8 pagpaslang sa 7 araw
Sa loob ng isang linggo, walong aktibista at magsasaka ang pinatay ng mga armadong elemento ng estado. Iba’t ibang insidente rin ng pandarahas at pananakot ang naranasan ng mga sibilyan sa iba pang panig ng bansa.
Dalawang istap ng Karapatan-Sorsogon ang pinagbabaril at napatay noong Hunyo 14 ng umaga. Nakasakay sa isang traysikel sina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala, 69, nang paputukan sila ng dalawang armadong lalaki sa Phase 2, Seabreeze Homes Subdivision, Barangay Cabid-an, Sorsogon City.
Si Bagasala ay ilang dekada nang tagapagtanggol ng karapatang-tao. Humarap na siya sa walang-ampat na paninira at Red-tagging mula sa militar. Makailang-ulit na ring tiniktikan at ginipit sina Hubilla at Bagasala sa nagdaang mga buwan.
Kinabukasan, binaril at pinatay naman ang dating pinuno sa kampanya ng Bayan-Bikol na si Nephtali Morada sa Barangay San Isidro, Naga City.
Bago nito, magkasunod na pinatay noong Hunyo 9 at 10 ang mga magsasakang sina Arnie Espinilla sa Barangay Liong, at Sando Alcovindaz sa Barangay Buenavista, kapwa sa bayan ng San Fernando, Masbate. Pinatay sila ng grupo ni Sgt. Chalas, lider ng Peace and Development Team ng 2nd IB na sumasaklaw sa mga baryo ng Talisay, Altavista, Buenavista, Canelas, Del Rosario at Progreso. Pinagbibintangang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang dalawa.
Noong Hunyo 14 ng gabi, pinuntahan ng mga sundalo ang bahay ni Pizo Cabug sa Barangay Buenavista at siya ay pinagbabaril hanggang mapatay. Kasapi si Cabug ng Masbate People’s Organization.
Sa harap ng sunud-sunod na pamamaslang sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Bicol at ibang panig ng bansa, nagprotesta ang aabot sa anim na libo sa Naga City noong Hunyo 19. Tinawag itong “Kilos Bikolano laban sa Tiraniya.” Nagprotesta naman ang mga kasapi ng Karapatan sa harapan ng Department of National Defense sa Quezon City noong Hunyo 17.
Sa Bukidnon, binaril at napatay ng mga elemento ng estado si Nonoy Palma sa harapan ng kanyang bahay sa Sityo Malambago, Barangay Halapitan, San Fernando, noong Hunyo 16. Kasapi si Palma ng KASAMA, pamprubinsyang balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Nakilala ang isa sa tatlong bumaril sa kanya na kasapi ng paramilitar na Alamara.
Samantala, binaril at napatay si Felipe Dacaldacal, kasapi ng National Federation of Sugar Workers noong Hunyo 9 ng gabi sa Sityo Dita, Barangay Pinapugasan, Escalante City, Negros Occidental.
Pagpaslang sa nawalan na ng laban
Pinatay nang walang kalaban-laban ng 31st IB si Edwin “Ka Dupax” Dematera, kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon noong Hunyo 12. Binaril siya pagkatapos bugbugin sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Incarizan, Magallanes, Sorsogon. Nasa lugar si Dematera para pansamantalang magpagaling ng namamaga niyang paa.
Matapos barilin si Dematera, pinasok ng mga sundalo ang kanyang bahay at kinumpiska ang gamit ng mga bisita ng kanyang pamilya. Iligal din nilang inaresto si Jemuel Non Saturay at dinala sa Camp Escudero sa Sorsogon City. Pinagbintangan siyang kasapi ng BHB at pinalabas na mayroong baril na kalibre .38.
Pinamumunuan ni Lt. Col. Randy N. Espino ang 31st IB na nakabase sa Barangay Rangas, Juban, Sorsogon. Nadestino ang batalyong ito sa bahaging Camarines Norte noong dekada 1990. Inilipat sila sa Sorsogon noong 2011 at nakapakat sa prubinsya hanggang sa kasalukuyan.
Duguang rekord
Batay sa mga naitala ng Ang Bayan, simula 2014 ay may 18 biktima ng pagpaslang ang 31st IB. Kilala rin ang batalyon sa mga iligal na pag-aresto, pagnanakaw, at sapilitang pagpasok sa bahay ng mga sibilyan. Marami na ring naitalang kaso ng pagpatay sa mga hors de combat ang batalyon.
Isa sa pinakamasahol na kaso ang walang-awang pagpapaulan ng bala sa bahay ng pamilya Garduque noong Mayo 2014 sa Matnog, Sorsogon. Inakusahang mga kasapi ng BHB ang mag-asawang Elias at Cynthia.
Binaril at napatay si Elias samantalang sugatan ang kanyang asawa. Tinamaan din ang kanilang isang taong gulang na sanggol. Siyam na oras na pinabayaan ng mga sundalo ang sugatanag mag-ina at pinigilan ang mga taga-baryo na tumulong sa kanila.
Ang berdugong batalyon din ang pumatay kay Teodoro “Tay Tudoy” Escanilla, 63, tagapagsalita ng Karapatan-Sorsogon, noong Agosto 2015. Pinagbabaril siya sa kanyang bahay sa Barangay Tagdon, Barcelona sa Sorsogon.