Mga protestang suporta sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, inilunsad
Inilunsad noong Agosto 26 sa Europe, Canada at US ang mga pagkilos at aktibidad bilang suporta sa kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas. Pinamunuan ang Global Day of Action ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), internasyunal na grupo ng mga banyagang sumusuporta sa pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas.
Nagkaroon ng mga pagkilos sa Utrecht, The Netherlands, Vancouver at Toronto sa Canada, pitong syudad sa Germany kabilang ang Memmingen, Leipzig, Regensburg, Rostock at Ulm, Basel sa Switzerland, Madrid at Valencia sa Spain, at Oregon at Washington sa US.
Sa pagkilos sa The Netherlands, ipinagtanggol ng Revolutionaire Eenheid, isa sa mga organisasyong kasapi ng FFPS na nakabase sa bansa, ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas laban sa pagbabansag dito ng reaksyunaryong estado ng Pilipinas at US bilang “terorista.” Anito, hindi terorismo ang pagpili ng mamamayang Pilipino na labanan ang pambansang pang-aapi at dayuhang imperyalistang paghahari.
Binigyan-diin ng FFPS ang kakagyatan na suportahan ng nakikibakang mamamayan sa buong mundo ang rebolusyong Pilipino sa lahat ng porma nito, at laluna ang armadong pakikibaka.
Ang ibang mga grupo ay nagsagawa ng raling iglap, porum, pamamahagi ng polyeto at kampanyang impormasyon, paglaladlad ng balatengga, pagpapaskil ng poster, at mga pagtitipon para itampok ang kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas.
Ang pagkilos ng FFPS noong Agosto 26 ay itinaon sa paggunita sa Sigaw ng Pugad Lawin, ang hudyat ng pagsisimula ng Rebolusyong Pilipino laban sa pananakop ng Spain sa bansa noong 1896.