Tuloy ang laban para panagutin si Duterte sa lahat ng krimen niya laban sa mamamayang Pilipino!
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan sa pagbubunyi ng sambayanang Pilipino at mga tagasuporta nito sa labas ng bansa sa ginawang pag-aresto at pagkulong ng International Criminal Court sa kawatan, mamamatay-tao at pasistang si Rodrigo Duterte. Pagbibigay-hustisya ito sa higit 30,000 biktima ng brutal na gera kontra-droga ng kanyang rehimen. Higit sa lahat, binabati at sinasaluduhan namin ang malawak na kilusang masa na pangunahing binubuo ng pamilya ng mga biktima, kanilang mga abogado, mga grupong nagtatanggol sa karapatang pantao, ligal na kilusang pambansa-demokratiko at iba pang grupo at indibidwal na sumuporta at tumulong sa mga biktima sa kabila ng mga pagbabanta at pagpigil ng nagdaan at kasalukuyang rehimen. Sila ang nagpursige na kasuhan si Duterte at kanyang mga kasapakat sa ICC, mula sa pagtitipon ng mga testimonya, ebidensya at mga kinakailangang papeles hanggang sa pakikipaggiitan sa GRP na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Muling pinatunayan ng di natinag na determinasyon ng mamamayan ang kapangyarihan ng nagkakaisang pagkilos. Iniresulta nito ang paglalabas ng Pre-trial Chamber 1 ng ICC ng warrant of arrest laban kay Duterte noong Marso 7 na ipinadaan sa Interpol. Nakabatay ang warrant sa inihain ng prosecutor ng ICC na ebidensya para sa 43 kaso ng pagpatay na sangkot si Duterte–sa mga ito, 24 ang kaugnay ng drug war at 19 ang may kinalaman sa Davao Death Squad. Ang hakbangin ng ICC ay lumikha ng mas mabigat at malawak na presyur sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos II na ipatupad at pumailalim sa desisyon ng pandaigdigang korte sa kabila ng pagtetengang-kawali ng huli sa nagdaang mga taon.
Malinaw ang krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte at kanyang mga kasapakat—ang pagpaslang sa aabot sa 30,000 sa huwad na gera kontra droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019. Kabilang sa mga ito ang ilang inosenteng sibilyan at mga menor-de-edad na tulad ni Kian delos Santos na walang kaabug-abog na pinatay ng mga pulis at pinaratangang nanlaban, at ang 3-taong batang si Myca Ulpina mula Rodriguez, Rizal na namatay sa proseso ng operasyong Tokhang sa kanilang barangay. Para magawa ito, tuwirang inudyukan ni Duterte ang mga pulis na patayin ang lahat ng pinagsususpetsahang gumagamit at maliit na nagbebenta ng droga na para kay Duterte ay “wala nang karapatang mabuhay”. Nagtakda siya ng kota ng mapapatay kada araw at sistemang pabuya. Ayon mismo sa PNP, umaabot sa 33 ang napapaslang kada araw sa unang dalawang taon ng pagpapatupad ng “gera kontra-droga” na mayorya ay mga kalalakihan mula sa maralitang mga komunidad sa NCR. Naiulat rin na noong 2017, aabot sa hanggang P40,000 ang pabuyang tinatanggap ng mga pulis kada target. Bahagi ng madudugong operasyon ang pagtatanim ng ebidensya sa biktima upang pagtakpan ang karumaldumal na akto. Sa imbestigasyon ng Office of the High Commissioner for Human Rights, natuklasang iisa lamang ang serial number ng ilang baril na nakuha sa eksena ng mga “nanlaban” sa iba’t ibang lugar.
Sadyang hindi gugulong ang hustisya para sa mga biktima, lalo pa’t iniligtas ni Duterte sa kriminal na pananagutan ang mga pulis at hindi iilang beses na tumanggi ang PNP na panagutin ang mga tauhan nilang sangkot sa mga kaso. Hanggang sa congressional hearing na ipinatawag noong nakaraang taon, tigas-mukha pa rin niyang ipinagtatanggol ang mga pulis at sinabing “uulitin” niya ang gera kontra-droga kung mabibigyan muli ng pagkakataon.
