Pahayag

Tuluy-tuloy ang ligalig sa loob ng AFP-PNP sa gitna ng bangayang Duterte-Marcos

Dapat punitin ang ilusyong ipinalalaganap sa mga balita at sa social media na istable at nagkakaisa ang Armed Forces of the Philippines sa harap ng umiinit na tunggalian ng mga pamilyang Marcos at Duterte. Ito ay kasinungalingang gustong isubo ng mga heneral ng AFP-PNP at ng mismong GRP sa mamamayan upang pagtakpan ang mga sumisingaw na bitak sa hanay ng mga opisyal sa loob ng reaksyunaryong sandatahan. Ang totoo, nagkakagulo ang AFP-PNP dahil sa loob nito’y matatagpuan ang nagtutunggaling interes ng mga Marcos at Duterte. Pinag-aagawan ng dinastiyang pulitikal na mga Marcos at Duterte ang AFP-PNP upang itaguyod ang kani-kanyang pasistang paghahari at durugin ang kalaban sa pulitika. 

Bagamat nagkakaisa ang AFP-PNP sa imbing layunin ng panunupil sa bayan, nagkakawatak-watak rin ito sa bawat pagsikdo ng kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Mga yugtong nagiging lantaran ang tunggalian ng mga lokal na naghaharing uri, nahahamon ang dominasyon ng US sa bansa at lumalakas ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Nangyari ito noong diktadura ni Marcos Sr. at pati noong panahon ni Corazon Aquino. Sa panahon ni Gloria Arroyo, naganap din ang isang mutiny sa gitna ng inirereklamong pangungurakot sa badyet ng mga pasilidad militar at pagkukuripot sa sweldo ng mga sundalo.

Ngayong tumutungo sa mas mataas na antas ng hidwaan ang mga pamilyang Marcos at Duterte, muling lumilitaw ang mga paksyon sa loob ng AFP-PNP at naliligalig ang mga heneral. Pangita sa mga pahayag ng AFP-PNP at sa mga hakbangin nito, tulad ng pagsa-shutdown sa page nito sa social media, na nayayanig ang pasistang institusyon ng kasalukuyang kumukulong pampulitikang sitwasyon. Matapos ang mga imbestigasyon ng Quad Comm kay Sara Duterte at sa kanyang istap na lumundo sa bantang pagpatay ni Sara kay Bongbong Marcos, kapuna-puna ang pagsumamo ni Rodrigo Duterte sa AFP-PNP na “ipagtanggol ang Konstitusyon”. Kakatwang nalagay sa depensibong posisyon ang AFP-PNP na mahihinuha sa pagdedeklara ng hepe na si Romeo Brawner na “hindi apektado” ang mga sundalo ng awayang Sara at Bongbong. Kasunod nito, naglabasan sa social media ang pananawagan ng mga sundalo sa kanilang kapwa unipormadong tauhan na “huwag sumali” at “maging propesyunal”.

Kung maaalala, nagkaroon din ng ligalig sa hanay ng militar noong 2023, sa unang taon pa lang ng panunungkulan ni Marcos Jr. Malaking kontrobersya ang balyahan ng mga opisyal ng AFP-PNP para sa posisyon at pagi-etsapwera ni Marcos Jr sa ilang heneral. Ang linya rin ng “propesyunalismo” ang ginamit ng dating hepe na si Andres Centino upang palabasin sa publiko na buung-buo ang suporta ng AFP sa bagong upong pangulo na si Marcos Jr.

Hindi maitatago ng mga bulaang pahayag ni Brawner ang katotohanang may dibisyon ng mga pwersa sa AFP-PNP. Mayroon pa ring nakakabig na mga sundalo’t opisyal si Duterte at malamang na hindi natutuwa ang mga ito sa panggigipit ni Marcos Jr. kay Sara at sa matandang Duterte. Ang pagkokonsolida ng hanay na ito sa loob ng AFP-PNP at posibilidad na magkudeta ang kinatatakutan ni Marcos Jr. Maingat na maingat siya sa pakikitungo sa militar at praning sa presensya ng kanyang kalaban. Mula sa pagiging lakwatsero, nagkansela si Bongbong ng ilang biyahe at nagpatupad ng nationwide checkpoint nitong linggo. Dinayo niya noong Nobyembre 29 ang mga sundalo ng SOLCOM, na nasa tarangkahan ng kapitolyo, at nakiusap sa mga tauhan na “huwag magpapalinlang” at manatiling “nakapokus sa trabaho”. 

