Duterte, duwag sa China at US

Ganap na karuwagan sa China ang ipinamalas ni Rodrigo Duterte na maninindigan ayon sa soberanong interes ng Pilipinas kaugnay ng insidente sa Recto Bank noong Hunyo 9. Malawak ang panawagang papanagutin ang China sa pagbangga at pag-iwanng isang trawler (bangkang palakaya) nito sa mas maliit na bangkang pangisda na may lulang 22 Pilipino.
Sa halip, inulit lang ni Duterte ang palusot ng China na “simpleng aksidente sa dagat” lamang ang naganap. Tinabunan niya ang mas mabigat na katunayang isang bangka ng China ang nangingisda sa loob ng teritoryong dagat ng Pilipinas.
Ang insidente sa Recto Bank ay patunay ng tumitinding arogansya ng China sa mga paglabag nito at pagdambong ng teritoryong dagat ng Pilipinas. Ang ganitong kawalang-pananagutan ng China ay resulta ng pag-asal alipin ni Duterte sa China at ganap na kabiguang itaguyod ang soberanong mga karapatan at batas ng Pilipinas.
Duwag si Duterte dahil bayad siya ng China. Takot siyang mawala ang ipinangsuhol sa kanyang milyun-milyong dolyar at iba pang pabor na natatanggap niya at kanyang mga kasapakat kapalit ng mga pabigat at masamang pautang mula China.
Sa kabilang banda, walang-imik at maamo si Duterte sa harap ng ingay at banta ng interbensyong militar ng US. Sinamantala ng US ang insidente sa Recto Bank at nagdeklarang maaari umano nitong “i-aktiba” ang Mutual Defense Treaty. Kasunod nito’y inianunsyo ng US na paglalayagin nito sa South China Sea ang USS Stratton, isang Coast Guard cutter, para “protektahan” ang teritoryo ng Pilipinas. Pinatataas ng US ang banta ng armadong komprontasyon o gera sa China kung saan gamit ng US ang Pilipinas bilang lunsaran.
Maliban sa mga pasilidad-militar na itinayo ng US sa iba’t ibang dako ng Pilipinas, nagmamantine din ito ng presensya sa kanlurang bahagi ng karagatan ng Pilipinas. Layunin nitong magpakitang-gilas ng lakas-militar sa mga ruta ng kalakalan sa South China Sea.