Sa mata ng mamamayang Pilipino at mga nagtataguyod ng karapatang tao, nararapat isakdal at parusahan si Duterte kaya’t labis nilang ikinalugod ang pag-aresto sa kanya ng ICC. Gayunman, unang hakbang pa lamang ito at dapat itong ituluy-tuloy at higit pang palakasin lalo pa’t nagmamaniobra ang kampo ni Duterte na isalba ang dating pangulo. Kasabay ng pagkukulong sa kanya, dapat ipanawagan ang kasunod na pag-aresto sa iba pang mga kasapakat ni Duterte sa kaso tulad nina Salvador Panelo, Menardo Guevarra, Catalino Cuy, Debold Sinas at Bato dela Rosa. Dapat idagdag sa listahan si Eduardo Año na noo’y DILG Secretary at Hermogenes Esperon na noo’y secretary ng National Security Council ng rehimeng Duterte at sa gayo’y may hawak at kontrol sa PNP na pangunahing nagpatupad sa Oplan Tokhang. Ganundin, dapat silang magbigay ng bayad-pinsala sa lahat ng biktima at kanilang mga kaanak na tinatayang aabot sa 60,000-100,000 kababaihang nabalo at mga batang naulila ayon sa Ang Bayan. Dapat isalba ang buhay ng karamihan sa mga batang ito na napilitan nang magtrabaho o pumasok sa mga antisosyal na mga aktibidad para mabuhay.
Dapat magbantay ang sambayanang Pilipino sa bulberabilidad, kahinaan at limitasyon ng ICC sa pamumwersa ng mga kanluraning imperyalistang kapangyarihan laluna ng US upang tiyaking pumabor sa kanilang interes ang anumang hatol ng ICC sa kaso ni Duterte na maaaring magbasura o maglabusaw sa pagkakamit ng hustisya ng mga biktima.
Dapat ding ipatigil ang huwad na gera kontra-droga na ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos II at singilin siya sa ilang beses na pagtanggi na pahintulutan at asistehan ang imbestigasyon ng ICC sa bansa. Hindi dapat kumuha ni katiting na kredito si Marcos II sa tagumpay na ito ng kilusang masa para sa pagpapanagot kay Duterte bagkus ay dapat itong gumawa ng kinakailangang mga hakbangin para sa kompensasyon sa mga biktima at magpatupad ng tunay, komprehensibo at holistic na programa sa pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.
Kasunod nito, dapat na usigin at panagutin si Duterte sa hatol ng International Peoples Tribunal sa mga krimen nito sa digma at paglabag sa International Humanitarian Law. Kabilang sa mga kasong ito ang sadyang pagpatay at/o masaker sa mga sibilyan, sadyang pagdidirehe ng mga pag-atake sa mga sibilyan at kagamitan ng sibilyan, paggamit ng kaparaanan ng pakikidigma na walang itinatangi, sa kalikasan ay nagdudulot ng di kinakailangang paghihirap o sugat, at inaasahang magdulot ng malawakan, pangmatagalan at malubhang pagkasira ng kapaligiran, sadyang pagpatay sa mga mandirigmang hors de combat ng NPA. Sa ilalim ng rehimeng Duterte (Hulyo 2016-unang hati ng 2021), umabot sa 1,035,353 indibidwal ang naidokumentong biktima sa iba’t ibang paglabag sa karapatang-tao. Kabilang sa mga ito ang mga ginawang sinkronisadong maramihang pagpaslang at/masaker sa mga aktibista tulad ng Bloody Sunday Massacre sa TK noong Marso 7, 2021 na pumaslang sa 9 na aktibista. Samantala, umabot naman sa 372, 629 ang apektado ng mga pambobomba at panganganyon ng militar kung saan kabilang ang mga probinsya ng Mindoro at Quezon sa TK.
Dapat magsama-sama sa iisang martsa ang lahat ng biktima ng mga gerang pinakawalan ni Duterte sa kanyang rehimen laban sa mamamayan (“kontra-droga”, kontra-Moro at “kontra-terorismo”) at iugnay sa nagpapatuloy na karahasang hatid ng gera kontra-mamamayan ng rehimeng Marcos II. Karugtong nito, dapat igiit ang pagpapatigil ng lahat ng kasalukuyang programa ni Marcos II na umaatake sa buhay, kabuhayan at karapatan ng mamamayan.
Dapat ring magmatyag at hindi pahintulutan ng bayan na iligtas ng pag-aresto kay Duterte ang anak na si Sara na humaharap sa kasong impeachment sa pagiging bise presidente. Tiyak na resulta nito’y magsisikap ang rehimeng US-Marcos II na pakalmahin ang sitwasyon para hindi lubusang mag-alburoto ang maka-Duterte, laluna sa hanay ng AFP-PNP. Pangita ang nakapagngangalit na hakbangin ng rehimen na palakihin nang 130% ang allowance ng mga sundalo ng AFP sa gitna ng matinding krisis sa kabuhayan ng mamamayan.
Ang walang pagsidlan na pagkamuhi kay Duterte ng taumbayan ay makatwiran at tiyak na nagpapayanig sa tuhod ng iba pang tulad niyang mamamatay-tao at pasista, kabilang na si Marcos Jr. Kinakailangang giyahan ang napopoot na masa upang magsilbi ang kanilang pagdedemanda ng hustisya sa pakikibaka para sa kanilang buhay, karapatan at kabuhayan at paggapi sa pasismo ng estado. Mahigpit nitong kakawing ang mas malaking laban sa imperyalismo at pyudalismo para ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema at kamtin ang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.