Sa kabilang banda, ang pananatili ng impluwensya ng mga Duterte sa hanay ng mga militar ay resulta ng pambubusog, labis na pagpabor, impyunidad at pagkakanlong na ginawa ni Rodrigo sa AFP-PNP noong siya pa ang nakaupo sa poder. Halos doblehin ng matandang Duterte ang sweldo ng mga sundalo, habang tuluy-tuloy na pinondohan ang napakagastos na modernisasyon ng arsenal ng AFP-PNP. Napakaraming kontrata sa sandata at sasakyang pandigma ang inilusot ng rehimen, na tiyak na pinagpasasaan ng mga heneral. Gaya ng nalantad na “reward system” sa gera kontra-droga, tumiba ng milyun-milyong piso ang mga pasistang tropa mula sa pabuyang makukubra sa bawat papataying rebolusyonaryong pwersa o lider ng PKP-BHB-NDFP at sa kikbak na makukuha sa bawat taong papailalim sa pekeng pasuko o E-CLIP. Dagdag pa rito ang kikitain ng mga opisyal na nagsilbing protektor ng iligal na negosyong droga at iba pa ng pangkating Duterte. Gamit ang pondo ng bayan, binili ni Duterte ang katapatan ng mga pwersa ng AFP-PNP.

Bilang nag-aastang “godfather” ng mga sundalo’t pulis, si Rodrigo Duterte rin ang numero unong abogado at tagapagligtas ng mga tropa at opisyal ng AFP-PNP na sangkot sa mga karumaldumal na krimen tulad ng Bloody Sunday Massacre at iba pang mga kaso ng paglabag sa alituntunin ng digma. Labis-labis din ang kapangyarihang tinamasa ng mga heneral sa panahon ni Rodrigo. Pinakatampok ito sa panahon ng pandemya kung kailan itinayo ang isang mala-huntang militar na kumubabaw sa pamumuno maging sa mga sibilyang ahensya.

Hindi pa tapos, at maaari pa ngang lumala ang ligalig sa loob ng AFP-PNP lalo’t alam ng parehong kampo ng mga Marcos at Duterte na ang pagkuha sa suporta ng AFP-PNP ay susi sa pananatili sa estado poder. Kung tutuusin, bagamat nagkakaroon ng ilang gusot, tuluy-tuloy ang pagsisikap ni Marcos Jr. na makipagmabutihan sa militar upang matiyak na hindi siya matulad sa kanyang amang diktador na tinalikdan ng mga susing heneral ng AFP-PNP. Umaasa si Marcos na tutulungan siya ng US na kontrolin ang AFP-PNP kaya’t buong galak na ineengganyo ang panghihimasok ng imperyalistang bansa. Pinarami niya  nang pinarami ang tropang Amerikano at mga base militar ng US sa Pilipinas. Pabor ito sa US at sa inaambisyon nitong gera sa Asia. Samantala, patuloy na gagawa ng eksena ang mag-amang Duterte at magluluto ng kaguluhan upang maantala ang paghahatol sa kanilang dalawa at matakasan ang pananagutan sa kanilang walang habas na pandarambong sa kaban ng bayan at henosidyo sa mahihirap.

Ang mismong katangian ng AFP-PNP na mersenaryo, tuta at kriminal ang batayan kaya hindi ito kailanman magiging tapat sa iisang dinastiya sa pulitika at hindi magiging isang solidong pwersa. Ngunit isa ring katotohanang hindi matatakasan na sa gitna ng matinding kabulukan ng AFP-PNP, maaaring umusbong ang progresibo at makabayang kaisipan, lalo sa hanay ng mga nakabababang ranggong opisyal at sundalo na saksi at biktima ng pasistang institusyon. Ang pagsibol ng mga naliliwanagang pwersa sa loob ng AFP-PNP ay tanda ng paglala ng krisis sa pulitika at pagkahinog ng rebolusyonaryong sitwasyon sa bansa.

Para sa mamamayan, walang mas mabuting paksyon sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na karapat-dapat manaig sa loob ng AFP-PNP. Parehong itim ang budhi ng mga Marcos at Duterte, at kapwa nila ginagamit ang AFP-PNP upang maghasik ng lagim sa bayan. Sa pamumuno ng mga Marcos at Duterte, binigyang laya ang AFP-PNP na isagawa ang mga pagpatay, pagdukot, at iba pang porma ng pang-aatake sa mamamayan, laluna sa mga nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa dikta at sa pamamagitan ng ayudang militar ng imperyalismong US, inarmasan at sinanay ng nagdaan at kasalukuyang rehimen ang AFP-PNP upang maging isang mabalasik at teroristang pwersa na walang sinasantong batas o kasunduan sa karapatang tao.

Alinmang demonyo ang manaig, nananatiling pangunahing tungkulin ng BHB na labanan ang AFP-PNP at durugin ang armadong gulugod ng estado upang matupad ang pambansa-demokratikong mithiin ng mamamayang Pilipino.

Kailangang matamang magbantay ang mamamayan at maging handa na tumugon sa mga posibleng pagpihit ng sitwasyong pampulitika at pangmilitar sa bansa sa susunod na mga panahon. Kabilang dito ang paglulunsad ng NPA ng mga aksyong militar upang samantalahin ang mga oportunidad sa paglakas na umuusbong sa gitna ng alitan ng mga naghaharing uri.

Tuluy-tuloy ang ligalig sa loob ng AFP-PNP sa gitna ng bangayang Duterte-Marcos