Walang patid ang paghahanda ng US para sa imperyalistang gera sa Asia
Tuluy-tuloy na pinalalawak ng US ang presensyang militar nito sa Asia, habang nasa gitna ito ng posibleng lumawak na armadong sigalot sa Middle East, at ng nagtagal nang gerang proxy na inilunsad nito sa Ukraine laban sa Russia.
Sa Pilipinas, pinahihigpit ng US ang kontrol sa Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng sunud-sunod na war games at permanenteng pagpupwesto ng mga tropa at gamit militar sa kalupaan at karagatan ng bansa. Anumang araw, ang malalaking barko nito na may lulang mga drone, eroplanong pandigma at libu-libong tropa ay matatagpuan sa loob ng teritoryong dagat ng Pilipinas o kanugnog na mga karagatan sa tabing ng “freedom of navigation operations.”
Di bababa sa 12 malalaking war games na sangkot ang militar ng Pilipinas ang nailunsad ng US katuwang ang rehimeng Marcos. Wala pa rito ang kasinglaki, kundiman mas malalaking unilateral, bilateral at multilateral na war games na inilulunsad nito sa soberanong karagatan ng bansa nang walang partisipasyon, awtoridad o kahit kaalaman ang papet na estado ng Pilipinas.
Pinalalahok ng US sa war games hindi lamang ang sariling mga tropa, kundi pati ang mga alyadong tropa mula Europe, North America at Asia. Sa kalupaan, may kabuuang 40,000 tropa ang lumahok sa war games ng US. Pinakamalaki sa mga ito ang Balikatan 2023, kung saan 12,200 tropang Amerikano (sa kabuuang 17,600) ang sangkot sa mga pagpapasabog ng kanyon, paghuhulog ng bomba, pagpapalipad ng mga misayl, pagsasanay sa paglusob at iba pa.
Bahagi ang mga ito sa 496 pinagkasunduang aktibidad militar ng US sa bansa sa 2023. Sa gayon, buong taon na nagaganap ang mga aktibidad militar at operasyong sibil-militar kung saan buong nakapailalim ang mga pwersa at makinarya ng AFP sa kontrol ng militar ng US.
Para makapagpatuloy ng papalaking bilang ng mga tropang Amerikano, todo ang pagkukumpuni sa mga “EDCA site” o mga base at pasilidad militar kung saan may ekstra-teritoryal na karapatan ang US. Di bababa sa 15 pasilidad sa 32 inaprubahang proyekto sa mga baseng ito ang minamadali ngayong tapusin ng tau-tauhan ng AFP. Pinakahuling natapos ang 3-kilometrong paliparan sa Basa Airbase sa Pampanga.
Dinagdagan pa ito ng 63 “bagong pasilidad,” batay sa pagpupulong ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board noong Setyembre. Itinakda rin sa naturang pagpupulong ang paglulunsad ng mahigit 500 war games at iba pang aktibidad militar sa 2024. Kasabay nito, inianunsyo ng dalawang estado ang pagdadagdag ng mga base sa umiiral nang siyam na “EDCA site.”
“Pwersang pang-atake” sa China
Noong Setyembre, inanunsyo ng US ang pagpakat ng Marine Rotational Force-Southeast Asia (MRF-SEA), isang task force na ang tungkulin ay maglunsad ng “magkatalikurang” war games sa rehiyon. Inilunsad nito ang Sama-Sama 2023 na tumakbo nang 12 araw noong Oktubre at nilahukan ng mahigit 1,000 tropa mula sa US, Pilipinas, Australia, Canada, France, Japan, Malaysia at United Kingdom.
Mula naman Nobyembre 9, inilunsad nito ang Kamandag 7 sa Palawan, Zamboanga, Tawi-Tawi at Batanes, kalahok ang 3,000 tropa mula sa Pilipinas, US, South Korea at Japan. Bago nito, isinagawa ng US sa Philippine Sea ang 5-araw na Multi-Large Deck Event simula Nobyembre 4, isang war games na walang partisipasyon ang AFP.
Pangalawang taon nang ipinakat ng US ang MRF-SEA para magsilbing “forward-positioned” o abanteng tropa ng US sa Southeast Asia. Ginagamit nitong tabing ang lehitimong hinaing ng mga Pilipino laban sa agresyon ng China sa West Philippine Sea para makapanatili ang malaking bilang ng mga tropa sa teritoryo ng bansa.
Liban sa war games sa mga teritoryo ng Pilipinas, inilulunsad MRF-SEA ang Cooperation Afloat Readiness and Training sa Brunei, Marine Exercise sa Indonesia, at Exercise Valiant Mark sa Singapore. Nakapokus ang mga ito pangunahin sa pagsasanay ng mga sundalong Marines ng US, “kabalikat” ang mga “lokal na hukbo,” para maging pwersang pang-atake o strike force ng US Navy. Alinsunod ito sa Force Design 2030 ng US Marine Corps na may layuning ihanda ang naturang mga yunit sa pinaghahandaan nitong gerang nabal laban sa China.