Giriang Marcos-Arroyo-Duterte, tumatalim

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Tumambad na sa publiko ang matagal-tagal nang kumukulong sigalot sa pagitan ng mga Marcos, Arroyo at Duterte sa sunud-sunod na atake at kontra-atake ng mga tauhan nito. Lalong tumindi ang banggaang ito sa gitna ng krisis sa ekonomya at dahil hindi na lahat mabusog o masapatan sa paghahati nila sa kayamanan, kapangyarihan at pribilehiyo ng estado.

Pinakalitaw ang girian sa pagitan ng pinuno ng Kongreso na si Martin Romualdez at bise presidente na si Sara Duterte. Sinakyan ni Romualdez ang malawak at mariing pagbatikos ng sambayanan sa confidential at intelligence funds at pag-alis nito sa badyet sa 2024 ni Duterte bilang bise-presidente at kalihim ng Department of Education. Sumiklab naman ang sagutan ng kampo ni Romualdez at dating presidente na si Rodrigo Duterte matapos pagbantaan ng huli na “papatayin” si Rep. France Castro, kinatawan ng ACT Teachers Partylist at deputy minority leader sa mababang kapulungan, na nanguna sa pagbunyag at paglaban sa CIF.

Natulak ng banggaan na ito ang maramihang pagbitiw ng mga kapartido ni Duterte sa PDP-Laban—na mula 120 myembro ay may 15 na lamang na kasapi sa Kongreso. Kabilang sa mga kumalas si Rep. Aurelio Gonzales Jr na nagturo kay Duterte bilang nasa likod ng mga atake at pambabanta sa Kongreso.

Noong Nobyembre 7, walang kaabog-abog na tinanggal bilang deputy speaker ng Kongreso si Gloria Macapagal-Arroyo, karibal ni Romualdez at alyado ng mga Duterte. Kasabay niyang tinanggal ang kapwa niya deputy speaker na si Rep. Isidro Ungab, kinatawan ng ikatlong distrito ng Davao City. Parehong hindi pumirma si Arroyo at Ungab sa isang resolusyon na tuwirang nag-utos na “ipahayag” ng mga kongresista ang kanilang “pasasalamat, pakikiisa at suporta” kay Romualdez.

Maniobrahang militar

Noong Nobyembre 3, ibinunyag ni Gen. Romeo Brawner, hepe ng AFP, ang aniya’y “mga pakanang destabilisasyon,” sa pamamagitan ng kudeta, laban kay Ferdinand Marcos Jr. Aniya, itinutulak ito ng mga retiradong upisyal at inilalako sa mga nasa aktibong serbisyo.

Itinanggi ng dating kalihim ng Information and Communications Technology na si Eliseo Rio, isang dating upisyal militar at isa sa mga tagapagtatag ng grupong TNTrio, na nagpapakana sila ng “destabilisasyon.” Aniya, ang kampanya nila, kasama ang September Twenty-One Reform Movement, ay ang pagrepaso sa nagdaang eleksyong presidensyal para patunayan ang malawakang elektronikong pandaraya na nagpwesto kay Marcos Jr at Sara Duterte sa poder.

Pinabulaanan naman ng National Security Council (NSC) na may umiiral na pakanang destabilisasyon at sinabing “nagkamali” lamang ang mga repoter sa pag-intindi. Nagmaang-maangan naman ang nakatatandang Duterte na may kinalaman siya sa “usap-usapan” matapos umaming may kinausap siyang mga retiradong heneral.

Banta ng pag-aresto

Noong Nobyembre 14, lumaya sa pamamagitan ng pagpyansa si Sen. Leila de Lima mula sa pangatlo at huli niyang kasong may kaugnayan sa “gera kontra-droga” ni Duterte. Halos pitong taong ikinulong ang senadora sa mga kasong nakabatay sa mga testimonya ng mga hinatulang kriminal. Sadyang ginipit si de Lima dahil sa pagpasimuno niya sa imbestigasyon sa pagkasangkot niya kay Duterte sa mga pagpatay ng “Davao Death Squad” at sa pagiging numero unong kritiko ng “gera kontra-droga” sa Senado.

Sa kanyang pansamantalang paglaya, nangako si de Lima na makikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kung saan kinasuhan si Duterte ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Tuluy na tuloy na ang imbestigasyon kay Duterte sa kabila ng kanyang mga pagsisikap na idiskaril ito. Pinalulutang rin ng pangkating Marcos ang posibilidad na talakayin sa Kongreso ang mga batayan ng kanyang kaso sa ICC.

Giriang Marcos-Arroyo-Duterte, tumatalim