Tutulan ang pagpapapasok ng malalaking komersyal na barkong pangisda sa munisipal na pangisdaan
Kaisa ng mamamayang Palaweño, naninindigan ang NDF-Palawan na anti-mamamayan at dapat labanan ang desisyon ng Korte Suprema na pahintulutan ang pagpasok ng mga komersyal na barkong pangisda (CFV) sa saklaw ng 15-kilometrong munisipal na pangisdaan. Nitong Disyembre 2024, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Malabon RTC sa petisyon ng Mercidar Fishing Corporation, isang malaking kumpanya sa pangisdaan.
Ang 15-km munisipal na pangisdaan ang tangi at limitadong bahagi ng karagatang ipinahihintulot para sa maliliit na mangingisdang di lalampas sa tatlong toneladang gross ang huli, sang-ayon sa 1998 Fisheries Code. Lampas dito ang mas malawak na karagatang malaya nang pangisdaan ng mga komersyal na barko. Sa desisyon ng Malabon RTC, pahihintulutan ang Mercidar at iba pang CFV na mangisda sa saklaw ng 15 kilometro subalit hindi sila maaaring mangisda sa mababaw (shallow) na bahagi o hanggang sa 12.8 metrong lalim. Kaya lamang, ayon sa pag-aaral ng mga marine scientist, 10% lamang ng munisipal na pangisdaan ang itinuturing na mababaw. Samakatuwid, halos buong papasukin ng mga CFV ang maliit na espasyong laan sa maliliit na mamalakaya. Malaking dagok ito sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda, na ayon sa konserbatibong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 31% ang nabubuhay sa karukhaan, mas mababa pa sa itinakdang antas ng kahirapan sa bansa.
Sa Palawan at sa buong bansa, kabilang sa pinakamahihirap na sektor ang mga mangingisda. Sa pagdagsa ng mga CFV na may mas matataas na kalidad ng gamit pangisda, ano’ng laban ng mga lambat at kawil, baklad, bangkang de-sagwan, de-layag at baruto o kaya’y mahihinang klaseng motor na gamit ng maliliit na mangingisda? Direktang apektado nito ang mahigit 74% ng mangingisdang Palaweño o 17,419 na munisipal na mangingisda sa 23,419 kabuuang bilang (hindi pa kasama ang di rehistrado na tala ng PSA nitong 2019). Sa ganito, aabot sa 80,705 sambahayan ang nanganganib na mawalan ng kabuhayan resulta nito, kung saan ang pinakamalaki ay sa Puerto Princesa City. Bukod sa mga ito, pinangangambahan din ng ilang grupong nangangalaga sa kalikasan ang pagkasirang idudulot nito sa karagatan ng bansa.
Bago pa ang desisyon ng Korte, lansakan nang nilalabag ng mga komersyal na barkong pangisda tulad ng Mercidar ang nilalaman ng Fisheries Code. Sa ulat ng Karagatan Patrol, mula 2018-2021, nanguna ang Palawan sa may pinakamaraming bilang ng namonitor na mga CFV na iligal na nag-oopereyt sa saklaw ng karagatan nito na nagtala ng 24,358. Nangunguna sa mga ito ang bayan ng Cuyo. Malaon nang reklamo ng mga mangingisdang Cuyonin ang panghihimasok ng mga CFV sa kanilang pangisdaan. Resulta ng pagdagsa ng mga iligal na CFV ang nakakaalarmang pagkaubos ng mga isda dahil sa labis na pangingisda (overfishing) ayon sa mga grupong nangangalaga sa karagatan.
Ayon mismo sa pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at ng United States Agency for International Development, tinatayang nasa 257,000-402,000 metriko toneladang huling isda ang nawawala sa mga munisipal na pangisdaan kada taon dahil sa iligal na pangingisda. Ibayong lalaki ang bilang na ito sa malayang pagpasok ng mga CFV sa mga munisipal na katubigan.
Malinaw ang pagkatig ng Korte Suprema sa interes ng malalaking negosyo sa pangisda sa kapinsalaan ng maliliit na mangingisda sa buong bansa. Walang pakundangan itong pagwawalang-bahala kahit sa konserbatibong ulat ng PSA na ang mga mangingisda ang pinakamahihirap na sektor sa bansa. Kung tutuusin, hindi na bago ang pagpabor ng rehimeng US-Marcos II sa mga dambuhalang kumpanya sa pangisda. Matatandaang si Francisco Tiu Laurel Jr. na kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture ang may-ari ng Frabelle Fishing Corporation. Ang Mercidar ay may bahaging pag-aari naman ng asawa ng dating hepe ng National Telecommunications Commission (NTC) at ngayo’y tagapangulo ng Commission on Audit na si Gamaliel Cordoba. Sa ilalim ng pamumuno niya sa NTC, hindi naglabas ng service identity numbers ang ahensya na kinakailangan para patakbuhin ang mga Vessel Monitoring System na isang sistema ng pagsugsog sa mga komersyal na barkong pumapasok sa municipal waters na ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Dahil dito, dumagsa ang iligal na pagpasok ng mga CFV sa saklaw ng municipal waters para sa mga mangingisda.
Positibo ang pagsisikap ng ilang naliliwanagang lingkod-bayan sa probinsya at iba pang grupong lumalaban at nagsusulong ng karapatan ng maliliit na mangingisda na batikusin ang desisyong ito ng Korte Suprema. Dapat pa itong ibayong palakasin at suportahan kasabay ng pagsusulong ng iba pang laban para itaguyod at palakasin ang sektor ng pangisdaan sa buong bansa at iangat ang kabuhayan ng lahat ng mangingisda. Maaaring gamiting gabay ang probisyon ng borador ng NDFP na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) hinggil sa munisipal na pangisdaan. Anito, sasaklawin ng repormang agraryo ang munisipal na katubigan kung saan ipagbabawal ang operasyon ng malalaking komersyal na pangisda (barkong nagkakarga ng 10 tonelada o higit pa) sa loob ng 15-kilometrong munisipal na pangisdaan.
Dapat singilin ang rehimeng US-Marcos II sa pagpapauna sa interes ng malalaking negosyo sa pangisdaan at tuluyang pag-abandona sa mga mangingisdang Pilipino at pamilyang umaasa sa kanila. Ang laban para sa karapatan at kalayaan ng mangingisda ay mahigpit na bahagi at kaugnay ng kabuuang laban ng sambayanang Pilipino para sa kabuhayan, karapatan, pambansang kalayaan at sosyalismo.