Pahayag

Walang lugar ang berdugong si Cascolan sa sektor ng kalusugan

,

Isang malaking sampal para sa mga propesyunal at manggagawang pangkalusugan ang pagtatalaga sa isang heneral ng PNP na si Camilo Cascolan bilang isa sa pinakamatataas na upisyal ng Department of Health (DOH). Una sa lahat, walang anumang kwalipikasyon si Cascolan para sa naturang pusisyon. Wala siyang alam sa pagliligtas ng buhay at pagkalinga sa masa. Sa buong panahon ng kanyang karera bilang upisyal-pulis, sa iisang bagay lamang siya nagpakadalubhasa – sa mga paraan ng pagpatay at panunupil.

Isa si Cascolan sa mga bumuo ng konsepto ng Double Barrel Strategy. Ito ang naging pamantayan sa likod ng madugo at brutal na gera kontra-droga ni Duterte kung saan aabot sa 30,000 ang napaslang. Isa rin siya sa mga bumuo ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) na nagluwal ng mga kontrobersyal na operasyong pulis. Nag-iwan ang mga EMPO ni Cascolan ng mahabang listahan ng masaker at pamamaslang. Tulad ng nangyari sa Negros Oriental kung saan 27 katao ang pinaslang ng PNP kabilang ang isang bata sa Negros Oriental noong Disyembre 2018, Bloody Sunday sa Timog Katagalugan kung saan siyam na aktibista ang magkakasunod na pinaslang ng pulis sa kanilang operasyon noong 2021 at ang sunud-sunod na pamamaslang sa Bikol sa tabing ng nanlaban-patay ng mga berdugong pulis.

Sa ganitong sahol ng rekord, malinaw na walang aasahang sapat at angkop na programang pangkalusugan ang sambayanang Pilipino sa ilalim ni Marcos Jr. Ginagaya niya lamang ang estilo ng nauna sa kanyang tiranong si Duterte na tumiyak na namumutakti sa mga upisyal militar at pulis ang kanyang kabinete. Pabuya ito sa kanilang masugid na pagtupad sa doktrina ng karahasan at pagtitiyak na lahat ng ahensya ng gubyerno ay mapangingibabawan ng kapangyarihang militar at tutupad sa pasista at mapanupil na layunin.

Ngunit tulad din ni Duterte, tiyak na bibiguin ng sambayanang Pilipino ang anumang hakbang ng gubyernong supilin ang kanilang paglaban at ipagkait ang kanilang mga karapatan. Kaisa ng NDF-Bikol ang masang Bikolano at buong sambayanan sa pagkundena, paglalantad at patuloy na paglaban sa pasistang pamumuno ni Marcos Jr. Ilang utak ng pasismong tulad ni Cascolan man ang ilagay niya sa pwesto, magpapatuloy ang mamamayan sa ubos-kaya at lahatang-panig na pakikibaka sa lahat ng maaaring larangan.

Walang lugar ang berdugong si Cascolan sa sektor ng kalusugan