3 Pulang mandirigma, dinakip at sadyang pinatay sa Mindoro at Sultan Kudarat

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Tatlong Pulang mandirigma ang pinatay habang nasa kustodiya ng militar nitong nakarang dalawang linggo. Sa Oriental Mindoro, nadakip at sadyang pinatay ng 203rd IBde ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro na sina Jethro Isaac Ferrer (Ka Pascual) at Peter Rivera (Ka Rochie) sa Barangay Buong Lupa, Gloria noong Nobyembre 13. Pinalabas silang napaslang sa isang gawa-gawang engkwentro sa araw ding iyon. Dinakip din dito si Ka Jasel at hindi pa inililitaw hanggang ngayon.

Sa Sultan Kudarat, dinakip at sadya ring pinatay ng 37th IB ang Pulang mandirigmang si Rafael Zambrano (Ka Dodong/Tres) noong Oktubre sa Sityo Surong, Barangay Hinalaan, Kalamansig, Sultan Kudarat. Nadakip si Zambrano sa isang bahay sa Sityo Bugkog, Barangay Limulan noong Oktubre 8 at ipinailalim sa tortyur. Pagsapit ng Oktubre 11 ng umaga, natagpuan ang kanyang bangkay mula sa pinalabas ng militar na “engkwentro” sa gabi ng Oktubre 10 sa Sityo Kalamagan, Barangay Limulan.

Sa Negros Occidental, pinatay ng mga pwersa ng 15th IB ang mga magsasakang sina Waren Cadarin at Jovy Moreño at pinalabas na napatay sa isang gawa-gawang engkwentro sa Barangay Yaoyao, Cauayan noong Nobyembre 7. Si Cadarin ay dinukot ng mga sundalo sa kanyang sakahan sa Sityo Indangawan, Barangay Manlucahoc, Sipalay noong Nobyembre 4. Iniulat siyang nawawala ng kanyang pamilya sa pulisya at lokal na radyo.

Pag-aresto. Dinakip at ikinulong ng mga sundalo ng 94th IB at lokal na pulis ang mga sibilyang sina Joel Casusa at Jenny Radles noong Nobyembre 8 sa Sityo Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. Si Casusa ay dating tagapangulo ng lokal na asosasyon ng mga magsasaka sa Barangay Buenavista, habang si Radles ay aktibong kasapi ng grupo. Dati nang biktima ng iligal na pag-aresto si Casusa noong 2019. Pinalalabas ng militar na mga kasapi sila ng BHB na nadakip matapos ang isang engkwentro sa lugar.

Pagdukot. Sa Batangas, magkasunod na dinukot ng mga pwersa ng estado ang organisador ng mangingisda na si Mariano Jolongbayan noong Nobyembre 17 sa Lian at si Karla Mae Monge, organisador ng kabataan, noong Nobyembre 20 sa bayan ng Tuy. Nananawagan ang kanilang mga kaanak na ligtas na ilitaw at pakawalan ang dalawa.

Panggigipit. Ginipit at tinakot ng mga pwersang militar ang pamilya ng aktibistang si Kristel Asilom, lider-kabataan ng Anakbayan-Bulacan noong Nobyembre 11. Sa Davao City, ginipit naman ng mga elemento ng NTF-Elcac ang lider-manggagawa na si Paul John Dizon noong Nobyembre 13. Parehong pinuntahan ng mga sundalo ang bahay ng kanilang mga kamag-anak. Sa kaso ni Dizon, binantaan siyang sasampahan ng mga kasong kriminal kung hindi makikipagtulungan.

Panghahalughog. Pinasok at hinalughog ng mga sundalo ng 62nd IB ang bahay ng magsasakang si Maximo Cañete sa Barangay Amuntay at Melvin Vilando sa Barangay Santol, pareho sa Binalbagan, Negros Occidental noong Nobyembre 13. Pinararatangan silang mga tagasuporta ng hukbong bayan at binantaang papatayin.

3 Pulang mandirigma, dinakip at sadyang pinatay sa Mindoro at Sultan Kudarat