Pahayag

Uhaw sa dugo na 74th IB: Sibilyan pinatay!

,

Mariing kinokondena ng Rodante Urtal Command ang 74th “Unbeatable” IB sa panibagong paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa bayan ng Palapag, Northern Samar.

Dinakip at pinatay ng nag-ooperasyong yunit ng 74th IB ang magsasakang si Ryan Arnesto kasama ang isa pang sibilyan sa isang koprasan sa Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar noong hapon ng July 8, 2024.

Sa natanggap na ulat ng RUC, nilapastangan ng berdugong pasista ang katawan ni Arnesto. Lamog ito sa bugbog at halos hindi na makilala dahil sa pamamaga at mga hiwa ng kutsilyo sa kanyang mukha, mga braso at binti. May tama din ito ng bala sa leeg, sa ilalim ng dibdib at sa tagilirang bahagi. Ayon sa nakasaksing mga magsasaka, iginapos pa si Arnesto sa puno ng niyog, tinalian ang ulo saka hinila-hila at pagkatapos ay niratrat ng bala ng pasistang militar. Kahit wala nang buhay, parang hayop na hinila hila ang bangkay ni Arnesto malapit sa Barangay Bagacay. Sa nakalap pang impormasyon mula sa masa, ang nagngangalang sundalong “Ringgo” at “Jojo” na kasapi ng intel unit ng 74th IB ang bumaril kay Arnesto.

Si Arnesto, ay isang sibilyang magsasaka na pilit na pinapasurender ng 74th IB at MTF ELCAC. Pumunta siya sa Barangay Osmeña kasama ang ilan pang kababaryo para humingi ng tulong sa mga opisyal ng Barangay at pamilya para mabawi ang kanyang asawang si Mylene Capoquian na ilegal na inaresto ng mga tropa ng 74th IB noong Mayo 2024. Si Arnesto din ay kapatid ng isang menor de edad na ilegal na inaresto sa koprasan noong June 2, 2024 ng tropa mula sa parehong unit. Hapon ng July 8, kasama ang isa pang sibilyan ay kumuha sila ng uling para sa kanilang konsumo kung saan sila dinakip ng militar.

Ikalawa si Arnesto sa mga naging biktima ng pagpatay ng 74th IB sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña. Noong ikalawang linggo ng Hulyo taong 2023 ay inistraping at pinatay din nila sa bukirin ng Pacu ng parehong sityo at Barangay ang magsasakang si Oscar Baluya. Ang pagpatay kay Baluya at Arnesto ay ilan lamang sa maraming tala ng paglapastangan sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa nasabing sityo at Barangay.

Titiyakin ng RUC ang pagbibigay ng hustisya para kay Ryan Arnesto at sa maraming paglabag sa karapatang pantao. Nanawagan din ang RUC sa mamamayan ng Palapag, taong-simbahan, mga tapat na opisyal ng bayan ng Palapag at mga independenteng organisasyon sa karapatang pantao na suriin ang kalagayan ng mamamayan sa Sityo, depensahan sila at tulungang makakuha ng hustisya mula sa pang aabuso ng pwersa ng AFP at rehimen US-Marcos.

Hustisya para kay Ryan Arnesto at sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa buong Northern Samar!

Uhaw sa dugo na 74th IB: Sibilyan pinatay!