ni Ming Pagbutlak Alay sa Catbalogan 10
Sa gubat na yaon,
pinagnasaan nila silang pinakamatuwid,
matatag ang tindig,
matayug ang tinatanaw..
pero di nila kinayang ibuwal
di nila kinayang itumba
gaano man kalakas na mga pagtaga,
gamitan man ng umaangil na makina.
hindi sila natitinag
sapagkat sila’y pinatibay ng panahon
panahong batbat ng humahambalos na unos
sa gubat na yaon, ng makauring himagsikan!
at nang sila’y nabuwal
hindi dahil sadyang malakas ang kalaban
kundi dahil pinili nila ang kamatayan
kaysa yumukod sa mga tampalasan at taksil sa bayan.
sa galit ng talunang berdugo,
ginutay-gutay ang kanilang katawan,
inalisan sila ng pagkakilalan
at inilayo sa lupang pinag-alayan nila ng buhay
pero bigo ang mga halimaw ng estadong gumigiwang
bigo silang sugbahan ang alab ng kanilang pagmamahal sa bayan
naglalagablab ang kanilang diwang palaban
sa gitna man ng karagatan ay brilyanteng kumikinang.
kahit ang katawan nila’y nag-abo
sa karagatan ma’y hinasik
hindi mapipigilan ang pagsasanib lakas ng Partido, Hukbo at masa
gaya ng mga alon na muli’t muli’y humahampas sa dalampasigan.
sa gubat na yaon, malalim ang kanilang pagkaugat
sa kailaliman ng lupa, sa kaibuturan ng mga pusong nagmamahal sa demokrasya at kalayaan,
nanatiling buhay ang kanilang mga gintong aral,
nagpunla, nagpayabong ng laksa-laksang Komunista at mga tunay na lingkod ng bayan!
ang gubat na yaon,
ang karagatang kumupkop sa kanilang katawan,
ay ang gubat ng digmang bayan,
ang karagatan ng nakikidigmang mamamayan na lulunod sa kalaban ng bayan!!
walang kamatayan ang kanilang kabayanihan!
Mabuhay ang alaala ni Kasamang Benito Tiamzon at Kasamang Wilma Austria Tiamzon!
Mabuhay ang mga magigiting na kasama na minasaker ng pasistang militar sa Catbalogan, Samar!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
Abril 21, 2023
Pagpupugay at Parangal sa 10 kasamang minasaker sa Catbalogan, Samar