Mga pagkilos para sa dagdag-sahod, nagpapatuloy

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Habang papalapit ang Mayo Uno, paparaming mga sektor ang naglulunsad ng mga pagkilos para ipanawagan ang dagdag-sahod at seguridad sa trabaho, kasabay ng pagpapababa ng presyo ng mga bilihin. Ilan sa mga pagkilos ang sumusunod.

Inilunsad ng Kadamay ang taunang Kalbaryo ng Maralita, ang isang linggong pagkilos ng mga maralitang-lunsod na nakataon sa Semana Santa ng pananampalatayang Kristyano. Isang Misang Bayan ang ginanap noong Abril 2 sa Bustillos Church sa Sampaloc, Maynila. Dala ng mga maralita ang mga palaspas kung saan nakasulat ang mga panawagan para sa dagdag-sahod, seguridad sa trabaho at disenteng pabahay. Noong Lunes Santo, muli silang nagtipon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila para sa sahod at kabuhayan. Magtatapos ang mga aktibidad ng kalbaryo sa Pasyon ng Masa sa Abril 4.

Petisyon para sa dagdag-sahod sa Calabarzon. Nagsampa ng petisyon noong Marso 27 ang 12 sa paggawa sa ilalim ng Workers Initiative for Wage Increase (WIN4WIN) ng petisyon sa wage board ng Calabarzon (Region IV-A) para sa dagdag-sahod para makamit ang unipormadong ₱750 minimum na arawang sahod. Sa kasalukuyan, may apat na magkaibang minimun na sahod sa rehiyon.

Payday Protest. Tumungo sa pambansang upisina ng DOLE ang mga manggagawa mula sa Unity of Wage Increase Now sa araw ng sahuran (katapusan ng buwan) noong Marso 31 para kalampagin ang ahensya hinggil sa panawagan at petisyon na itaas ang sahod.

Kawaning kon-traktwal, gawing regular. Nagprotesta noong Marso 24 ang mga kawani ng gubyerno para ipanawagan ang pagbabasura sa Joint Circular No. 2 S. 2020 ng DBM at COA na nag-awtorisa sa mga ahensya ng gubyerno na kumuha ng mga manggagawa sa mga labor agency.

Sa kasalukuyan, mayroong 700,000 kontraktwal, kaswal at nakapailalim sa sistemang job order na mga empleyado ng gubyerno. Ipinanawagan din nila ang pagtataas ng sweldo ng lahat ng mga kawani tungong ₱33,000 kada buwan. Isinagawa ang protesta sa harap ng upisina ng DBM.

Mga pagkilos para sa dagdag-sahod, nagpapatuloy