Tuligsain ang pakikialam at subersyon ng US sa Venezuela
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang tahasang pampulitikang pakikialam at subersyon ng gubyerno ng US sa Venezuela. Ito ay desperadong pagtatangkang patalsikin ang anti-imperyalistang gubyerno ni Nicolás Maduro. Nakikiisa ang Partido at sambayanang Pilipino sa mamamayang Venezuelan sa kanilang pakikipaglaban upang ipagtanggol ang kanilang bansa laban sa imperyalistang panghihimasok ng US.
Nakikipagsabwatan ang US sa mga papet na grupo ng oposisyon sa Venezuela at Western media, upang likhain ang larawan ng malawakang dayaan noong mga nakaraang halalan. Ito ay kahit pa walang maipakitang patunay ang pangkat ng mga tagamasid sa eleksyon na ipinadala sa Venezuela ng Carter Center, isang instrumento sa US. Tulad noong 2019, buong kapal ng apog na inaangkin ng US ang kapangyarihang ideklara ang kandidato ng oposisyon bilang bagong pangulo ng Venezuela. Pinopondohan nito ang paputa-putakeng riot sa pagtatangkang yanigin ang sitwasyon at magpasiklab ng kaguluhan. Pinakilos nito ang pandaigdigang makinang pansaywar nito upang bigyang-matwid ang panghihimasok nito.
Ang gubyerno ni Maduro ay patuloy at determinadong itinaguyod ang anti-imperyalistang mga prinsipyong Bolivarian at ang mga karapatan ng Venezuela bilang isang bansa na pangalagaan ang yaman nito para sa kanyang mamamayan. Matagal nang binabagbag ng US ang Venezuela sa unilateral na pagpapataw ng mga patakarang panggipit sa ekonomya. Paulit-ulit nitong tinangka na patayin si Maduro at ibagsak ang kanyang pamahalaan. Nais ng US na palitan ito ng isang rehimen na magbabalik ng mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya, monopolyo kapitalistang kontrol ng US sa mga reserbang langis ng Venezuela, at iba pang mga pribilehiyo para sa mga korporasyon ng US.
Subalit nanindigan ang gubyernong Maduro. Ang Venezuela ay nananatiling isa sa mga haligi ng paglaban sa imperyalismong US sa Latin America. Ang paglaban ng mamamayang Venezuelan ay nagbibigay inspirasyon sa militansya at nagpapatibay ng determinasyon ng mamamayan sa buong mundo na labanan ang imperyalistang dominasyon ng US.