Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Josephine Mendoza
Binibigyan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at buong rebolusyonaryong kilusan ng pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo si Kasamang Josephine Mendoza (Ka Sandy), myembro ng Komite Sentral at ikalawang pangalawang kalihim ng panrehiyong komite ng Partido sa Southern Tagalog.
Pumanaw si Ka Sandy noong Nobyembre 10 sa edad na 59. Sa iba’t ibang lugar na kanyang kinilusan, kilala rin siya bilang si Nene, Minerva at Victoria Mirayan.
Iniukol ni Ka Sandy ng mahigit apat na dekada ng kanyang buhay sa paglilingkod sa rebolusyon at sa api’t pinagsasamantalahang masa sa kanayunan at kalusuran ng rehiyon.
Produkto si Ka Sandy ng pagsiklab ng kilusan laban sa diktadurang Marcos Sr noong dekada 1980. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 1984 at nagsilbi sa namumunong mga komite ng Partido at BHB sa mga larangang gerilya sa Mindoro at bilang pangalawang kalihim ng komite ng PKP sa Palawan noong dekada 1990.
Malaki ang naging ambag niya sa pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ng rehiyon mula dekada 1990. Maraming mga pakikibakang masa ang pinamunuan niya sa ilalim sunud-sunod na rehimeng Estrada, Arroyo, Aquino, Duterte hanggang sa panunumbalik ng pamilyang Marcos sa poder.