Tiempo muerto sa gitna ng implasyon at pagbabago sa klima
Taun-taon, dumaranas ang mga manggagawang-bukid sa tubuhan ng tiempo muerto, “patay na panahon,” sa Kastila, na tumutukoy sa mga buwan sa pagitan ng siklo ng pagtatanim ng tubo. Madalas na nagtatagal ito mula Hunyo hanggang Setyembre kung saan walang trabaho sa mga “kampo.” Sa Negros, tinawag itong “tigkiriwi” o panahon ng paghihirap ng higit 300,000 manggagawang bukid at kanilang mga pamilya. Ngayong taon, higit ang kanilang pagdurusa sa gitna ng abot-langit na presyo ng mga bilihin, mga sakunang tulak ng pagbabago sa klima at matinding militarisasyon.
Isa rito ang pamilya ng 35-anyos na si Derek, may asawa at tatlong maliit na anak. Kumikita siya at kanyang asawa ng ₱400 sa pagtatrabaho ng walong oras sa isang araw sa iba’t ibang sakahan. Sa kabila ng buong araw na pagbabanat ng buto, kulang na kulang ang kanilang kita para sa bigas, ulam, gatas at iba pang pangangailangan ng kanilang mga anak. Para makaagapay, “sumasaydlayn” silang mag-asawa sa pagkokopras. Tulad ng ibang manggagawang-bukid, baon sila sa utang sa tangkang makaagapay sa pinakabatayang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Mas malala ngayong taon, lalo’t mas mahal ang mga bilihin,” ayon kay Derek. “Imbes na tatlong beses kumain, dalawang beses na lang minsan.” Pinakaapektado dito ang paglaki ng mga bata. Sa datos ng estado, nasa 40% ng mga batang 5-anyos pababa sa Negros Oriental ay “stunted” o bansot. Ang pagkabansot ay salamin ng matinding malnutrisyon.
Walang pagbabago sa paghihirap, ayon naman kay Aling Mali. Kung may trabaho man, aabot lang ng ₱150 ang kanyang arawang kita. “Ang kita namin ganun pa rin pero ang gatusin pataas nang pataas. Wala kaming magawa kundi umutang nang umutang,” Mas madalas, napupunta sa pagbabayad ng utang ang kakarampot nilang kita.
Di kataka-taka lalo’t isa ang Negros sa may pinakamataas na implasyon sa buong bansa. Noong Agosto, nagtala ang Negros Occidental ng 6.1% at ang Negros Oriental ng 4.1% tantos sa implasyon. Tuluy-tuloy ang pagsirit ng presyo ng pagkain at mga inumin.
Hindi na nga makaagapay, binayo pa ang mga sakahan ng walang humpay na pag-ulan dulot ng sunud-sunod na bagyo at hanging habagat.
Taliwas sa sinasabing banta ng El Niño o tagtuyot, pinansin ni Derek na “mas grabe pa nga ang palagiang pag-ulan na nakaapekto sa tanim na mais at tubo na nagsidapa na dahil sa sunud-sunod na bagyo.” Noong katapusan ng Hulyo, hinambalos ang isla ng bagyong Egay na nagdulot ng ₱46.7 milyong pinsala sa pananim, pangisdaan at alagang hayop sa Negros Occidental pa lamang. Sa katapusan naman ng Agosto, tumama ang bagyong Goring na nagdulot ng ₱125.59 milyong pinsala sa prubinsya.
Kung tutuusin, buong taon dumaranas ng gutom ang mga manggagawang-bukid sa Negros dahil sa tinatanggap nilang mala-aliping sahod. Ayon sa National Federation of Sugar Workers, madalas na nasa ₱1,500 kada linggo o ₱300 kada araw ang ipinasasahod sa mga manggagawang-bukid, mas mababa sa arawang minimum na itinakda sa batas at malayong-malayo sa nakabubuhay na sahod. Mas mababa pa ang sinasahod sa ilalim ng sistemang pakyawan, kung saan ₱4,000-₱5,000 lamang ang bayad ng mga asendero sa 4-8 katao (₱625 kada isa) para sa trabahong umaabot ng 5-6 araw.
Sa nakaraang mga taon, aktibong iginigiit ng mga manggagawang-bukid sa isla ang pagbibigay ng estado ng tulong sa pinansya sa panahon ng tiempo muerto, pati na rin sa panahon ng mga sakuna. Kasabay nito, ipinaglalaban nila ang ₱150 kada araw na pagtaas sa sahod at 50% pagtaas sa bayad sa sistemang pakyawan. Suportado nila ang panawagan para sa ₱750 across the board na pagtaas ng sahod sa pambansang saklaw.
Ayon sa mga magbubukid, tanging ang pagbubuwag sa mga asyenda at pagtatapos sa pagkamal ng iilang panginoong maylupa ng milyun-milyong kita mula sa pawis ng mga manggagawang-bukid ang magwawakas sa taunang tiempo muerto. Sa pamamagitan ng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal nito at pagbibigay-daan sa produksyon ng pagkain, matitiyak ang seguridad sa pagkain ng daan-daanlibong pamilya.
“Lagi’t laging magiging panahon ng taggutom at kamatayan para sa manggagawa sa tubo ang tiempo muerto kung hindi tutugunan ang pundamental na problema sa kawalan ng lupa ng bansa,” anila.