Tuluy-tuloy na palakasin ang mga pakikibakang bayan para patalsikin si Sara, papanagutin si Digong at singilin si Marcos!
Binabati ng NDFP-ST ang tuluy-tuloy na protestang bayan sa rehiyon at buong bansa upang ipanawagan ang pagpapatalsik kay Sara Duterte sa pagka-bise presidente. Libu-libong delegasyon ang nagtipon upang ipanawagan ang pagpapatalsik kay Sara, pagpapanagot kay Rodrigo Duterte at pagsingil kay Marcos sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagresulta ito sa pagkakamit ng 215 boto sa Kamara pabor sa pagpapa-impeach kay Sara noong Pebrero 5. Sa harap ito ng pag-urong ni Marcos Jr na patalsikin si Sara dahil “magdudulot ito ng krisis sa pulitika” at “hindi ito ang pangunahing usaping kinakaharap ng bayan”.
Marapat ipabatid na ang desisyon ng Kamara ay resulta ng sunud-sunod na protestang bayan para patalsikin si Sara dahil sa kapabayaan at pangungurakot niya ng pondo noong nangangalihim pa ng Department of Education. Tampok sa kaso ang paggastos niya ng ₱11.4 milyong confidential and intelligence fund (CIF) kada araw sa loob lamang ng 11 araw. Matatandaang nakakuha ng 4 na impeachment complaint laban kay Sara mula sa mga taong simbahan, progresibong grupo, mga kritiko at oposisyon at makabayan at naliliwanagang lingkod bayan. Tagumpay itong nakamit sa gitna ng kaliwa’t kanang pagmamaliit ng naghaharing uri sa kilusang masa at tigas-mukhang pagmamayabang ng mga Duterte sa kanilang kapangyarihan.
Pinatutunayan ng pagboto ng Kamara pabor sa impeachment ni Sara na hindi na magawang pagtakpan pa ng naghaharing estado ang disgusto ng bayan sa bise presidente. Sa kasagsagan ng kampanya para patalsikin si Sara noong Disyembre 2024, lumabas sa konserbatibong sarbey na 47% ng taumbayan ay pumapabor sa pagpapatalsik kay Sara, 35% ang di pabor at 15% ang hindi pa makapagpasya. Hindi naloko ang taumbayan sa pakitang-taong peace rally ng Iglesia ni Cristo noong Enero na sinulsulan at pinondohan ng mga Duterte.
Ang pag-impeach ng Kamara kay Sara ay panibagong yugto ng lumalalang tunggalian sa kapangyarihan at kayamanan ng mga Marcos at Duterte. Iniangat na ang kasong impeachment sa Senado ngunit pinanindigan ni Senate President Escudero na simulan ang hearing sa Hunyo—sa panahong naganap na ang 2025 midterm elections at naipwesto na ang mga bagong-halal na senador. Sinadya ito ng pangkating Marcos upang buhusan ng malamig na tubig ang gumugulong na kilusang masa at tiyaking masolo ng mga Marcos ang kapangyarihan sa poder matapos ang eleksyon. Umiiwas ang mga Marcos na paypayan ang kumukulo nang sitwasyong pampulitika sa takot nilang maging solong target matapos na maibagsak ang mga Duterte.
Habang nagagahaman sa pwesto, hindi maikakaila ang pagtitiyak ng konsolidasyon sa kapangyarihan ng mga Marcos na tuluy-tuloy na nagsasagawa ng “loyalty check” sa mga pulitiko at AFP-PNP. Tuluy-tuloy rin ang pangangayupapa ni Marcos Jr sa imperyalismong US para ganap na masolo ang kapangyarihan sa gitna ng labis na kahirapan ng bayan at nilulutong gera ng US laban sa China sa West Philippine Sea. Nakaririmarim ang patuloy na pagyukod ni Marcos sa US at sa bagong halal nitong presidente na si Donald Trump para makapagkapit-tuko sa poder.
Samantala, ang pagpapatalsik kay Sara ay hudyat lamang para tuluy-tuloy na isikad ang kampanya sa pagpapanagot kay Rodrigo at pagsingil kay Marcos Jr sa kanilang mga krimen sa bayan. Inspirasyon at panimula ang nakamit na tagumpay sa Kamara na patalsikin si Sara upang patuloy na usigin si Rodrigo sa mga krimen sa sangkatauhan sa International Criminal Court pati sa Pilipinas, at sa higit na malalaking kaso ng korapsyon at pagdambong sa pondo ng bayan. Higit na palawakin ang hanay upang makalampag ang Senado sa solidong lakas ng bayan na nananawagan ng pagpapatalsik at pagpapanagot kay Sara.
Hindi dapat maglubay ang sambayanan para pagbayarin si Rodrigo sa kanyang mga krimen sa bayan tampok ang kanyang madugong Oplan Tokhang at kontra-rebolusyonaryong gera na kumitil ng puu-puong libong buhay. Sa Timog Katagalugan, hindi nakakalimutan ng mamamayan ang Bloody Sunday Massacre na pumatay sa siyam na aktibista at nang-aresto ng pitong iba pa; pambobomba sa mga komunidad; at pinaigting na militarisasyon sa kanayunan at kabayanan na nagresulta sa libu-libong kaso ng paglabag sa karapatang tao.
Silbing panimula ang tagumpay ng impeachment ni Sara sa Kamara upang singilin at papanagutin si Marcos Jr. sa higit na mas malaking pandarambong sa pondo ng bayan kaysa sa mga Duterte. Kung si Sara ay gumastos ng ₱11.4 milyon, si Marcos Jr. ay gumastos ng ₱12.5 milyon sa kanyang CIF kada araw sa loob ng isang taon. Nakopo niya rin ang Maharlika Investment Fund at maanomalyang AKAP. Ipinabasura niya pa ang walong kaso ng ninakaw-na-yaman ng mga Marcos na nagkakahalagang higit ₱202 bilyon. Bilyones ang tinakbuhan ni Marcos na tax evasion case habang makapal ang mukha na nagpasa ng mga batas na magdadagdag ng buwis na papasanin ng taumbayan.
Marapat ipagpatuloy ang pakikibaka ng bayan upang ibayong buklurin at palaparin ang alyansa laban sa burukrata kapitalistang estado na pinamumunuan ni Marcos Jr. Kumukulo ang galit ng sambayanan sa garapalang pagnanakaw ng mga burukrata kapitalista at paghahasik ng pasismo at terorismo para lamang makapanatili sa kapangyarihan. Gamitin itong pagkakataon upang palakasin ang rebolusyonaryong kilusang lihim na magsisilbing gulugod ng matatag at malapad na nagkakaisang prente laban sa mga Marcos at Duterte.
Walang maliw na ipanawagan ang karaingan ng bayan sa gitna ng labis na kahirapan at papalapit na sarswela na midterm elections sa ilalim ni Marcos Jr. Yanigin ng dambuhalang lakas ng sambayanan ang estado poder at isulong ang pakikibaka para sa tunay na pambansang demokrasya.