Pahayag

Tutulan at labanan ang gerang inilalako ng US

,

Walang pakundangan ang panginoon ng digmang si Donald Trump sa paglalako ng kanyang gera sa buong daigdig. Habang kumitil na ng libong buhay, nangwasak ng mga kabuhayan, at nagdudulot ng krisis pang-ekonomya ang pagsalakay nito sa Iran, heto at lantarang idinadamay ang bansang Pilipinas sa peligrong makadigmaan din nito ang China sa malaong hinaharap.

Mula noong Marso 23 ang PH-US Balikatan War Exercise ay narito sa Southern Luzon at tatagal hanggang Mayo 9. Lalahukan ito pangunahin ng mga pwersa ng AFP at sundalong Kano habang may iba ring mga kaalyado ng US na bansa kagaya ng Japan na kabilang sa maglulunsad ng ehersisyong pandigma at pagsubok sa mga modernong kagamitan sa gera. Sa ngayon, wala pang inilalahad ang AFP na bilang ng mga pwersang kalahok liban sa itinuturing ito ng papet na si Gen. Brawner na pinakamalaking Balikatan Exercise sa kasaysayan.

Inaasahang gagawin nila ang live firing kung saan gagamit ng mga tunay na bala, bomba at missile sa kanilang war games na umano’y mahalaga para sa inter-operability sa pagharap sa anumang banta ng pananakop sa Pilipinas na wala namang ibang tinutukoy kundi ang bansang China. Tulad ng karanasan ng mga Palaweño tuwing may Balikatan sa kanilang probinsya, tiyak na pagbabawalan nila ang mga magsasaka at mangingisda na lumapit sa paglulunsaran ng mga aktibidad at kung gayo’y makakaabala sa kabuhayan ng mamamayan. Dagdag pa ang pangambang dulot ng nakaambang gera sa mga Pilipino.

Malinaw na bahagi pa rin ito ng plano ng US para magtatag ng base o foothold sa Pilipinas para sa niluluto nitong gera sa Asia Pacific.

Ang ganitong mapang-upat, nakakasindak at mapanganib na war exercise ay isasagawa nila sa tabing ng “community-focused activities” para kumbinsihin ang taumbayan na makikinabang sila sa pagpapaganda ng imprastraktura, libreng serbisyong pangkalusugan at samu’t-saring aktibidad sa barangay na tinatawag na “community outreach programs civic action” o CIVAC.

Lumang katawagan na ang CIVAC na sa ilalim nito’y mga proyektong inasukalang bala para ipatanggap sa mamamayan ang presensya ng tropang Amerikano sa lugar bilang kuno’y “mababait at matulunging dayuhan”. 

Madaling maintindihan kumbakit isa sa pinili ngayon ang bayan ng San Narciso sa lalawigan ng Quezon. Malaki ang silbi ng mahabang baybayin ng San Narciso at buong Bondoc Peninsula na nakaharap sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ang San Narciso ay isang mahirap na bayang agrikultural kahit naturingang first class municipality. Kalakhan ng populasyong magsasaka ay nakaasa sa niyugan habang kontrolado ng iilang panginoong maylupa ang mga sakahan. Sa ganitong hikahos na kalagayan pagpapanggapan ng PH-US Balikatan War Exercise ang mamamayan para ibenta ang kanilang mapangwasak na digmaan. Maaari itong matulad sa Mavulis Island na bahagi ng Batanes, at 88 milya ang layo sa Taiwan. Ginawa itong forward operating base ng US habang tinayuan ng mga pakitang taong proyekto kagaya ng mga paaralan, disaster relief center at iba pang imprastraktura. O di kaya nama’y matulad sa Punta Baja, Rizal, Palawan na palagian nang ginagamit para sa mga kolonyal na pagsasanay matapos tayuan ng mga imprastruktura.

Hindi ito dapat tangkilikin ng mamamayan sa Southern Luzon laluna ng mamamayan ng Quezon, sa halip dapat itong kondenahin at salubungin ng mariing pagtutol at protesta.

Walang dapat kasabikan sa Abril 8-9 sa pagdating sa San Narciso ng tropang Amerikano na kalakaladkad ang aso nilang AFP. Hindi dapat mamangha sa parada ng sasakyan at barko-de-gera, liparan ng mga eroplano at drone, sa malapistang aktibidad na tinatawag nilang serbisyo dahil sa likod nito ay ang iisang salita — pasismo — karahasan sa mamamayan para makapaghari. Kitang-kita natin ang nagaganap sa gitnang silangan at tiyak na higit pang pinsala ang mangyayari kapag pumutok na ang gyera ng US laban sa China.

Sa okasyon ng ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, tungkulin nitong muling magparami at magpalakas upang ipamalas ang kakayahan nitong labanan ang pasistang AFP-PNP, maging ang armadong tropa ng imperyalismong US. Panata ng Pulang hukbo na patuloy na ipaglalaban ang tunay na pambansang kalayaan ng sambayanang Pilipino laban sa pagkakasaklot ng US.

Tutulan at labanan ang gerang inilalako ng US