Laban para sa makabuluhang dagdag-sahod, pinaiigting ng mga manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Namomroblema si Dong kung saan niya kukunin ng panggastos para sa kanyang tatlong anak, ang isa rito’y nasa kolehiyo na. “Nitong kinsenas, walong libo lang ang nakuha ko,” aniya. Foreman o “bisor” si Dong sa isang malaking daungan sa Maynila. Hindi siya ang may pinakamababang sahod sa mahigit 800 manggagawa ng piyer na lalong hirap makaagapay sa mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Dahil mas mataas sa kasalukuyang minimum ang sinasahod niya na ₱800 kada araw, hindi sakop si Dong at iba pang katrabaho sa kakarampot na ₱40 pagtaas ng arawang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) noong Hunyo. Pero malayong mababa pa rin ang sahod niya sa kailangang ₱1,189 para mabuhay nang maayos ang isang pamilya.

Ang masama pa, hindi araw-araw ang trabaho sa piyer. “Regular ang turing sa amin, pero madalas na umaabot lang mula walo hanggang 10 araw ang trabaho namin sa dalawang linggo,” ani Dong.

Noong nakaraang taon, nakapagbuo ang mahigit 500 manggagawa ng piyer ng isang unyon para protektahan ang kanilang mga karapatan. Pero naagaw ng maneydsment ang kontrol sa unyon at abugado nito. Nagbabalak ngayon sina Dong na itulak ang eleksyon para mapalitan ang naturang unyon ng isang tunay na unyon na mangangalaga sa kanilang karapatan.

Nitong Nobyembre, nagpulong ang mga myembro ng unyon. Tatlong oras silang nagpulong, mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga. Sa panahon na ito, tantya ng mga manggagawa na aabot sa ₱2 milyon ang nawala sa kumpanya. Ani Dong: “Papaano pa kaya kung magwewelga kami? Kaya takot ang maneydsment sa amin.”

Laban ng mga unyon at kilusang paggawa

Tulad ni Dong, sinikap ng maraming manggagawa na palawakin at palakasin ang kilusang unyon bilang salalayan ng lakas ng manggagawa sa pakikipagnegosasyon sa kapitalista. Nitong taon, sumiklab ang mga welga at protesta sa ilang mga pabrika sa Southern Tagalog at NCR sa gitna ng mga dedlak sa negosasyon para sa collective bargaining agreement o CBA.

Mayor na iginigiit ng mga manggagawa sa mga negosasyong ito ang dagdag-sahod, na sa maraming kaso ay noon pang bago magpandemya ibinigay ng mga kapitalista. Kabilang dito ang laban ng Fuji Electric Phils. sa Laguna at Samahan ng mga Manggagawang Nagkakaisa sa Umicore Specialty Chemicals sa Subic, Pampanga. Naipanalo naman ng mga panadero sa Laguna ang kanilang unyon na Panadero ng Philfoods Fresh Baked Product Inc laban sa unyong pakawala ng maneydsment at NTF-Elcac.

Binigyan ng kilusan ng paggawa ng panibagong tulak ang kampanyang Sahod Itaas, Presyo Ibaba! nitong taon. Sinikap ng iba’t ibang grupo ng manggagawa na magtulak ng dayalogo sa rehimeng Marcos pero ni minsan ay hindi sila hinarap.

Sinuportahan nila ang panukala para sa pambansang minimum na sahod sa Kongreso at para sa ₱150 across-the-board sa Senado. Walang usad ang panukala sa Kongreso habang ang sa Senado ay nananatiling nasa antas “prinsipyo.” Sa mga rehiyon, naghapag ng mga petisyon ang mga lokal na pederasyon at unyon sa mga regional wage board pero barya-barya, nahuhuli at utay-utay pa ang umentong ipinag-utos ng mga ito. (Tingnan ang kaugnay na artikulo.)

“Mapagpasya ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawa,” ayon kay Rene, lider-manggagawa sa isang sentro ng paggawa. Tulad ng itinuro ng kasaysayan, hindi kusang ibinibigay ng kapitalista o reaksyunaryong estado ang anumang dagdag kung hindi malakas, matapang at militante ang kanilang paglaban. Tatlumpu’t apat na taon na mula nang huling napwersa ang estado na iggawad ang makabuluhang dagdag-sahod.

Kailangang magpalakas

Kasabay ng pakikibaka sa sahod, pinalalakas ng kilusang manggagawa ang pakikipagkaisa nito sa iba’t ibang sektor.

Bahagi rin ng laban ng mga manggagawa ang pagsalag sa mga atake ng rehimeng Marcos at ng mga kapitalista sa kanilang organisadong hanay. Noong Setyembre, biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang si Jude Fernandez, beteranong organisador ng kilusang paggawa. Sa mga rehiyon ng Southern Tagalog at Caraga, dinesaparesido ang ilang lider-manggagawa habang ang iba ay iligal na inaresto. Sa Davao at Cebu, target ng pambabanta at pamimilit ang mga lider ng rehiyunal na sentro para “makipagtulungan” sa kampanyang kontra-insurhensya ng militar.

Laban para sa makabuluhang dagdag-sahod, pinaiigting ng mga manggagawa