Barya-baryang dagdag-sahod sa gitna nagtataasang presyo ng bilihin
Nananatiling nakapako sa mababang antas ang sahod sa Pilipinas sa harap ng baryang dagdag-sahod na ipinag-utos ng mga regional wage board sa nagdaang limang buwan. Kulang na kulang ito para makaagapay ang mga pamilyang manggagawa sa matatarik na pagtaas ng mga presyo ng bilihin, laluna ng pagkain at langis.
Noong Setyembre, naagnas nang 28% ang tunay na halaga ng sahod dulot ng implasyon. Sa NCR, ₱504 na lamang ang tunay na halaga ng natatanggap na minimum na ₱610. Wala pa ito sa kalahati ng ₱1,189 kada araw na antas ng nakabubuhay na sahod. Sa abereyds, 35.5% lamang sa nakabubuhay na sahod ang natatanggap ng mga manggagawa sa buong bansa. Kahit bumaba ang implasyon noong Oktubre, nananatiling mas mababa sa hangganan ng kahirapan (₱12,040/buwan) ang natatanggap nilang abereyds ₱9,158 kada buwan. Malayong-malayo ito sa nakabubuhay na sahod na ₱25,816 kada buwan noong Oktubre.
“Makupad” at “barya-barya” ang tugon sa mga petisyon para sa dagdag-sahod na inihapag ng mga unyon at sentro ng paggawa na mula ₱150 hanggang ₱220. Anim sa mga rehiyon ang nagtaas ng baryang ₱30 at tatlo nang ₱35. Pinakamataas na ang ₱50 dagdag-sahod sa National Capital Region at ilang industriya sa Calabarzon. Katiting na nga, “staggered” o utay-utay pa ang pagpapatupad nito sa ilang rehiyon. Hanggang ngayon, wala pang dagdag sahod sa mga rehiyon ng 10, 11 at 13, gayundin sa BARMM, kung saan pinakamalaki ang agwat ng minimum at nakabubuhay na sahod.
Mas malala ang iginawad na dagdag-sahod sa mga manggagawang-bukid na ₱20 hanggang ₱40 mas mababa kumpara sa mga manggagawa sa industriya at serbisyo. Tinawag ng mga manggagawang-bukid na “limos” ang dagdag sa arawang minimum na madalas pang hindi ipinatutupad sa kanayunan. Sa kasalukuyan, sumasahod ang kalakhan ng mga manggagawa sa agrikultura nang mula ₱16 hanggang ₱240 lamang kada araw.
Lalong hindi nakaagapay ang dagdag-sahod para itaas ang antas ng sahod ng kababaihan. Sa pangkabuuan, mas mababa nang 13.9% ang natatanggap ng mga kababaihang manggagawang minimum ang sahod kumpara sa kalalakihan, ayon mismo sa ahensya ng estadistika ng estado. Mas malaki ang pagkakaiba sa mga trabahong propesyunal, tulad sa larangang digital, kung saan mas mababa nang 18.4% ang sahod ng kababaihan kumpara sa kalalakihan.