Mga anomalya sa eleksyong 2022, pinaiimbestigahan

,

Naghain ng isang resolusyon ang mga makabayang kongresista noong Agosto 31 para itulak ang Kongreso na imbestigahan ang mga anomalya sa kondukta ng eleksyong 2022 na makapagpapaliwanag kung paano isinagawa ang malawakang elektronikong dayaan na nagluklok sa tambalang Marcos-Duterte sa poder. Pinabubulaanan ng mga anomalyang ito ang sinasabi ng Commission on Elections (Comelec) na walang nangyaring dayaan sa nagdaang eleksyon.

Nasa sentro ng anomalyang ito ang mga election return (ER) o talaan ng mga boto na pumasok sa transparency server (kompyuter) ng Comelec sa pagitan ng alas-7 at alas-8 ng gabi noong Mayo 9, 2022. Sa loob lamang ng oras na ito, lumamang ang boto ng tambalang Marcos-Duterte at naging tiyak na ang kanilang panalo. Ang iregularidad na ito ay unang kinwestyon ng grupong pinangungunahan ng dating kalihim ng Department of Information and Communication Technology na si Eliseo Rio.

Halos isang taon matapos ang eleksyon, natuklasan na ang mga botong ito ay dumaan lahat sa iisang internet protocol (IP) address na 192.168.0.2. Ayon sa pag-aaral ng grupo ni Rio, 98.8% ng mga boto mula sa Metro Manila, 95.5% mula sa Cavite, 81% ng Batangas at ilan pang prubinsya ang dumaan sa solong IP address na ito. Ang mga botong ito ay mula sa 20,300 vote-counting machine (VCM). Ang impormasyong ito ay hango mismo sa mga raw file o datos na isinapubliko ng Comelec noong Pebrero.

Ani Rio, imposible at iligal na magkaroon ng iisang IP address ang napakaraming VCM. Alinsunod sa inilatag na proseso ng Smartmatic, may ekslusibong IP address ang bawat isang VCM. Wala rin sa napagkasunduang proseso ang pag-embudo ng mga ER sa iisang makina bago ito tanggapin ng transparency server ng Comelec.

Kumbinsido sina Rio na nanggaling sa sikretong makina ang mga ER na dumaan sa IP address na 192.168.0.2. Ang makina na ito ay kontrolado ng Comelec sa pakikipagsabwatan ng Smartmatic at pinakamalamang na nakapwesto malapit sa transparency server, ayon kina Rio.

Dagdag na anomalya ang napansin na mas maaga ang oras na natanggap ng transparency server ang ilang ER kaysa oras na iniluwal ito ng mga VCM sa mga presinto.

Mga anomalya sa eleksyong 2022, pinaiimbestigahan