Pandaigdigang Araw ng mga Desaparesido, ginunita

,

Sama-samang ginunita noong Agosto 30 ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ang Pandaigdigang Araw ng mga Desaparesido. Iginiit nila ang kagyat na paglilitaw at pagbibibigay ng hustisya sa kanilang mga mahal sa buhay at kaibigan na dinukot at winala ng mga ahente ng estado.

Sa Manila, nagpiket ang mga grupo sa karapatang-tao sa pangunguna ng grupong Desaparecidos sa Court of Appeals para suportahan ang petisyon ng mga kaanak nina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus na nagsamapa ng Petition for Writ of Habeas Corpus sa nasabing korte, noon pang Hulyo 5.

Sa tala ng Karapatan, higit 1,000 indibidwal ang sapilitang iwinala sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr habang nakapagtala ng 821 biktima sa ilalim ng rehimeng Cory Aquino, 26 sa panahon ng rehimeng Estrada, 206 sa ilalim ng rehimeng Arroyo, siyam sa panahon ng rehimeng Aquino II, 20 sa panahon ni Rodrigo Duterte at sampu na sa unang 14 buwan ng kasalukuyang rehimeng Marcos Jr.

Samantala, nagtirik ng kandila ang mga grupo sa karapatang-tao sa dambana ni Fr. Rudy Romano sa Redemptorist Church sa Cebu City. Si Fr. Romano ay dinukot ng pinaniniwalaang mga armadong ahente ng diktadurang Marcos noong Hulyo 11, 1985, at hindi na nakita mula noon.

Pandaigdigang Araw ng mga Desaparesido, ginunita