3 maysakit na mandirigma sa NEMR, sadyang pinatay

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Tatlong maysakit na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northeastern Mindanao Region ang dinukot at sadyang pinatay ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Noong Marso 26, dinukot ang mag-asawang sina Dano at Rosalia Caindoy sa isang ospital sa Misamis Oriental habang nagpapagamot. Pinalabas silang napatay sa isang engkwentro sa pagitan ng AFP at BHB sa Barangay San Juan, Bayugan City, Agusan del Sur sa sunod na araw.

Noong Marso 29, dinukot naman ng AFP si Emanuel Llanos Anob, 67 at maysakit, sa haywey sa Butuan City. Galing din siya sa isang ospital. Naiulat pa ng kanyang mga kaanak ang kanyang pagkawala. Pinalalabas na napatay si Anob sa isang engkwentro sa San Miguel, Surigao del Sur sa sunod na araw. Basta na lamang inilagak ang kanyang bangkay sa isang funeral home sa Bayugan City.

Naitala rin ang kaso ng paglabag sa internasyunal na makataong batas sa paglapastangan ng mga sundalo ng 50th IB sa bangkay ni Onal Osia Balaoing (Ka Puk-et), isang Pulang mandirigma, na napatay sa isang engkwentro sa Balbalan noong Marso 9. Paulit-ulit nilang pinagbabaril ang kanyang bangkay hanggang sa lumuwa ang mga lamang loob. Maraming bahagi ng kamay at paa niya ay nabali.

Sa Sorsogon, ipinarada ng 9th ID bilang mga “surrenderee” sina Nestor Estillon at Edwin Jimenez noong Abril 3.

Si Estillon ay iligal na inaresto ng 22nd IB sa Barangay Fabrica, Barcelona habang si Jimenez, kilala bilang Ka Bro at kasapi ng hukbong bayan, ay dinakip ng 31st IB sa Barangay Lapinig, Gubat noong Marso 9 habang dumadalaw sa kanyang pamilya.

3 maysakit na mandirigma sa NEMR, sadyang pinatay