Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

 

CBA sa Paperland. Nakamit ng unyon sa Paperland Inc., isang pabrika ng papel sa Quezon City, ang katanggap-tanggap na CBA noong Agosto 31. Kabilang sa mga naigiit ng mga manggagawa ang dagdag na sahod, bayad na leave, union leave, tulong sa pagpapaospital, tulong sa namatayan, signing bonus at Labor Day assistance. Para makamit ito, isinagawa ng mga manggagawa ang sama-samang mga pagkilos tulad ng ribbon-wearing at paglulunsad ng piket.

Piket ng mga manggagawa sa Mandaue. Nagpiket sa harap ng Cebu Easy General Services Corporation, isang manpower agency, sa Mandaue City ang mga manggagawa noong Agosto 22 para igiit ang kanilang karapatan sa trabaho. Arbitraryo silang tinanggal sa Liwayway Marketing Corporation (LMC), nagmamanupaktura ng Oishi Snack Products, dahil sa paglilipat ng operasyon nito sa Liloan, Cebu.

Pondo sa karapatan, di sa karahasan. Nagpiket ang mga grupong manggagawa noong Agosto 24 sa harap ng Kongreso sa panahon ng pagdinig ng badyet para sa 2024 para igiit na paglaanan ng estado ng pondo ang dagdag-sahod, trabaho at karapatan ng mamamayang Pilipino. Panawagan din nilang bawasan ang bundat na badyet ng pulis, militar, NTF-Elcac, at mga confidential fund nina Marcos at Duterte.

Protesta sa mga pagpupulong ng APEC sa US. Binulabog ng protesta ang pagtitipon ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Seattle, US noong Agosto 20, kasabay ng isinagawang porum hinggil sa kalagayan ng kababaihan at ekonomya sa mundo. Isang hiwalay na protesta ang inilunsad ng mga tsapter ng Bayan sa US at Pacific Northwest People Over Profit Coalition noong Agosto 16 kasabay ng inilulunsad na APEC Energy Ministers Meeting sa parehong syudad.

Pagtatapon ng Japan ng basurang nukleyar, tinutulan. Nagprotesta sa harap ng embahada ng Japan ang mga mangingisda at tagapagtanggol ng kalikasan noong Agosto 16 para batikusin ang gubyerno ng Japan sa pagtatapon sa Pacific Ocean ng mahigit isang milyong toneladang kontaminadong tubig na ginamit sa pagpapalamig ng plantang nukleyar sa Fukushima.

Mga protesta