3 kababaihan, minasaker ng 2nd IB sa Masbate

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Walang-pakundangan ang pasistang terorismo ng AFP sa Masbate matapos paslangin ang tatlong sibilyan, at tangkang paslangin ang tatlong iba pa noong Agosto. Bumibilang na sa 18 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

Pinalalabas ng mga sundalo na ang mga biktima ay mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napatay sa engkwentro.

Noong Agosto 19, sadyang pinatay ng mga sundalo ng 96th IB at mga pulis ng Masbate ang tatlong babae sa Barangay Jagnaan sa San Jacinto, isla ng Ticao. Ang mga biktima ay sina Jelyn Guis Dejomo, 56, Sheryl Salazar Dejomo, 29, at Divina Lubiano Ajitan, 60. Pinaslang sila matapos ang isang armadong sagupaan ng BHB at militar sa parehong lugar.

Malaon nang tinutugis ng militar at pulis ang tatlong sibilyang biktima na inaakusahang may kuneksyon sa rebolusyonaryong kilusan. Dati nang nakararanas ng panggigipit ang tatlo at ang isa ay dating dinakip ng pulis sa gawa-gawang kaso.

Ang masaker ay krimen sa digma at lubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas ng mga pwersa ng estado. Giit ng mga grupo sa karapatang-tao, dapat ginalang ang kanilang mga karapatan bilang mga sibilyan sa mga lugar na may umiiral na armadong tunggalian.

Samantala, tinangkang patayin ng mga pwersa ng 2nd IB ang tatlong indibidwal sa isang bahay sa Sityo Milagro, Barangay Guindawhan, Pio V. Corpus, Masbate noong Agosto 30. Naunang iniulat na napatay ang mga biktima sa walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo ngunit kalaunan ay nakumpirmang nakatakas mula sa brutal na krimen ng mga berdugo. Hindi pa nasapatan, pinasok ng mga berdugo ang naturang bahay at ninakawan ng bigas ang mga ito.

Pagpatay sa hors de combat. Dinukot at sadyang pinatay ng mga pwersa ng estado ang dalawang mandirigmang wala sa katayuang lumaban na sina Jenny Fariolan (Ka Hope) at John Eric Talibo (Ka Blue) noong Hulyo 29. Pinalalabas ng 61st IB na napatay ang dalawa sa isang sagupaan sa Barangay Tagsing, Leon, Iloilo. Walang engkwentrong nangyari at hindi armado ang dalawa nang hulihin at patayin.

Pagdukot. Dinukot ng pinaniniwalaang mga pwersa ng estado sina Jhed Tamano, 22, at Jonila Castro, 21, noong Setyembre 2 ng gabi. Ayon sa mga nakasaksi, sapilitan silang isinakay sa isang gray na sasakyan sa harap ng Orion Water District sa Barangay Lati, Orion, Bataan. Si Tamano ay koordineytor ng Community and Church Program for Manila Bay ng Ecumenical Bishops Forum habang si Castro ay isang boluntir para sa AKAP Ka Manila Bay. Pareho silang nagtapos sa Bulacan State University.

Pag-aresto. Dinukot at ikinulong ng mga pulis noong Agosto 24 sa San Juan, Batangas ang organisador ng mga magsasaka na si Ernesto Baez Jr at dalawa niyang kasama na sina Jose Escobio, at Junald Jabonero. Dinampot sila ng mga pulis habang bumabyahe sa Barangay Buhay na Sapa at pinalabas na nakuhaan ng mga baril, bala at magasin, at mga gamit pampasabog.

Nakalaya na noong Setyembre 3 sina Escobio at Jabonero matapos maglabas ng resolusyon ang prosekusyon na kailangan silang isailalim sa preliminary investigation. Samantala, si Baez Jr ay nangangailangan ng pyansa para makalaya sa kasong illegal possession of firearms.

Noong Agosto 4, arbitraryong inaresto ng mga sundalo ang magsasakang si Alex Betito ng Sityo Malapat, Barangay Baay sa Labo, Camarines Norte. Ilang oras siyang idinetine ng mga sundalo at ipinailalim sa tortyur. Bago nito, naiulat din na idinetine at ginutom ng mga sundalo ang 10 pang magsasaka sa parehong lugar.

Panggigipit. Sinampahan ng mga pulis ng Quezon City ng kasong paglabag sa Clean Air Act si Max Santiago ng Bagong Alyansang Makabayan at tatlong iba pang istap ng grupo. Lumabag umano sila sa naturang batas matapos sunugin ang effigy na kanilang ginawa sa isang protesta noong ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr.

Sinampahan din ng kasong paglabag sa Public Asssembly Act of 1985 ang 14 aktibistang mula sa Southern Tagalog na lumahok sa protesta kontra SONA.

3 kababaihan, minasaker ng 2nd IB sa Masbate