Unahin ang mga batas na pakikinabangan ng taumbayan, hindi dagdag pabuya sa mga mersenaryo
May krisis sa pagkain, krisis sa trabaho, kaliwa’t kanang sakuna at iba’t iba pang pasaning araw-araw binabalikat ng taumbayan. Ngunit dahil walang ibang layunin ang reaksyunaryong estado kundi protektahan ang interes ng naghahari at supilin ang paglaban ng mamamayan dito, hindi nakapagtatakang inuuna ng mga burukrata ang mga panukalang batas na nakatutok sa pagpapahusay pang lalo sa paggana ng pasistang makinarya ng estado. Isinusulong ngayon sa Senado ang Senate Bill 1816 o ang Combat Incentives Act na magpapataas pang lalo sa natatanggap na benepisyo ng mersenaryong AFP-PNP.
Ipinapanukala ng naturang lehislasyon ang pagtataas ng combat duty pay (CDP) mula P3,000 tungong P5,000 at ang combat incentive pay (CIP) mula P300 tungong P1,000. Ang tinatawag na mga combat pay na ito ay ibinibigay sa mga elementong nasa field operations at nagsasagawa ng mga sakyada, operasyong militar at iba pang aksyon. Ito ay dagdag insentibo upang hikayatin pang lalo ang militar at pulis na magsagawa ng mga brutal at maduduong operasyon laban sa mamamayan.
Sa karanasan ng Bikol, mula nang pirmahan ni Duterte ang EO 201 noong 2016 na nagpataas din sa CDP, lalong dumalas ang mga armadong operasyon sa mga komunidad sa kanayunan na nagdulot ng ibayong pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Lumobo ang bilang ng mga pekeng engkwentro kung saan mayroong mga sibilyang pinapatay at minamasaker. Lalo ring dumami at dumalas ang mga sakyada na nakaantala sa paghahanapbuhay ng mga residente at ang kakambal na paglobo ng mga paglabag sa karapatang tao. Upang makakopo ng mas malaking insentibo, lalong naging garapal at brutal ang AFP-PNP sa kanilang mga pasistang aktibidad at atake laban sa malawak na sibilyang populasyon.
Ito ang mukha ng isang tunay na teroristang estado. Habang ginugupo ang bayan ng gutom at kahirapan, ginagantimpalaan at hinihikayat pa ang mga berdugong lalong magpakahusay sa pang-aatake sa taumbayan. Hinihikayat ng NDF-Bikol ang lahat na maging mapagmatyag sa kahihinatnan ng panukalang ito at mga kahalintulad na batas. Kasabay nito, marapat lamang na igiit sa mga nakaluklok ang pagprayoridad sa mga batas na tunay na pakikinabangan ng taumbayan.