SOT: Pagsasabatas ng kontraktwalisasyon
End ENDO mo mukha mo. Tila ito ang mensahe ng rehimeng US-Duterte sa mga manggagawa matapos iratsada ng Kongreso ang pagpasa sa Security of Tenure (katiyakan sa trabaho o SOT) Bill bago magsara ang ika-17 Kongreso.
Simula pa lamang ng termino ni Duterte, bukambibig na niya ang pangakong ibabasura ang kontraktwalisasyon. Noong 2017 at 2018, tinangka niyang paamuhin ang mga manggagawa sa pamamagitan ng paglalabas ng mga kautusan na kunwa’y nagtutulak ng regularisasyon ng mga manggagawa pero sa aktwal ay lalupang nagpapatibay sa mga iskema ng kontraktwalisasyon. Kabilang dito ang Department of Labor and Employment Order 174 noong 2017 at Executive Order 51 noong 2018 na parehong ibinasura ng mga grupo sa paggawa.
Tanda ng kawalang-saysay ng dalawang kautusan, ipinasa ni Duterte ang pananagutan para wakasan ang kontraktwalisasyon sa Kongreso.
Kawalang katiyakan
Kabaliktaran sa pangalan nito, ang pinal na ipinasang panukalang SOT sa Kongreso ay walang layuning bigyan ng katiyakan sa trabaho ang mga manggagawa. Hindi pagtatapos ang pakay nito kundi ligalisasyon ng kontraktwalisasyon. Mas malala pa ito sa mga kautusan ng DOLE at kautusang ehekutibo ni Duterte dahil mas madaling bawiin ang mga kautusan kumpara sa isang naipasa nang batas.
Tulad ng naunang mga kautusan, pinahihintulutan ng SOT ang job outsourcing (o pagkuha ng mga manggagawa sa mga ahensya sa paggawa). Gaya ng ibang porma ng kontraktwalisasyon, inaabswelto nito ang mga kapitalista mula sa kanilang ligal na obligasyon sa mga manggagawa at ipinapasa ito sa mga kontraktor o mga ahensya. Pangunahing layunin nito na mapababa ang gastos ng mga kapitalista sa lakas-paggawa at ipagkait sa mga manggagawa ang kanilang mga karapatan sa trabaho.
Anito, ang mga trabahong hindi maaaring i-outsource ay yaon lamang may direktang may kaugnayan sa pangunahing negosyo ng kumpanya.
Halimbawa, sa malalaking mall, maaaring sabihin ng kapitalista na hindi nila direktang ineempleyo ang kanilang mga saleslady kung ikakatwiran nila na ang pangunahin nilang negosyo ay pagpapaupa ng komersyal na espasyo at hindi ang pagbebenta ng mga produkto. Dati nang ginagamit ng malalaking burgesyang kumprador ang dahilang ito para panatilihing kontraktwal ang kanilang mga manggagawa sa loob ng napakahabang panahon.
Wala ring pagkakaiba ang panukalang ito sa umiiral nang sistema, kung saan kunwa’y nagpapadala ang DOLE ng mga inspektor sa mga kumpanyang inirereklamong nagpapatupad ng kontraktwalisasyon. Sa halos lahat ng kasong isinailalim sa inspeksyon, laging kinakatigan ng DOLE ang mga kapitalista. Hindi katakatakang pumasa ang panukalang ito sa Kongreso at maluwag na tinanggap ng mga kapitalista.