Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

 

Internasyunal na Araw ng walang Lupa. Nagtipon ang mga magsasaka sa harap ng upisina ng DAR sa Metro Manila bilang pakikiisa sa Pandaigdigang Araw ng Kawalan ng Lupa noong Marso 29. Sa buong mundo, tinatayang 800 milyong magsasaka ang walang sariling lupa dulot ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa at mga neoliberal na patakarang nagtulak ng pang-aagaw at pandarambong ng mga imperyalistang kumpanya sa kanilang mga sakahan, pangisdaan at lupang ninuno. Nagkaroon din ng mga pagkilos ang mga magsasaka ng Panay, Bicol at Lupang Ramos sa Cavite.

Ayuno ng mga detenido sa Negros. Nag-ayuno ang mga detenidong pulitikal sa Negros noong Marso 30 para gunitain ang ika-4 na taon ng “Oplan Sauron 2” at manawagan ng hustisya para sa mga biktima nito. Noong Marso 30, 2019, 14 magsasaka ang pinatay ng mga pulis at militar sa Canlaon, Manjuyod at Sta. Catalina sa Negros Oriental matapos malisyoso silang iugnay sa armadong kilusan.

Hinaing ng mga drayber ng dyip, tugunan. Sa Cebu, nagprotesta ang mga drayber ng Piston-Cebu noong Marso 31 para ipanawagan ang pagbaba ni LTFRB-7 Regional Director Eduardo Montealto dulot ng kanyang kawalang-aksyon sa usapin ng jeepney phaseout.
Ipagtanggol ang Norte. Nag-ikot sa mga ahensya ng estado sa Metro Manila ang mga katutubo at tagapagtanggol sa karapatang-tao mula sa Northern Luzon noong Marso 20-21. Iginiit nila ang pagbabasura sa gawa-gawang kaso laban sa pitong aktibista na tinaguriang NL7, pagtigil sa pambobomba sa mga sibilyang komunidad at iba pang paglabag sa karapatan ng mamamayan sa Norte.

Kabataan kontra ROTC at taas-matrikula. Magkakasabay na nagprotesta ang mga grupo ng kabataan sa walong eskwelahan noong Marso 24 para tutulan ang itinutulak na mandatory ROTC ng rehimeng Marcos II. Ipinahayag din ng mga kabataan ang pagtutol sa napipintong pagtataas ng matrikula at ibang mga singilin sa mga pribadong unibersidad. Nakiisa sa pagkilos ang mga estudyante ng Far Eastern University, Univerity of Sto. Tomas, Ateneo de Manila University, University of the East, at iba pang unibersidad sa Metro Manila.

Pribatisasyon ng CENECO, tinututulan. Naprotesta ang mga empleyado at konsyumer ng Central Negros Energy Cooperative sa Bacolod City noong Abril 4 para tutulan ang pribatisasyon ng serbisyo sa kuryente. Anila, magdudulot ito ng pagtataas ng singil at pangit na serbisyo tulad nang nangyari sa Bacolod City Water District (BACIWA).

Mga protesta