Programa sa lupa ni Duterte: Rekonsentrasyon, hindi distribusyon
Malaking kalokohan ang kunwa’y pamamahagi ni Rodrigo Duterte ng mga pampublikong lupa sa mga magsasaka.
Sa likod nito, iniraratsada ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang reklasipikasyon at pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural. Kalokohan ang ipinagyayabang ni Duterte na “pamamahagi ng lupa” samantalang minamadali ng kanyang gubyerno ang rekonsentrasyon ng mga ito sa kamay ng malalaking panginoong maylupa at burgesyang kumprador.
Mula Abril hanggang Mayo nitong taon, sunud-sunod ang paglalabas ng DAR ng mga administratibong kautusan para padulasin ang reklasipikasyon ng lupang agrikultural at kumbersyon ng mga ito sa “residensyal, komersyal at industriyal na gamit.” Liban sa “pagpapasimple” ng mga proseso, nagbuo ang DAR ng espesyal na komite para sa pagpapabilis ng pagpapalit-gamit ng lupa at paggagawad ng mga eksempsyon o paglilibre sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Karugtong ang mga kautusang ito ng kautusang ehekutibo ni Duterte na naglalagay sa awtoridad ng presidente ang pag-apruba sa mga proyektong reklamasyon ng lupa sa mga baybayin ng malalaking syudad. Target ng kautusang ito ang pagpapabilis ng reklamasyon at pagkonsentra sa pangulo ng pakinabang mula sa pagtatayo ng mga komersyal na establisimento at paliparan sa mga lupang ito.
Pauna ang mga kautusang ito ng National Land Use Act, isang prayoridad na panukala ng rehimeng Duterte, na magbabago sa klasipikasyon ng lupa, partikular ang mga lupang agrikultural at kagubatan, alinsunod sa matagal nang giit ng mga real estate developer, malalaking kumpanyang agribisnes at iba pang malalaking kapitalista. Sa ilalim nito, malawakang aagawin ang mga lupang agrikultural mula sa mga magsasaka at katutubo para itayo ang mga kalsada, paliparan, subdibisyon, gusali, dam, plantang pang-enerhiya at iba pang malalaking imprastruktura sa ilalim ng kanyang programang Build, Build, Build. Sa kanyang pagmamadali, nais ni Duterte na pabilisin ang aplikasyon para sa kumbersyon ng lupa mula 26-36 buwan tungo sa 30 araw na lamang..
Ayon sa datos ng estado, mula 1988 hanggang 2016, umaabot na sa 98,000 ektarya (kasinlaki ng buong Metro Manila at Cebu) ng mga lupang agrikultural ang kinumbert para sa residensyal, komersyal at industriyal na gamit. Wala pa sa bilang na ito ang mga aplikasyong hindi pa naaprubahan, mga lupang nireklasipika ng mga lokal na gubyerno at yaong iligal na pinalitan ang gamit. Malaking bahagi nito ay nasa Luzon (80%), kalakhan sa mga rehiyon ng Calabarzon (Southern Tagalog) at Central Luzon.