kalikasan na mga proyekto, paglutas sa mga tunggalian sa hanay ng mamamayan at iba pa nilang problema. Mga tagumpay itong pinagsamahan ng masang Mindoreño at ng rebolusyonaryong kilusan na hindi maitatago ng kasaysayan. Dahil dito, lumakas, lumawak, at nakapanatili ang rebolusyonaryong kilusan hanggang sa ngayon dahil minamahal, sinusuportahan, at nilalahukan ng mamamayang Mindoreño.

1. 6. Pamalagiang tungkulin ng NPA na pukawin, organisahin, at pakilusin ang mamamayan para sa kanilang interes at kagalingan laluna ang pakikibaka sa lupa na pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan. Ganito ang ginagawa ng yunit ng NPA na inatake ng 68th IB. Naglulunsad sila ng gawaing masa at pagsisiyasat sa mga maaapektuhang pamayanang nasa paligid ng Ilog Kayakyan na kung saan napipintong itayo ang mapangwasak na proyektong dam na makakaapekto at magpapalubog sa kabuhayan ng mahigit 40,000 mamamayan sa 8 barangay ng San Jose at Rizal. Alam naming hindi lingid sa kaalaman ng opisina ni Mayor Ladaga ang proyektong dam subalit tikom ang bibig at nagmimistulang pumapabor pa nga ng hindi tinitimbang ang mapanirang epekto sa buhay ng mga apektado.

1. 7. Ang pagsusulong ng armadong pakikibaka ay mahabang tradisyon na ng sambayanang Pilipino mula pa sa mga Kolonyalistang Espanyol hanggang sa ngayon para sa pagkakamit ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya sa kamay ng mga dayuhan. Mahalagang maunawaan ninyo na hangga’t nananatili ang pang aapi, pagsasamantala, at pagpapahirap ng imperyalismong US, ng pyudalismo, at burukrata kapitalismo hindi mawawakasan ang armadong pakikibaka sa Pilipinas. Mawala man ang kasalukuyang tangkas ng mga pulang mandirigma at kadre ng Partido ngayon, mayroon at mayroong sisibol na bagong hahawak ng armas at magsusulong nito hangga’t hindi nagbabago ang kasalukuyang bulok at pahirap na naghaharing sistema. Masalimuot at mahirap ang pakikibaka, gayunman tanggap namin ito sukdulang mag alay kami ng buhay alang alang sa tunay na paglilingkod sa bayan upang makamit ang isang lipunang tunay na mapayapa, makatarungan at masagana.

1. 8. Nananawagan kami kay Mayor Ladaga at sa iba pang lingkod bayan na huwag pumayag na diktahan at magpakasangkapan sa NTF-ELCAC at AFP-PNP. Kabaliktaran, dapat na kayo’y maging tunay na kinatawan at boses ng mamamayan at tumindig para sa kanilang kagalingan at interes. Ibig sabihin kaisa kayo ng masang magsasaka at katutubong mamamayan sa kanilang pakikibaka para sa lupa laban sa mga mapandambong sa kalikasan at kabuhayang mga proyekto kagaya ng mga minahan, dam, renewable energy projects o REP’s, at iba pang katulad nito. Maging kaisa kayo sa mga demokratikong panawagan at kahilingan ng mamamayan kagaya ng pagbibigay ng trabaho, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa at manggagawang bukid, pagbibigay ng tunay na serbisyong panlipunan at iba pa. Maging tagapagtanggol kayo ng mga mamamayang biktima ng mga karahasan at paglabag sa karapatang pantao ng mga pasistang AFP-PNP-CAFGU.

Tugon ng NDFP-Mindoro kaugnay sa pahayag ni Mayor Rey Ladaga ng San Jose, Occidental Mindoro