Saan napunta ang pondo sa programang pambarangay ng NTF-Elcac?

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Simula nang ipatupad ng National Task Force (NTF)-Elcac ang huwad na Support to Barangay Development Program (SBDP) noong 2021, naglaan ang gubyerno ng tumataginting na ₱28.4 bilyon para rito. Tulad ng kampanyang “surrender,” “balik-baril” at iba pang programa sa kontra-insurhensya, pinakikinabangan ito ng mga upisyal militar at burukrata para sa korapsyon sa porma ng mga kikbak mula sa mga proyektong imprastruktura sa liblib na mga sityo at barangay.

Sa tatlong taon, ipinagyabang ng NTF-Elcac ang paglalaan ng mga proyekto sa 3,187 barangay. Kabilang umano dito ang konstruksyon ng mga daanan, eskwelahan, patubig at sentrong pangkalusugan, at programang sanitasyon at reporestasyon.

Layunin diumano ng mga programang ito ang paunlarin ang buhay ng mamamayan upang hindi na nila piliin ang landas ng armadong paglaban. Ang totoo, wala ni isa sa mga ito ang tumutugon sa mga ugat ng malawakang kahirapan, gutom, pang-aapi at pagsasamantala.

Dagdag pa, ipinakikita ng mga proyektong ito ng NTF-Elcac na lalong nagiging militarisado ang paghahatid ng “serbisyo” at “kaunlaran” ng reaksyunaryong gubyerno laluna sa kanayunan

Mabagal na proyekto, mabilis na kikbak

Walang makabuluhang pagbabagong ihahatid, usad pagong pa ang kakarampot na mga proyekto ng SBDP. Ni isang ulat ay wala pang inilabas ang NTF-Elcac para sa istatus ng mga proyekto ng SBDP sa taong 2023.

Tumanggap ang SBDP ng ₱5.624 bilyon para sa 2022. Sa ulat mismo ng ahensya noong Agosto 29, 52% lamang sa 1,719 na binalak nitong proyekto ang nakumpleto noong 2022. Kalahati sa mga ito’y farm-to-market road na marami ay nagbubukas ng daan para sa mga plantasyon, minahan, ekoturismo at iba pang malalaking negosyo.

Noong 2021, 1% o 26 lamang sa 2,318 na mga proyektong SBDP ang nakumpleto, batay sa ulat sa senado noong Nobyembre 2021. Sa panahong iyon, higit 900 ang nasa yugtong pre-procurement (hindi pa nabibili ang mga materyales), 700 ang nasa yugto na ng pagbili, habang 560 ang nasa yugto ng implementasyon. Sa kasalukuyan, iniulat ng NTF-Elcac na nasa 87% na ng mga proyekto ang nakumpleto matapos ang higit dalawang taon.

Ang pagtatayo ng mga “imprastruktura” ang isa sa pinakalaganap na “proyekto” ng gubyerno na pinagkukunan ng kikbak ng mga burukrata sa gubyerno. Sinimulan ang SDBP upang magsilbing palabigasan ng mga heneral upang tiyakin ang kanilang katapatan sa naghaharing pangkatin.

Sa nagdaang tatlong taon, pinakanakinabang ang mga upisyal militar at kasosyong mga kontratista sa rehiyon ng Davao. Napunta sa rehiyon ang pinakamalaking pondo na ₱5.22 bilyon, kasunod ang Caraga (₱4.53 bilyon), Bicol (₱3.82 bilyon) at Northern Mindanao (₱3.21 bilyon). Sa mga prubinsya at syudad, pinakamalaki ang pondong tinanggap ng Bukdinon na ₱1.77 bilyon, kasunod ang Davao de Oro (₱1.75 bilyon), Davao City (₱1.66 bilyon), Agusan del Sur (₱1.38 bilyon), Sorsogon (₱1.3 bilyon) at Iloilo (₱1.19 bilyon).

SBDP sa Cagayan Valley

Sa mga rehiyon, ikatlo sa pinakamaliit ang tinanggap ng Cagayan Valley. Umabot lamang sa ₱560.3 milyon ang inilaang pondo ng SBDP para sa 5th ID sa panahong 2021-2023. Pinakamalaking bahagi ang napunta sa prubinsya ng Cagayan—₱304.3 milyon para sa 41 barangay. Nagsimula lamang ang pagpopondo sa Isabela, Qurino at Nueva Vizcaya noong 2022.

Sa 105 barangay sa rehiyon na kabilang sa programa, 20 barangay lamang ang may umuusad nang mga proyekto. Isa dito ang napakamahal na solar dryer (bilaran ng palay) at farm shed sa Barangay Anurturu sa bayan ng Rizal, Cagayan at mga barangay ng Apayao at Villa Reyno sa bayan ng Piat. Samantala, walang bago, bagkus ay pawang rehabilitasyon at upgrading lang ang kalakhan sa sinasabing mga proyektong farm-to-market road sa kanayunan. Kabilang dito ang hindi pa rin natatapos na ₱15 milyong kalsada sa Barangay Minanga, Rizal na pinasinayaan noon pang Abril 2021.

Ipinangangalandakan ng AFP na ang mga barangay na kasali sa SBDP ay “nalinis na” sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program (RCSP). Pero sa 41 inendorsong barangay sa Cagayan, 37 lamang ang sinaklaw ng mga RCSP. Nangangahulugang arbitraryo, kasinungalingan at hungkag ang pagpili sa mga binigyan nito ng pondo. Napaburan ang mga bayan na hawak ng mga despotikong panginoong maylupa at sagadsaring kontra-rebolusyonaryong burukrata at dinastiya (Piat, Santo Niño, Tuao, Rizal) at sa malalapit sa hedkwarters ng militar at pulis (Barangay Bangag sa Lallo, Barangay Casambalangan sa Santa Ana, Barangay Virgina at Balanni sa Santo Nino, at Barangay Santo Domingo sa Piat). Nakuha naman ng pinuno ng RTF-Elcac ang kanyang pabuya sa pagiging sunud-sunuran at tuta ng 5th ID nang binigyan ang balwarte niya, ang bayan ng Tuao sa Cagayan, ng ₱26.4 milyon.

Pondo para sa 2024

Sa panukalang pambansang badyet para sa 2024, naglalaan ang rehimeng US-Marcos ng ₱10.34 bilyon para sa NTF-Elcac. Kabilang dito ang ₱8.64 bilyon para sa SBDP na ilalaan umano sa hindi pa pinangalanang 864 na barangay. Kinwestyon ng mga progresibong grupo at mambabatas ng blokeng Makabayan ang maanomalyang badyet ng NTF-Elcac. Isinulong din nila ang pagtutuos sa pondo ng NTF-Elcac para busisiin kung saan ginagastos ang bilyun-bilyong pondo ng bayan.

Saan napunta ang pondo sa programang pambarangay ng NTF-Elcac?