Pandarambong ng mga mina at dayuhang plantasyon sa Surigao del Sur

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Walang silbi para sa masang magsasaka at Lumad ng Surigao del Sur ang malalaking makinarya at kagamitan sa agrikultura na “ibinigay” ng Department of Agriculture Caraga Region noong Marso 30. Para sa kanila, palamuti ang mga kagamitang ito. Tanong nila: saang sakahan gagamitin ang mga ito gayong binabakbak na ng malalaking plantasyon at operasyong mina ang mga lupang agrikultural sa prubinsya?

Ang Surigao del Sur ay mayroong kabuuang sukat na 523,050 na ektarya ng lupa kung saan nakalaan dapat sa agrikultura ang 214,032 ektarya nito. Pangunahing produkto ng prubinsya ang palay, mais, buko, saging, palay, abaka at iba pang tanim na pagkain tulad ng kamoteng kahoy. Subalit sa halip na paunlarin ang agrikultura, isinuko ang mga lupang pang-agrikultura sa operasyon at eksplorasyong pagmiminina at ekspansyon ng dayuhang mga plantasyon.

Noong Marso lamang, binili ng kumpanyang Surigao Greens Agri Corp, subsidyaryo ng A. Brown, ang 70,000 metro kwadradong lupa sa bayan ng Barobo para sa ekspansyon ng plantasyong oil palm nito. Kasama nitong binili ang isang oil palm milling plant sa naturang lugar. Ang A. Brown ay bantog sa pagpapalayas at pandarahas sa mga Lumad at magsasaka, kadalasang kasabwat ang Armed Forces of the Philippines (AFP), katulad ng ginawang pagpapalayas sa Opol, Misamis Oriental.

Sa buong CARAGA, rehiyong kinabibilangan ng Surigao del Sur, tinatayang nasa 25,827.93 ektarya ang sakop ng mga plantasyong ng oil palm. Kasalukuyang nagpoprodyus ang mga plantasyong ito ng 150,000 metriko toneladang krudong oil palm para pang-eksport. Nakatakdang palawakin ang plantasyon nito ng dagdag pang 50,000 ektarya hanggang 200,000 ektarya sa buong rehiyon ng Eastern Petroleum Group of Companies, isang kumpanyang Amerikano.

Liban dito, hawak din ng mga plantasyon ng saging ng kumpanyang Japanese na Sumifru ang mga lupang pang-agrikultura sa Tagbina at Barobo. Mayroon ding malawak na plantasyon ng saging sa Tago na pag-aari ng kumpanyang Falcon. Ang mga produktong ng mga plantasyong ito ay iniluluwas sa ibang bansa.

Pugad din ng mga kumpanya sa pagmimina ang prubinsya. Dahil hitik sa likas na mineral, laluna ang Andap Valley Complex na mayroong pinakamalaking reserba ng karbon sa buong mundo, pinaglalawayan ang yaman ng prubinsya ng mga burukrata at kasosyo nilang dayuhang kumpanya.

Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Clarence T Pimentel Mining Corporation, Vicente T Pimentel, Marc Venture Mining Corporation, Carascal Nickel Corporation at marami pang iba. Nariyan din ang Abacus Mining Corporation na planong saklawin ang mga bayan ng San Miguel, San Agustin, Marihatag, Cagwait, Tago at Lianga sa pagmimina ng karbon.

Katambal ng mga operasyong pagmimina ang malawakang militarisasyon laban sa mga magsasaka at Lumad na lumalaban. Sa Andap Valley nakatira ang mga Manobo at Mamanwa na nabubuhay sa yaman ng kagubatan para sa kanilang pagkain, gamot at pangunahing pangangailangan. Kasangkapan ang mga pwersang militar at paramilitar, pinalalayas sila sa kanilang lupang ninuno.

Nitong nagdaang limang taon, walang awat at sustenido ang mga nakapokus na operasyong militar, pambobomba at militarisasyon sa 309 mga barangay sa prubinsya. Nagdulot ang mga operasyong ito ng kahindik-hindik na mga krimen laban sa sangkatauhan, kabilang ang dalawang masaker sa Lianga noong 2015 at 2021. Naganap dito ang paulit-ulit at malawakang dislokasyon at pagbakwit ng mga Lumad dahil sa mga operasyong militar. Apektado hindi lamang ang kabuhayan at buhay ng mga residente, kundi pati ang kanilang mga eskwelahan na ipinasara ng militar sa panahon ng rehimeng Duterte.

Lampas isang dekada nang sinesentruhan ang prubinsya at buong rehiyong Caraga ng walang patid na militarisasyon sa ngalan ng mina at plantasyon. Noong 2008, inilagak dito ang tinaguriang Investment Defense Force (IDF), mga pwersang militar at paramilitar na ang misyon ay depensahan ang mga pag-aari, imprastraktura at mga proyekto ng mga mapandambong na kumpanyang mina at plantasyon.

Kinokombert din ang mga lupang agrikultural sa prubinsya ng programang Expanded National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources. Nililinlang ng DENR ang mga magsasaka para pumaloob sa naturang programa, talikuran ang kanilang tradisyunal na tanim na pagkain, at magtanim ng mga komersyal na binhi tulad ng falcatta, prutas at iba pa.

Pandarambong ng mga mina at dayuhang plantasyon sa Surigao del Sur